[Stakeout] Commonwealth Avenue shootout – ‘buy-bust’ o ‘sell-bust?'

Karaniwan nang lumulutang sa mga malalaking anti-illegal drug operations ang salitang “buy-bust,” na siyang ginamit na operasyon upang makahuli ng mga big-time pusher at mabuwag ang isang sindikato ng ilegal na droga. Pero ni minsan ay hindi lumutang o nabanggit man lang sa mga after-operation report ng mga operatiba ang katagang SELL-BUST. 

Ako mismo, sa mahabang panahon kong nakabuntot sa mga ganitong klase ng anti-drug operations bilang isang crime reporter, ay hindi ko rin ito nabasa man lang sa mga police report, gayung madalas ko itong naririnig sa ilang team leader bago pa man nila ilatag ang isang malaking police operation.

Kaya habang isinusulat ko ito, ay nabigla ako nang marinig sa radyo si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Vicente Danao Jr. na binanggit ang salitang SELL-BUST. Sabi niya ilegal na practice ito ng mga anti-illegal drugs operative, kaya’t dapat itong maiimbestigahan. Isa raw kasi sa dalawang kampo ang maaaring nag-instigate nito. Ang hahawak sa imbestigasyon ay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP). 

Sa naganap na shootout nitong Martes sa harapan ng Ever Gotesco Mall sa may Commonwealth Avenue, Quezon City, dalawang grupo ng anti-illegal drugs operatives mula sa Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) ang umaangkin na lehitimong “buy-bust” operations ang kani-kanilang isinagawa. Nag-ingay ang magkabilang kampo dahil sinamangpalad na tatlong operatiba ng mga ito ang nagbuwis ng buhay, at ikinasugat ng apat na iba pa.

Kani-kanyang labas ng depensa – prior coordination, buy-bust money, at mga asset sa operation – ang dalawang kampo upang patunayan na lehitimo ang kani-kanilang tinatrabaho. Pero kung atin namang pakalilimiing mabuti, ang sisihan nang magkabilang kampo na kaya “bungled buy-bust” ang kanilang tinatrabaho ay walang “proper coordination” sa isa’t isa, kaya’t dapat din na simulan ang imbestigasyon sa angulong ito.

Kung paniniwalaan natin pareho at sasakyan ang takbo ng mga depensa ng dalawang kampo, malamang baka ang lumabas sa pagtatapos ng imbestigasyon ay NAKATAKAS ang mga suspek dahil sa nagka-misencounter ang PDEA at QCPD dahil kulang sa "coordination,” kaya “period” na lang ito, tapos na ang kuwento, charged it to  experience.…'Wag naman noh!

Sell-bust

Ano ba talaga ang SELL-BUST? Kailan ba ito dapat gawin? At bakit kadalasan, kapag nagawa na at matagumpay ang operasyon – ay bigla naman itong tinatawag na  “buy-bust”? 

Para sa akin, unang-una – ilegal ito kaya ‘di dapat gawin ng mga operatiba. Dito kasi sa halip na hinuhuli ng mga operatiba ang nagbebenta ng droga, sila pa ang kumukumbinsi sa mga ito para bilhin ang iniaalok nilang kontrabando. Eh di para na rin sila ang sindikato rito!

Kaya nga thumbs up ako sa narinig kong reaksyon ni Representative Ace Barbers, isa sa mga mambabatas na pinaniniwalaan ko ang paninindigan kapag ang ilegal na droga sa bansa ang pinag-uusapan: “If the news reports are to be believed, PDEA seems engaged in or conducting a 'sell-bust.' If this is so, PDEA's ‘sell-bust’ operation is not legal because it borders on the illegal act of instigation and drug selling or trafficking. If PDEA adopts 'sell-bust' as its policy, then it would appear that this organization is like a drug syndicate for practicing and allowing drug trafficking." 

Sa tingin ko ay malaki ang tama mo rito, Rep Ace!

Sa pagkaka-alam ko, palagiang ginagawa ito ng mga anti-illegal drugs operative – noon pa man na panahon ng Narcotics Command (NARCOM) – na kapag marami na ang stock ng nakumpiska nilang ilegal na droga, gaya ng shabu, opium, marijuana, at heroin, at gusto nilang gumawa ng malaking pagkakaperahan, oplan SELL-BUST ang inilulunsad nila. Patago nga lang ito pero siyempre, alam din ng kanilang mga bosing!  

Ganito ‘yan: Kapag nakakita ang operatiba ng intelligence group (PDEA man o PNP) ng miyembro ng sindikato na posibleng buyer o naghahanap ng supply ng ilegal na droga na mas mababa ang halaga, ibinabato ang intelligence info sa mga operatiba, at agad itong naglalatag ng operation na kung tawagin ay SELL-BUST. Ang ginagamit na droga na kunwari ay ibebenta ay “hihiramin” muna sa bodega, kung saan nakaimbak ang mga nakumpiskang ebidensiyang droga mula sa mga naunang operasyon. 

Kapag matagumpay na nairaos ang operation SELL-BUST – balik sa kamay ng mga operatiba ang “hiniram” nilang droga sa bodega at may karagdagang bonus pa – ito ‘yung malaking halagang ibinayad ng mga bumibili ng droga sa kanila. Palalabasin lamang nila na “budul-budol” (bugkos ng mga ginupit na papel o diyaryo at ang nasa ibabaw lang ang totoong pera) ang ginamit nila sa “buy-bust”, at ‘yung totoong pera na ibinayad naman ng mga arestadong buyer – na biglang naging pusher – ay pagpi-piyestahan na ng mga operatiba. Kadalasan ay malaking halaga ang pinaghahatian nila rito!

Kaya sa naganap na shootout sa Commonwealth, panigurado talaga na SELL-BUST ang naging puno’t dulo nang barilan, at hindi ang ipinangangalandakang “buy-bust” ng dalawang kampo na sa palagay ko’y kapwa umaasa ng makulay na accomplishement – saka marahil ng malaking maaaring pagkakaperahan – sa tinatrabaho nila!

Ang tanong na hinahanap ko pa rin ng kasagutan dahil tatlong buhay ang naging kapalit nito sa “misencounter” daw na naganap: Gaano karami at nasaan ang droga, at magkano at nasaan din ‘yung pera na ipambabayad dapat sa sinasabing kontrabando?  

Samahan n’yo ako, bantayan at abangan natin ang magiging takbo ng isasagawang imbestigasyon ng hinahangaan kong investigation unit ng PNP – ang CIDG, na sa aking palagay ay mamaniin lang ang paglutas sa hiwaga ng shootout sa pagitan ng PDEA at QCPD sa Commonwealth Avenue – Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.