[OPINYON | STAKEOUT] Pagbabalik-tanaw: 2007 'Glorietta-2 explosion'

Eksaktong 12 taon na ngayon ang nakaraan, nang yanigin ng malakas na pagsabog ang mataong mall na Glorietta-2 sa financial district ng Ayala sa Lungsod ng Makati, na agad na ibinintang ng pamunuan noon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang bomba na gawa ng mga terorista. Umabot sa 11 ang namatay at mahigit sa 100 ang mga sugatan.  

Bagaman nagdulot ng lungkot at dalamhati ang naturang pangyayari, tuwing dumaratal ang araw na ito, ‘di ko naman mapigil na mapangiti – kapag nagbabalik sa aking alaala ang naging pamamaraan ko bilang isang mamamahayag, upang maka-scoop ng video at mga larawan sa sinabugang lugar sa loob ng mall. 

Una rin ako sa nakasagap ng tunay na dahilan ng pagsabog, at lubhang naiiba ang anggulo nito kumpara sa narinig ko na ibinabalita sa radio habang nagmamaneho ako pauwi sa aming bahay sa Novaliches, Quezon City. 

Ayon sa mga report na halinhinang ibinabato sa ere ng mga reporter na nakabantay sa lugar ng oras na iyon, ay umabot na sa 8 ang kumpirmadong patay at mahigit 70 na ang sugatan, na karamihan ay mga mallers. 

Breaking news

Katanghaliang tapat noon ng Oktubre 19, 2007, araw na kung tawagin ng mga empleyado ay TGIF (Thank God It’s Friday!), pauwi pa lamang ako mula sa magdamag na pagdyu-duty bilang senior news editor ng GMA7 – nang ma-monitor ko sa radyo ang breaking news hinggil sa malakas na pagsabog sa loob ng mismo ng Glorietta-2.

Bulong ko pa nga sa aking sarili habang nakikinig sa balita: “Lagot ang duty desk. Siguradong maghapon hanggang gabi ang ngaragan sa loob ng newsroom dahil sa nagaganap sa Makati.” (READ: [OPINION] Would you date a journalist – a Rappler journalist?)

Tuloy ako sa pagmamaneho habang nakikinig sa radio. Nagulat na lamang ako nang huminto ang aking kotse, nasa may parking lot na pala ako ‘di kalayuan sa Rustan’s Supermarket, mga 50 metro naman ang layo mula sa Glorietta-2 sa Makati City – at hindi sa harapan ng aking bahay, sa Novaliches, Quezon City!

Walang duda na ang namayani na naman sa aking pagkatao ng mga oras na iyon ay ang dugong police reporter na nananalaytay sa aking mga ugat, na may ilang taon na rin marahil na “lumapot” dahil sa halos 5 taon na akong nakatali sa loob ng opisina – sa newsdesk ng GMA7 – at bihira nang makapasyal sa dati kong beat na mga police stations, kampo ng pulis at militar sa buong Metro Manila, at karatig na mga lugar.

Ilang metro lamang ang layo ko sa Glorietta-2 ngunit ‘di ko mabanaag ang lugar na noo’y balut na balot ng makapal na puting usok na dala ng alikabok mula sa lugar na pinagsabugan.

Off limits

Kapansin-pansin pa rito ay ang grupo ng mga taga-media na di makapasok sa “police yellow line” na nakapalibot sa buong Glorietta Shopping Complex. “Off limits” agad ang mga media sa loob, kaya nasa paligid lamang sila at naghihintay sa anumang impormasyon na ipapasa ng mga imbestigador na tanging nakapasok sa loob ng Glorietta-2.

Mula sa aking kinatatayuan ay natanaw at namukhaan ko ang ilan sa mga imbestigador – may pulis, militar, at mga banyaga – pawang mukhang mga isnabero, dahil hindi pinapansin ang mga reporter na kumakaway o pilit nakikipagsenyasan sa kanila. (READ: When journalists become the story)

Ang nasa isip ko ng mga oras na iyon ay ang payo sa akin ng LODI kong photographer na si Tata Willy Vicoy, na nasawi sa isang delikadong coverage sa isang lalawigan sa Hilagang Luzon, na naging gabay ko sa lahat ng coverage ko na bawal pumasok ang lahat ng taga-media: “Kapag ipinagbawal na ng mga awtoridad na makapasok ang taga media sa isang lugar kung saan may breaking story na nagaganap, gumawa ka ng paraan na maka-penetrate at siguradong naroon ang scoop!”

At iyon ang aking sinunod – kaya habang ang mga reporter ay kukuya-kuyakoy sa labas ng Glorietta-2, nakapasok ako sa loob at nakakuha ng mga “still photos” na unang-unang lumabas sa online news ng GMA7. Narinig ko rin ng “firsthand” mula sa mga banyagang imbestigador na nasa loob ng gusali kung ano ang posibleng dahilan ng pagsabog na agad kong itinawag sa isa sa aking mga “Boss” sa GMA7.

Bottled water

Mula sa aking kinatatayuan, ay tinawagan ko ang isa kong kaibigan na bomb expert na nasisiguro ko na kasama ng mga imbestigador sa loob ng mall. Hindi naman ako nagkamali, dahil nasa loob nga siya, kasama ng ilang operatiba na nag-iimbestiga kung ano ang sanhi ng pagsabog na yumanig sa buong lugar na iyon sa Makati City.

Tumimo sa aking isipan ang reklamo niya na uhaw na uhaw na sila dahil walang tubig na maiinom sa kanilang kinalalagyan. Kasama kasi sa nasira sa pagsabog ang malaking tubo ng tubig, na nagdulot ng baha sa buong basement, kung saan hinihinala na siyang pinanggalingan ng malakas na pagsabog. 

Sa pag-ikot ko sa buong lugar, napunta ako sa harapan ng isang convenience store at may biglang umilaw sa aking isipan na paraan kung paano makalulusot sa mahigpit na mga Ayala guards.

Bumili ako ng 20 bottled water at binitbit ko ang supot na kinalalagyan nito. Pagtapat ko sa lugar ng dalawang sikyo sa may tagiliran ng Glorietta-2, nagulat pa ang mga ito nang abutan ko ng tig-isang bottled water na nagpapawis sa lamig, sabay sabi na: “Sobrang uhaw na kami sa loob, mahirap ma-dehydrate habang nag-iimbestiga. Putol ang linya ng tubig, matatagalan yan bago makonekta!” 

'Yun lang, dire-diretso na ako sa loob at nang lingunin ko ang dalawang nabiglang sikyo – halos magkasabay nilang tinutungga ang malamig na bottled water!

Activity center

Magkakahiwalay ang mga grupo ng dinatnan kong rescuer at pulis na nag-iimbestiga sa loob ng Glorietta-2.  Ang pinakagitna, na kung tawagin ay “activity center” – butas pataas mula basement hanggang bubong, at animo dinaanan ng isang nag-take off na rocket.

'Di ako magkandatuto sa pagpitik sa aking ever-reliable point-and-shoot Canon IXUS 185, na itinago ko sa aking bulsa. Sa tantiya ko ay pumitik ako ng halos 50 saka ko tinawagan si Josh Villanueva, isang junior newsdesk editor namin sa GMA7 na nakita ko sa labas, bago pa man ako nakapasok sa loob ng Glorietta-2.

Pinakiusapan ko ang kaibigan kong imbestigador na iabot kay Josh ang memory card para ipasa niya agad sa opisina. Hindi kasi ako pwedeng lumitaw dahil kapag nakita ako ng taga-ibang media ay siguradong riot. Maraming aangal kung bakit ako ay nakapasok, at siguradong may mga magrereklamo pa – tiyak mapupurnada pa ang aking pinagpaguran!

Kasunod nito ay tinawagan ko si Ernie Sarmiento, chief photographer noon ng PDI, at ini-email ko sa kanya ang mga litratong naging exclusive banner photo nila sa print media kinabukasan. Nagmumura sa laki ang pagkaka-play up sa Page 1 ng Inquirer ang kuha kong litrato sa wasak na activity center ng Glorietta-2. Isa ang larawan kong ito sa 25 news photos na itinampok ng PDI sa kanilang coffee table book.

Lumabas din agad sa GMA 7 news online ang 37 na mga kuha kong litrato – 'yun lang, wala ako ni isang byline o tagline man lang sa mga ito – at aaminin ko, bilang isang “maniniyut” sobrang disappointed ako noon! 

Ngunit kapag naisip ko naman, na bilang isang senior newsdesk editor na lumabas at gumawa ng isang extraordinary feat o trabahong hindi ko na dapat gampanan, at nagawa ko naman para sa kumpaniyang nagtiwala sa aking kakayahan – lampas tenga agad ang ngiti ko!

'Poso negro'

Kinabukasan, labis akong nabigla sa naging anggulo ng lahat na yatang media dahil ang banner story o mga headline news ay nagsasabing “bombang kagaya o gawa ng mga terorista” ang sumabog sa basement ng Glorietta-2 sa Makati.

Sabagay, hindi na rin ako masyadong nagtaka noon dahil maging sa aming opisina, nang tawagan ko ang isa sa aming mga boss sa news department ay matamlay ang naging reaksyon niya sa impormasyong agad kong ibinato sa kanya. Tila hindi niya ito siniryoso: “Dyahe naman ‘yan, tatsi lang ang dahilan!”

Ang anggulong “bomba ng terorista” ay ibang-iba sa usap-usapan at pagbibiruan ng nakasama kong mga imbestigador na banyaga, pulis, at militar sa loob ng Glorietta-2, na ako lang ang pinalad na unang mamamahayag na nakapasok at nakakuha pa ng video at mga larawan.

Sa ganitong sitwasyon ay nakasanayan ko lang na makinig sa kuwentuhan, palitan ng kuru-kuro at pati biruan ng mga imbestigador, na hindi nagte-take down notes ng aking mga narinig. Kapag kasi nakita nilang nagsusulat ako, titigil sila sa pagkukuwento at biruan – purnada ang pasimpleng pangangalap ko ng impormasyon.

Ang lahat nang nasasagap kong impormasyon, totoo man o hindi, iniimbak ko muna sa aking kokote at kapag di ko na kayang isaulo, saglit akong lalayo – saka ko patagong isusulat na parang kodigo, bago muling babalik sa usapan!

Ilan lamang ito sa mga natatandaan kong nangyari: Nang bumaba sa basement ang isang Australian intel operative, na sa pagkaka-alam ko ay bomb expert din, ito ang pasigaw niyang sinabi: “My God, it smells like shit in there!”

Yung member ng Mossad, ang hinahangaan kong organisasyon ng magagaling na “intelligence agent” mula sa Israel ay ganito naman ang sinabi: “A powerful rocket fueled by shit just took off the place!”

Mayroon namang isang banyaga rin na hindi ko malaman kong anong nationality ang tumatakbo palabas ng basement kung saan naganap ang pagsabog, at agad nitong hinubad ang suot niyang polo shirt, kasabay ng pagsasabing: “I smell like shit!”

Sa puntong ito, nagsisimula nang gumana ang aking imahinasyon at nag-one plus one sa mga bagay na natutuhan ko noong ako ay isang engineering student sa mga subject namin na Physics at Chemistry. Kaya alam ko na ang sinasabi nilang mabahong amoy ay galing sa chemical na methane gas na “by product” ng mga nabubulok na bagay na gaya ng tatsi na nakaimbak sa “poso negro” o septic tank sa basement ng Glorietta-2.

Ang methane gas ay highly combustible, at ito ang laman ng ginagamit nating liquefied petroleum gas (LPG) sa kusina, at kapag napabayaan itong sumingaw ay sumasabog sa bahagyang kislap sa paligid nito.

Patuloy akong nagmumuni-muni nang lumabas ang kaibigan kong bomb expert na Pinoy na taga-US embassy at pabirong sinabi ang ganito: “May suspek na ako, siguradong pakana ito ni Malabanan!” Sa mga hindi kilala kung sino si Malabanan – ito ay isang kumpaniya na binabayaran upang linisin ang laman ng mga “poso negro” sa mga pribadong bahay at establisimento.

Sa dalawang anggulong ito na lumabas pagkaraan ng mahabang imbestigasyon – lumitaw na tatsi nga ang dahilan. 

Ang naipon na nabulok na tatsi sa loob ng higanteng “poso negro” sa basement ng Glorieta-2 ay nag-emit ng methane gas na nag-leak at pumuno sa buong basement ng mall. Na-ignite ito at sumabog nang malakas matapos mag-automatic ON ang motor ng water pump, na nasa ibabaw ng “poso negro." – Rappler.com