[OPINYON] Sana SONA

Sumulat sa akin ang isang campus publication sa unibersidad na pinagtuturuan ko. Tinatanong ako kung ano raw ang inaasahan ko sa nalalapit na taunan at constitutionally mandated State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Dahil ito ang huli sa kaniyang rehimen, mukha ngang dapat umasa ako sa bersiyon niya ng state of the nation. I-record ko raw sa video na tatagal lamang nang 20 segundo. As in. 20 seconds. Ang dami ko sanang sasabihin.

Sasabihin ko sanang maghahanap ako ng detalye sa ganoon at ganitong issue na nakaaapekto sa ating bansa. Maghihintay ako ng mapanghahawakang polisiya para sa ekonomiya at maririing hakbang para masugpo ang salot. Pero naisip ko, 20 segundo. Bakit? Dahil, well, maikli na lang naman talaga ang attention span natin lalo’t nakaharap sa social media.

Ilulunsad ang video sa social media account ng publikasyon at mapaparaan sa news feed ng ilang propesor at estudyanteng nag-like at hindi pa nag-a-unfollow sa kanilang social media account. Tama nga namang maikli lang para maipagpatuloy ang walang humpay nating pag-browse sa internet at social media. Saka na ang detalye kapag may sapat nang panahon at atensiyon ang marami. Kaya ang sinabi ko sa video, walang kagatol-gatol, umaasa 'ka ko ako sa coherence. Wala na akong hihintaying detalye hinggil sa mga isyu ng politika, ekonomiya, edukasyon, kapayapaan, katarungan, ugnayang panlabas. Gusto ko na lang maging coherent ang pagsasalaysay ng Pangulo hinggil sa estado ng ating bansa. 

Sana SONA. Sana iyong masinop na binalangkas katulad ng pag-uulat ng kahit sino sa kritikal na tagapakinig. Lalo’t ang tagapakinig, ang Congress, ay kinatawan ng sambayanan. Sambayanang nagbabayad ng buwis para ipantustos sa pagawaing bayan at sa suweldo ng mga lingkod-bayan of the rank-and-file and career kinds at iyong itinalaga dahil sa pakikisama at pulitika kahit hindi karapat-dapat.

Sana nga SONA. Alam ko namang sa loob ng nagdaang limang taon, binusog ang tainga natin sa retorika at pahayag na, for the lack of a better term, unstatesmanlike. Pahayag na kung gagamitin ng isang estudyante sa loob ng klase during recitation, malabong makatanggapo ng papuri o kahit na satisfactory mark. Pero iba na ang panahon. Iba ang pulitika. Ganitong retorika at narasyon ang tinatangkilik. Nasanay tayo sa mura, pagbabanta, hilaw na biro.

Marami tayong kakilala na nang magkaroon ng mataas na posisyon, na-adapt na rin ang retorika at manner of speaking ng Pangulo. Bakit? Kasi bahagi na ito ng paniniwala nilang ang mabisang paraan para mapalapit sa karaniwang botante – huwag nang pag-usapan kung naiintindihan – ay magsalitang parang laging tumutungayaw; na mistulang mas maraming natutuwa sa kaniyang spontaneity sa tuwing haharap sa madla, sa tuwing may presscon, sa tuwing magiging tagapasalita sa kung anumang espesyal na pagtitipon tungkol sa tatanggalin nilang pulitiko sa sampu-samperang partido. 

Kaya imbes na ibuhos ang oras para sa detalye hinggil sa kalagayan ng pakikipaglaban natin sa salot, mumurahin ang isang pulitiko, magkukuwento hinggil sa kaniyang kabataan, pagtatawanan ang kaibigan o kalaban sa pulitika. Nasanay na tayo rito. 

Dahil sanay na, kaya humihiling ako na coherent sana ang SONA. Iyong kahit labag sa aking kalooban at taliwas sa nalalaman ko ang sasabihin niya, at least malinaw kong nakuha ang mensahe. Saka na pag-usapan kung kapani-paniwala o makatotohanan. Sana SONA, at hindi isa na namang kuwentuhan with expected series of palakpakan from the rah rah boys and girls na tinatawag nating minsang mga senador at congressman. Sana SONA, at hindi isang pagkakataon para bungangaan lamang ang kaniyang mga kritiko at kalaban sa pulitika lalo’t nalalapit ang halalan. 

Sana SONA, pero hindi nga kaya ang paraan ng pag-uulat, higit sa mismong nilalaman ng ulat, ang tunay na estado ng bansa? Incoherent, marumi, walang maayos na patutunguhan? – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. de Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.