Community pantries

[Stakeout] Pagtulong sa kapwa sa kaibuturan ng puso

Dave M. Veridiano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Stakeout] Pagtulong sa kapwa sa kaibuturan ng puso

Illustration by Guia Abogado

'Sa mga kaibigan nating pulis dyan, naman, naman – nasa gitna tayo ng mapaminsalang pandemya, maraming kababayan natin ang nahihirapan at nangangailangan ng pinagsama-samang nating pagtutulungan. Tigil 'nyo naman muna ang pamumulitika at sipsipan!'

Gintong bilin mula sa aking pinakamamahal na ama noong siya ay nabubuhay pa: “Tumulong ka sa kapwa mula sa kaibuturan ng iyong puso na walang hinihintay na anumang kapalit, at gawin ito sa paraan na magaan at kakayanin mo.”

Tagubilin na matagal na ring nawala sa aking alaala ngunit biglang nagbalik at tumimo sa aking isipan, nang mabasa at mapanood ko ang mga post sa social media, kung paano nakatutulong sa mga nagdarahop nating kababayan ang community pantry, na itinayo sa Maginhawa Street, Diliman, Quezon City, ng isang architect at never-heard na netizen na si Ana Patricia Non, na ngayon ay isa nang “online star.”

Makataong proyekto na biglang nabuo mula sa isang maliit na mesa na gawa sa kawayan, na pinuno ni Ana ng iba-ibang pagkain, para makatulong sa ilang kababayan nating naghihirap ngayong panahon ng pandemya. Kanya-kanyang kuha ng sapat para sa pangangailangan at ‘di dapat mag-uuwi ng sobra-sobra. 

Makaraan lamang ang halos isang linggo, dumami ang nagbibigay ng tulong. Karamihan sa mga ito ay ‘di rin nagpapakilala, basta na lamang iniiwan sa unti-unti na ring nadaragdagan na mga mesang patungan ng mga pagkaing pantawid-buhay na kanilang dala-dala – hanggang sa humaba ang pila ng mga kumukuha ng pantawid-gutom sa community pantry sa Maginhawa.

Maraming nabahaginan ng grasya, maraming natulungan na mga pumupunta sa lugar, upang kumuha ng mga pagkain na sapat lamang sa kanilang pangangailangan – walang nag-uuwi nang sobra-sobra! Dito tuloy naglaro sa aking isipan – ito na marahil ang sinasabi ng aking Ama, na uri nang pagtulong na ‘di naghihintay ng anumang kapalit.

Must Read

LIST: Community pantries where you can donate goods, basic necessities

LIST: Community pantries where you can donate goods, basic necessities
Mabilis makahawa

Parang COVID-19 sa bilis makahawa ang proyektong ito na inumpisahan ni Ana. Naging bukambibig ng balana ang community pantry sa Maginhawa, pinag-usapan sa social media at pinagkaguluhan ng mainstream media – hanggang gayahin na sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at umabot na rin sa mga probinsya.

Ang siste, habang umaani ng papuri ang matagumpay na community pantry ni Ana, may mga kampo naman na ‘di lang inuulan, bagkus ay binabagyo pa, ng batikos dahil sa kanilang mga kapalpakan. Ito ang mga ahensiya ng pamahalaan, na dapat sana’y siyang nagpapatupad ng pagtulong na kagaya nang sa community pantry, na ngayon ay ginagaya na ng mga medyo nakaaangat sa buhay na mga kababayan natin sa buong kapuluan.

Lumutang kasi nang todo ang pagkukulang ng mga ahensiyang ito, na kung tutuusin ay sobra-sobra ang maibibigay na tulong sa ating nagdarahop na kababayan, dahil sa trilyones na pondong nasa mga kamay nila. Pero sa makulit na pagtatanong ng mga taong umaasa sa tulong – walang makapagbigay ng konkretong paliwanag kung ano ang nangyari sa pondo, at bakit marami pa ring nasalanta sa pandemiya ang ‘di nakatitikim ng ayuda mula sa gobyerno. 

Kaya tuloy biglang naging bida ang community pantry ni Ana – nag-viral sa social media – na lumikha ng ganitong magkakaparehong saloobin ng ating mga kababayan: “Mabuti pa ang mga personal na tulong mula sa ating mga kapitbahay — gaya nitong community pantry — ay pwedeng masandalan sa gitna ng kagipitan. Pero karamihan sa mga pinuno ng bayan, ‘di pwedeng asahan, dangan kasi’y pawang bulsa nila ang unang tinutulungan!”

Kaya naman ang aking pakiusap sa mga grupong gusto pang intrigahin ang community pantry na ito – please lang, kung wala kayong maitutulong, ‘wag na kayong makigulo, panoorin ‘nyo na lang para matutuhan ang tamang pagseserbisyo sa publiko.

Must Read

WEBINAR: How to start and sustain a community pantry

WEBINAR: How to start and sustain a community pantry
Militarism

Doon naman sa mga nabatos na intel operative na bigla na lamang nagsusulputan at nagtatanong ng mga walang kapararakang bagay sa mga kababayan nating abala sa pagbibigay ng tulong, ito lang naman ang masasabi ko sa inyo:  “Wag ‘nyo namang bigyan ng kahit anong kulay pulitika ang pagtulong ng mga pribadong tao sa ating mga naghihirap na kababayan sa gitna ng pandemyang COVID-19. ‘Wag kayong magpagamit sa mga insecure, corrupt, at ambisyosong opisyal ng pamahalaan, para lamang maisulong ang kanilang pagsasamantala sa kaban ng bayan.”

Wala akong nakikita na militarism sa proyektong ito, na marahil ay agad na iniugnay ng ilang “genius” na intel officer dahil sa pagkakatatag ng community pantry (kasing tunog daw kasi ng communist party) sa lugar na ‘di kalayuan sa University of the Philippines (UP) na sinasabi rin nilang “sentro” ng aktibismo sa bansa.

Must Read

Only days into operation, community pantries now face red-tagging

Only days into operation, community pantries now face red-tagging

Ayan tuloy, pansamantalang isinara ni Ana ang community pantry sa Maginhawa dahil sa takot na baka siya madukot pati na ang kanyang mga estudyanteng volunteer. Bigla kasi siyang nasama sa tinamaan ng lintik na red-tagging na ‘yan, ng mga ‘nyetang magagaling na pulis na ito! 

Ani Ana sa kanyang post sa Facebook: “Hindi magandang balita. Bukas (Ngayong araw ng Martes) pause po muna ang #MaginhawaCommunityPantry para sa safety po namin ng mga volunteers. Malungkot po dahil hindi muna maipapamahagi ang goods na inihanda namin buong maghapon dahil po sa #RedTagging na nagaganap. Magbigat sa pakirandam ko kasi maganda po ang intentions ko noong binuo ko ang #CommunityPantry at ilang araw na din po na napakaraming pinagsisilbihan nito at ganun din po ang tulong na dumarating. Sigurado po maraming tao po ang pipila sa amin bukas pero kailangan po muna nila maghintay sa susunod na araw bago po ito maipamahagi. Lalo na po at nagkaproblema kanina ang ibang Community Pantry sa mga kapulisan.”

Sa mga kaibigan nating pulis dyan, naman, naman – nasa gitna tayo ng mapaminsalang pandemya, maraming kababayan natin ang nahihirapan at nangangailangan ng pinagsama-samang nating pagtutulungan. Tigil ‘nyo naman muna ang pamumulitika at sipsipan!

Sa totoo lang, ang nararamdaman kong isinasapuso ng mga kababayan nating nag-umpisa at mga nagpapatuloy pa sa natatanging proyektong ito, ay ang pagsunod – bilang mga Kristiyano — sa nasusulat sa Banal na Kasulatan sa aklat ng Mga Kawikaan 19:17 – “Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.” – Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 


Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!