freedom of expression

[OPINYON] Ang kambal na tadhana ng mga historyador at dyornalista

Mark Joseph Pascua Santos

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Ang kambal na tadhana ng mga historyador at dyornalista

Guia Abogado/Rappler

'Ang dalawang propesyon kasing ito ang tradisyunal na may hawak sa kapangyarihan ng katotohanan sa lipunan'

Noong kasagsagan ng pampanguluhang halalang 2022, naglunsad ang GMA Network ng The Jessica Soho Presidential Interviews, kung saan inimbitahang makapanayam ang mga tumatakbo sa pagkapangulo. Naging kontrobersyal ang pagtanggi ng kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos sa nasabing programa, lalo na ang binitawang dahilan ng noo’y tagapagsalita niyang si Victor Rodriguez: “…the hostess of said popular talk show is biased against the Marcoses, and therefore, we believe her questions will just focus on negativity about BBM.” Maraming umalma sa paratang ng pagiging bias ni Jessica Soho, na isa sa pinakapremyadong mamamahayag ng bansa. 

Sa parehong taon, inilabas ng Viva Films ang Maid in Malacañang, na ukol sa huling tatlong araw ng pamilyang Marcos sa Malacañang. Umani ito ng kritisismo, lalo na sa hanay ng mga historyador. Bilang tugon, sinambit ng direktor nitong si Darryl Yap ang mga sumusunod: “I don’t believe that historians should be a profession. I believe that historians are researchers. Masisipag sila na kumakalap ng mga impormasyon pero para sabihin na lahat ng isusulat nila ay 100% true at walang personal na interpretasyon, ‘yun ang hindi ko matatanggap.”

Naniniwala akong hindi magkahiwalay na insidente ang dalawa. Bahagi ito ng mas malawak na proyekto na tanggalan ng lehitimasiya ang dyornalismo at kasaysayan bilang mga propesyon. Hindi ito nakapagtataka. Ang dalawang propesyon kasing ito ang tradisyunal na may hawak sa kapangyarihan ng katotohanan sa lipunan. Mga historyador ang tradisyunal na may hawak sa kapangyarihan ng katotohanan ng nakaraan, habang ang mga dyornalista ang may hawak sa kapangyarihan ng katotohanan ng kasalukuyan. 

Kasinungalingan ang isa sa epektibong sandata ng mga mapang-abusong administrasyon upang mapanatili ang sarili sa poder ng kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling, magiging popular sila sa taumbayan, habang hindi nahahalata ng mga ito ang mga pananamantalang ginagawa nila. Banta sa kapangyarihan ng mga mapang-abusong rehime ang pagsasabi ng katotohanan. Kaya naman hindi na nakagugulat na mga historyador at mga dyornalista ang naging pangunahing puntirya ng rehimeng Duterte at Marcos Jr. sa nakaraang mga taon. 

Samu’t sari ang naging anyo ng pag-atake sa mga dyornalista at mga historyador mula sa panahon ni Duterte hanggang sa kasalukuyang panunungkulan ni Marcos Jr. 

Noong Hunyo 2016, nang mapag-usapan ang ukol sa dami ng mga mamamahayag na pinapatay, ganito ang naging pahayag ng dating Pangulong Rodrigo Duterte: ”Kaya namamatay yan, sinasabi ko karamihan yan nababayaran na o sobrahan nila ang atake…. Karamihan ganun, kasi kung journalist ka lang na tama, wala namang gagalaw sa ‘yo especially if it is true.” Kasabay ng mga pagbatikos ni Duterte sa mga mamamahayag ay ang sistematikong pag-atake ng trolls laban sa mga dyornalista. Sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility, sa unang 100 araw ni Duterte, napakakaraming mamamahayag ang nakatanggap ng banta ng pagpatay, panggagahasa, at pananakit sa mga dyornalista at kanilang pamilya. Ilan sa mga salitang ibinato laban sa mga mamamahayag ay “malicious and irresponsible,” “blunderers,” at “attention-seekers.” 

Sa panahon ni Duterte naging popular ang terminong “presstitute” (press+prostitute) bilang bansag sa mga mamamahayag. Naging kumbinyenteng taguri rin ng mga taga-suporta ni Duterte ang terminong “dilawan” sa sinumang mamamahayag na nagbabalita ng mga impormasyong nakikita nilang nagpapasama sa imahe ni Duterte. 

Hindi lamang limitado sa ganitong pagbabansag at pagbabanta ang naging hakbang ng administrasyong Duterte laban sa mga mamamahayag. Humantong din ito sa patong-patong na libelong isinampa sa mga mamamahayag, partikular na laban kay Maria Ressa at sa Rappler. Sa pamamagitan din ng impluwensya ng dating pangulo, tinanggihan bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN na naging sanhi ng tigil-operasyon nito.

Ang ganitong pag-atake ng rehimeng Duterte sa reputasyon ng mga dyornalista ay ipinagpatuloy ni Bongbong Marcos, tulad ng makikita sa paratang ng kampo niya kay Jessica Soho bilang bias

Tulad sa mga dyornalista, naging mabilis ang pagbabansag na “dilawan” sa sinumang historyador na kritikal kay Duterte at mga Marcos. Nagpaskil ang Facebook page na “Bantay Kasaysayan” ng larawan ng mga historyador na sina Zeus Salazar, Xiao Chua, at Alvin Campomanes, at sinabing marami sa mga kagaya nilang propesyunal na historyador ay mga dilawan. Sa isa namang paskil ng isa pang tagasuporta nina Marcos at Duterte noong Hulyo 5, 2022, binansagan ding dilawan ang may-akda ng Marcos Martial Law: Never Again na si Raissa Robles, gayundin ang public historian ng Ateneo de Manila University na si Ambeth Ocampo, dahil sa kanilang mga pahayag laban sa Batas Militar. 

From Our Archives

Historian Ambeth Ocampo mobbed by Marcos influencers for talking about history

Historian Ambeth Ocampo mobbed by Marcos influencers for talking about history

Ganito rin ang naging pagbabansag sa public historian ng De La Salle University na si Xiao Chua. Matapos niyang tumugon laban sa nabanggit na pahayag ni Darryl Yap, pinagpiyestahan siya ng maraming Youtuber, katulad nalang ng account na “Byahe ni Kokoy TV.” Sa isang bidyong pinamagatan nitong “Huli na ang Historyador na Dilawan,” ipinakita nito ang kaugnayan ni Chua sa mga Aquino upang kuwestiyonin ang integridad niya bilang historyador. 

Bahagi rin ng sistematikong paglansag sa kapangyarihan ng mga historyador ang pagpapalaganap ng ideyang “history is like a tsismis,” katagang naging popular dahil sa pahayag ni Ella Cruz, isa sa mga artista ng Maid in Malacanang. Pinanindigan pa lalo nila ang “history is like tsismis” nang gumawa sila ng isang bidyo, kung saan ipinagtanggol ni Imee Marcos si Ella Cruz. Sumipi pa sila ng mga sikat na manunulat tulad nina Oscar Wilde, Elbert Hubbard, Gore Vidal, at George Santayana para idiin ang subhektibidad ng kasaysayan, at ipakitang bukas ito sa iba’t ibang interpretasyon kaya hindi ito monopolyo lamang ng mga historyador. 

Upang tuluyan nang lunurin ang tinig ng mga historyador at dyornalista, kinasangkapan ng mga represibong rehime ang vloggers. Unti-unting mas dumami ang tagapanood ng vloggers keysa mambabasa ng mga historyador at dyornalista. Pinagmukha nilang elitistang gitnang uri ang mga historyador at dyornalista, na alagad ng mga makapangyarihang dilawan. Samantala, ang vloggers naman ay pomustura na “makamasa” sa pamamagitan ng pagsasalita alinsunod sa wika at kultura ng masa. Dahil dito, mas naging karismatiko sila sa taumbayan.

Tuloy-tuloy ang naging pag-angat ng vloggers bilang alternatibong boses sa mga dyornalista. Ilan sa mga sumikat na maka-Duterteng vloggers sina Mocha Uson, Jam Magno, Sass Sasot, Banat By, at Thinking Pinoy. 

Hindi lamang mga mamamahayag ang pinalitan ng mga vlogger. Pati ang mga historyador ay naging biktima nito. Umusbong ang tinaguriang “history vloggers” na mas pinagtiwalaan na ng maraming Pilipino higit sa mga historyador na may tunay na kasanayan sa pag-aaral ng kasaysayan. Isa sa mga ganitong history vlogger ang Marcos apologist na si Sangkay Janjan, na mayroong mga bidyo sa Youtube ukol sa Tallano Gold, tagong-kayamanan ni Yamashita, mga medalya sa digmaan ni Marcos, windmills sa Ilocos, pagiging bayani sa Bessang Pass ni Marcos, pagiging ginintuang panahon ng Batas Militar, at iba pa na malinaw na maituturing bilang mga conspiracy theory.

Bukod sa vloggers, naging kasangkapan din ang trolls sa social media para lalo pang lunurin ang tinig ng mga historyador at dyornalista. Umuso sa Facebook at Twitter ang paskil ng trolls na may ganitong linyahan: “Philippine History Never Taught in School: A Thread.” Puno ang mga ganito ng mga kasinungalingan, lalo na ukol sa Batas Militar. Pinalilitaw ng ganitong mga paskil na itinatago sa paaralan ang katotohanan ukol sa kasaysayan dahil “bias” umano ang mga guro, lalo na ng kasaysayan at Araling Panlipunan. 

Naging kasangkapan din ang trolls na ito upang magpalaganap ng hate speech laban sa mga dyornalistang nagbabalita ng katotohanan ukol sa mga Duterte at mga Marcos. 

Ang lahat ng ito ay nagpapakita ng kambal na tadhana ng mga historyador at mga dyornalista – ang sistematikong pagbahid sa reputasyon ng kanilang propesyon, upang hindi na sila maging lehitimong tinig sa harap ng nakikinig na bayan. 

Ang sitwasyong ito ay hamon sa mga historyador at dyornalista na humanap ng pamamaraan upang labanan ang kambal na tadhanang ito, at bawiin ang ninanakaw na kapangyarihan ng katotohanan sa kanila – ang katotohanan ng nakaraan at kasalukuyan. – Rappler.com

Nagtapos si Mark Joseph Pascua Santos ng BA History at Postbaccalaureate in Teacher Education sa Polytechnic University of the Philippines, at Master of Divinity sa Manila Theological College. May-akda/patnugot siya ng tatlong aklat, tatlong kabanata sa mga aklat, at 13 artikulo/rebyu sa mga akademikong dyornal. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Departamento ng Filipino, De La Salle University. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!