2022 Philippine Elections

[OPINYON] Trapo ways of being

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Trapo ways of being

Graphic by Raffy de Guzman

'Madaling likhain at itanghal ang imaheng kunwari ay may talino at malasakit until marinig mong magsalita nang walang iskrip at makita mo ang takbo ng utak batay sa kanilang prayoridad'

Masdan ang inyong paligid.

Hindi ba sa kabila ng mga suliraning kinakaharap natin, mababanaagan pa rin ang pag-asa? Hindi ba masusulyapan pa rin ang kagandahan ng mundo sa pagitan ng mga estrukturang humaharang sa ating paningin?

At pansinin, sa bawat sandaling iniisa-isa natin ang detalye ng daigdig para makakita ng magandang tanawin, tiyak, maraming tarpaulin ang nakangiti sa atin, bumabati at nagbibilin ng Happy Fiesta, Happy Father’s Day, Congratulations Graduates, Magpabakuna Para Maging Ligtas, Get High on God Not On Drugs, Handang Maglingkod, Nasa Aklat ang Bukas Nasa Droga ang Wakas kasama ang retokadong mukha ng pulitiko na, tiyak, mas malaki ang font ng pangalan kaysa mismong mensahe.

Oo, kung baga sa sakit, sintomas ito ng pagiging trapo o traditional politician lalo’t papalapit nang papalapit ang eleksyon, kaya naman paparami nang paparami ang nagkalat na pagmumukhang itong, sa totoo lang, masagwa pa rin kahit ilang manipulasyon na ng Photoshop ang ginawa.

Trapo. Sa sociolinguistics, ang salitang “trapo” ay portmanteau o blend ng dalawang salitang traditional at politician. Trapo o iyong politikong gagawin ang lahat ng tradisyonal na paraan manalo lang sa halalan. Kahit pa sindumi na ng luray-luray na trapo o basahan ang taktika ng pagkakahalal. Tulad na lamang ng pagkabit sa pangalan nila sa kahit anong sulok at bagay na pwedeng pagdapuan ng kanilang tatak at kara, pagbili ng boto, paninira, pag-endorso ng anak, asawa, kabit, kapatid para lamang mapanghawakan ang posisyong tila monarkiya na ng pamilya.

Ganito kasi iyan. Ang buong panahon natin ngayon ay lagi nang panahon ng eleksyon. Sumisidhi lang lalo mga isang taon bago ang mismong halalan. Mas nagiging intense ang epal contest para makuha ang atensyon mo. Kahit pa sabihing inuulan tayo ng kalamidad, wala ring humpay ang pag-ulan ng pangalan at pagmumukha ng mga pulitiko saan man mapadako ang paningin mo. Subukan mo ngayon. Sa pagbabasa mo nito sa smartphone o laptop, sa sandaling lumabas ka sa highway o plasa, o sa mga kantong matao, naroon ang nakabalandrang pagmumukha ng kung sinong gustong tumakbo o ma-re-elect sa isang taon: sa tarpaulin, kalendaryo, poster, kamiseta, at iba pa.

Must Read

[OPINION] What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics

[OPINION] What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics

Hindi na ako naniniwala sa election season. Kung palatandaan ng election season ang naglipanang tarpaulin at mga epal sa social media at mainstream media ng mga pulitikong inihalal at nagbabalak pa lamang kumandidato (o kakandidatong muli dahil talo noong nagdaang halalan o kakandidatong muli para mabalik sa kaniya ang posisyon na hawak ngayon ng asawa/kapatid/anak/ama/ina), hindi ba, wala talagang humpay ang panahon ng halalan?

Pambihirang pulitiko ang hindi naghangad ma-validate ang kanilang nagawa by way of re-election. By nagawa, I mean hindi lang iyong totoong serbisyo o pulidong proyekto para sa bayan. Ang nagawa ay pwede ring namigay lang ng payong, kamiseta, baller ID gaya ng ginagawa ng mga trapo. O nagpa-raffle ng termos at timba’t palanggana noong piyesta o Christmas party ninyo. O kaya ay naging ninong sa kasal ng pinsan mo, dumalaw sa lamay, o namahagi ng ayuda na parang sa sariling bulsa galing ang ginasta. Kaya sa simula pa lamang ng panunungkulan, nakahambalang na ang kara at pangalan sa kahit anong uubrang lagyan; isinusumbat ang mga nagawa, inuulit-ulit hanggang maging mantra ng taumbayan. Napaka-invasive. Dagdag sa nakikita nating nakasabit sa labas ng bahay ang naglipanang Facebook group ngayon na ang common denominator ay kung ano-anong barangay o bayan ka nakatira, makakaasa kang ipo-pollute ng trapo ang social media experience mo sa pagbili ng home-cooked sisig o leche flan.

Bakit kasi ganito ang nakalakhan natin? Kasi we adore politicians like celebrities, like saviors, at bunga nito ang simplistikong pamantayan natin sa pagpili: hitsura, pangalan, porma, angas, branding, at kung sino ang nagbigay ng materyal na bagay — token at temporal lang naman talaga — na mistulang pagtulong at isusumbat na. Kaya gustong-gusto ng mga trapo na makasama kayo sa selfie, maisuot sa inyo ang baller at sumbrero at kamisetang may pagmumukha nila, gusto nilang may kalendaryo kayo sa loob ng inyong pamamahay para araw-araw, makikita ninyo ang kanilang kara. Masaya silang itinatratong parang artista.

Kaya naman idinisenyo nila ang sarili na parang artista na talaga kung hindi man ineendorso ng artista. Halos wala na sa equation ang kayang gawin nang buong talino, pagmamalasakit, at paninidigan kahit pa ito ang ilang nangungunang katangiang hinahanap ng mga botante. Sa dalawang pamantayan ng pamomolitika, ginagapi ng personality politics sa bansa natin ang policy politics. Kunsabagay, madaling likhain at itanghal ang imaheng kunwari ay may talino at malasakit until marinig mong magsalita nang walang iskrip at makita mo ang takbo ng utak batay sa kanilang prayoridad. Too bad, karamihan sa kanila, malalaman mo lang lahat kapag nanalo na.

Must Read

[OPINION] Term limits and the rise of the Duterte dynasty

[OPINION] Term limits and the rise of the Duterte dynasty
Pagbuo sa pangalan, pagkatao, at imahen

Malinaw na may discrepancy sa katangian ng minimithi nating pinuno at ang mga aktuwal na ibinoboto at nananalo. Kung paanong nangyari ito ay nangangailangan pa ng intensibong pananaliksik. Ang malinaw lang, sa bansa natin, winnable ang may name-recall at may maayos na tagline at patalastas sa kampanya. Kaya naman may malaking tsansang ang mga pulitiko sa inyo ay dati nang pangalan, o nagpapabango ng pangalan. At marami lalong pulitiko ang magpapakatrapo maging lamang ang kanilang pangalan at ang likhang pagkatao.

May paliwanag ang bantog na French sociologist na si Jean Baudrillard hinggil simulacra: “The only weapon of power, its only strategy against this defection, is to reinject the real and the referential everywhere, to persuade us of the reality of the social, of the gravity of the economy, and the finalities of production.” Nililikha ang pangalan pati na ang likhang kakayahan ng pulitiko. Nilikha para sa atin “to persuade us of the reality of the social.”

Likhang identidad, pagkatao, at kakayahan dahil, sa totoo lang, sino nga ba ang tunay na nakakaalam sa kayang gawin o ginawa ng isang pulitiko kung hindi ibabandila sa atin ang kanilang nagawa by way of epal tarpaulin, sponsored social media content, at paparami na nang paparaming advertorial appearances sa tradisyonal na media?

Ang pagbabandilang ito ay tiyak may slant para ma-highlight ang kagalingan ng kandidato, o para siraan ang kalaban sa marami ring pagkakataon. Sino ba kasi sa atin ang mag-aabalang maupo sa sesyon ng sangguniang bayan o sangguniang panlungsod para mapanood kung sino ang magilas sa balitaktakan, kung sino ang talaga nagmalasakit at nanindigan? O sino ang nangangailangan ng batalyong staff para may masabi sa plenary session? Sino ba sa atin ang nakakasama ni mayor sa lakad para ikutan ang nasasakupan? Sino ba sa atin ang may panahon para busisiin ang nangyari sa loob ng zoo este sa loob ng kongreso? May stamina ka ba para makinig sa sesyon ng senado?

Ang karamihan ng nalalaman natin tungkol sa mga nangyayari ay curated sa paraang papabor sa kung sinong pulitikong nag-uulat. Inayos ang pinaikling impormasyon para madaling maintindihan at paniwalaan. Magtataka ka pa ba kung bakit sila ang kunwaring magaling sa sarili nilang promosyon o pag-uulat by way of invasive epal? O kung talagang wala pang iuulat dahil bago pa lamang tatakbo, pauulanan ka ng kesyo handa silang maglingkod, para sa pagbabago, tunay na serbisyo publiko at iba pang tersera klaseng tagline ng mga trapo mula noon hanggang ngayon. Lalo ngayon. Ang masakit nito, karamihan sa mga nakaupo ngayon, tayong nagbabayad ng buwis ang nagpopondo para sa kanilang promosyon. Iyang tarpaulin ng nakaupong trapo, tayo ang nagpopondo. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!