journalism in the Philippines

[Stakeout] Si Major ‘Cabo’ Cabauatan at paalala ng nakaraan

Dave M. Veridiano
[Stakeout] Si Major ‘Cabo’ Cabauatan at paalala ng nakaraan
'Sa ngayon ay namamayagpag na naman sa pulitika ang pamilyang naulila ng diktador, kaya’t tila may gusto ipaalala sa akin ang nakaraan'

Naghahalungkat ako ng mga dokumentong naipon mula ng maging reporter noong dekada 80, nang madampot ko ang isang naninilaw ng sulat mula kay Brig Gen. Pantaleon Dumlao Jr., ang hepe noon ng Narcotics Command (Narcom). Ito ‘yung mga panahong pilit na ginugulo ang bagong sibol na demokrasya sa bansa ng mga rebeldeng sundalo, na ang iniidolo ay ang pinatalsik na diktador na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Sa ngayon ay namamayagpag na naman sa pulitika ang pamilyang naulila ng diktador, kaya’t tila may gusto ipaalala sa akin ang nakaraan. Napansin ko kasi na ang petsa ng sulat ay March 17, 1989 at nang mahalukay ko ito sa baul nito lamang Huwebes ay adisi-siyete rin ng Marso – yun lang, ito’y naisulat 33 taon na rin ang nakararaan!

Sa isang bahagi ay ito ang sinasabi: “In this world of compromise, some things have to remain secret. Nevertheless, we all know too well, that success is shared by men bonded together by common ideals. Our operational success, which history now writes the greatest contribution to national security, would not have materialized without civilian cooperation…. Again, our sincerest thanks to all the men and women behind the paper and we wish you more power.”

Sa sulat ay pinasasalamatan ni Gen. Dumlao si Tita Eggie Apostol, ang founding publisher ng Philippine Daily Inquirer. Ito ang pahayagang aking pinaglingkuran bilang isang defense/police reporter, na ang naging tambayan sa loob ng halos 15 taon ay ang Camp Aguinaldo at Camp Crame, sa magkabilang panig ng makasaysayang highway ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City.

Naalaala ko na nang matanggap ni Tita Eggie ang sulat ay agad niya itong ipinabasa sa akin, bago ipinaskil sa bulletin board sa newsroom. Ang PDI ay nasa BF Homes Condominium sa Intramuros pa noon. Makaraan ang halos isang linggo ay binalikan ko ‘yung sulat, dinekwat para maiuwi at isama sa iba pang itinago kong memorabilia bilang mamamahayag sa mainstream media.

Weekend coup threat

Ang tinutukoy sa liham na “operational success” ay ang pagkaka-aresto kay Constabulary Major Reynaldo Cabauatan – na noong panahong iyon ay ang numero unong renegade soldier na kabilang sa Marcos Loyalist Soldiers (MLS) na halos tuwing weekend ay nagpapakalat na may magaganap na kudeta laban sa bagong administrasyon ni Tita Cory. Animo’y wala nang katapusan ang takutan na ito kaya’t pati ang ekonomiya ng bansa ay ‘di na tuloy makaabante dahil sa nerbiyos ng mga negosyante.

Ang sinasabi kong “weekend coup threat” noon ay maihahambing sa tinatawag nating mga “fake news” ngayon. Ang kaibahan lang ay sa social media nababasa ang mga “fake news” samantalang noon ay naririnig ang mga “coup threats” sa radio transceiver ng mga amateur radio enthusiast ng mga sibilyan. Naniniwala ako noon na sadyang ipinaparinig ito sa kanila upang mapag-usapan at sa bandang huli ay ma-pick up na rin ng print at broadcast media.                                                                                                                                                   

Lalong sumikat si Major Cabauatan – mas nakilala siya sa alias na “Cabo” – nang pangalanan siya na nagtakas ng tangke sa Fort Bonifacio at ipinarada sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Wala man lang ni isang puwersa ng pamahalaan na nagkalakas ng loob na humarang sa tangke hanggang sa makapasok at iniwan ito ni “Cabo” sa loob ng compound ng UST sa Espana, Sampaloc, Maynila. Bukod pa ito sa mga naging pag-atake ng mga MLS sa iba’t ibang gusali sa Metro Manila, gaya ng GMA7 sa EDSA, Diliman, Quezon City at mga kampo militar sa Makati at Taguig.

Bilang isang defense reporter – na madalas nakakasama sa malalaking operasyon ng mga operatiba – takang-taka ako noon dahil kahit naririnig ko mismo sa aking AOR Radio Frequency scanner na monitored naman ng mga government troopers ang galaw ng mga MLS, wala ni isa mang interception at pag-aresto ang nangyayari! 

Nang usisain ko ang ilang kaibigan kong matinik na mga operatiba kung ano ang dahilan ng pananahimik ng pulis at militar, tumimo sa aking isipan ang kanilang sagot: “Nakabubulag, nakabibingi at nakauutal ang bilyones na perang ninakaw ng pamilyang itinaboy sa Hawaii, ng mga nagising na kababayan natin. Hindi mauubos ang nakaw na yaman at siguradong makababalik sila sa puwesto!”

Scoop 

Ewan ko…pero parang apektado ang buo kong pagkatao sa aking narinig mula sa bibig mismo ng mga iginagalang kong matitinik na operatiba. Ramdam ko ang nag-aalburoto nilang dibdib pero wala naman silang magawa.

Naramdaman ko na lang na kumikilos ako, gamit ang konting kaalaman sa “technical surveillance” – na natutuhan ko bilang isang electrical engineer – at nakipagtulungan sa “monitoring” na ginagawa ng aking mga ka-tropang makabayang operatiba mula sa pulis at militar…libre, walang bayad at sariling gastos, na ‘ika nga nila: “Para sa bagong demokrasya na ating tinatamasa!”

Kaya naman parang bombang sumabog sa mukha ng lahat ng media nang bumulaga sa kanila ang scoop na balita ng Inquirer, hinggil sa pagkakaaresto kay “Cabo” sa harapan ng Mikimoto Restaurant sa kanto ng Buendia Avenue at Roxas Blvd noong gabi ng Marso 8, 1989. 

Si “Cabo” ang unang leader ng mga rebelde na naaresto ng mga pulis sa administrasyon ni Tita Cory – at ang buong operasyon ay ekslusibong na-cover ng Inquirer, mula umpisa hanggang dulo, bago pa man ito pumutok sa ere at malaman ng ibang taga-media.

Ang lihim na binabanggit ni Gen. Dumlao sa kanyang liham ay bahagyang nai-“reveal” makaraan ang dalawa’t kalahating taon nang maglabas ang Inquirer ng mga story – sa isyu ng ika-anim nitong anibersariyo – kung paano nakuha ng mga reporter nito ang malalaking scoop, kabilang na rito ang pagkaka-aresto kay “Cabo”. Yun lang, limitado ang kuwento, walang detalye ng operasyon na confidential pa ng mga panahong iyon!

Ang lihim

Ang “intel info” na na-develop ko sa loob ng halos dalawang buwan ay ibinahagi ko sa mga kaibigan kong pulis at militar, dahil sa paniniwalang malaki ang maitutulong nito upang masakote ang mga maka-Marcos na sundalong gumugulo sa bagong administrasyon.

Ang nakuha kong maliit na impormasyon hinggil sa “girlfriend” ng younger brother ni “Cabo” ay na-develop ko, at nagbigay daan sa mga “intel info” kung saan at kailan nagkikita-kita ang mga kaalyado nitong rebeldeng sundalo.

Manager kasi sa Mikimoto Restaurant ang GF ng utol ni “Cabo,” at madalas niya itong sinusundo sa harapan mismo ng restaurant, gamit ang mismong kotse ng kanyang kuya, kaya madali kong namonitor ang mga kilos nito. 

May mga pagkakataon pa nga na kapag weekend ay niyaya ko ng date ang dati kong GF na si Aymi (nanay ng aking mga anak at lola ng mga apo) sa naturang restaurant – wala sa hinagap niyang nagsu-surveillance na pala ako noon at “cover” lamang ang aming date!  

Halos umabot ng dalawang buwan bago dumating ang takdang araw – munting GTG sa isang private room ng Mikimoto Restaurant, na itinaon sa birthday ng GF ng “utol-driver” ni “Cabo” – sa ika-8 ng Marso, 1998.    

Hawak ko na ang intel info mga tatlong araw pa bago ang GTG – yun lang, dapat ay mapasakamay ito ng isang opisyal ng pulis o militar na sumusuporta ng lubusan sa bagong demokrasyang biyaya ng 1986 EDSA People Power revolution.

Pero bago ko ito ginawa, ay nagpaalam ako sa aking managing editor na si Roy Acosta, at ganito ang sinabi niya sa akin: “Kung iyan ang idinidikta ng konsiyensya mo, walang problema. Para sa bayan – sundin mo, gawin mo! Basta siguruhin mo lang, ha – dapat EXCLUSIVE ‘yan ng Inquirer. Doble ingat ka lang!”

Ibinigay ko ang info kay Gen. Dumlao – ilang beses na niya kasi akong naisama sa malalaking anti-drug operation ng Narcom at malaki ang respeto ko sa kanya – na nag-assign naman kay Capt. Benjamin “Kidlat” delos Santos, na siyang naging “partner” ko sa naturang operasyon. Si “Kidlat” ang chief operator samantalang akin naman ang “technical surveillance” dahil sa aking mga gadget na gamit sa monitoring at eavesdropping. Tatlo pang aktibong opisyal ng PC-INP ang aming isinama, at siyam na mga matitinik na operatiba mula sa Narcom at CIS.

Nanghiram ako ng mga VHF radio-tranceiver sa aking kaibigang mga amateur radio enthusiast – pati na rin ang tinatambayan nilang frequency – na ginamit ng grupo sa buong operasyon na tumagal ng halos walong oras na pagbabantay.  

Must Read

[Stakeout] Malapot na ang tinta ng bolpen!

[Stakeout] Malapot na ang tinta ng bolpen!

Ang aking kasamang photog naman ay si Boy “BoyCab” Cabrido na simblis ng kidlat sa pagkilos – kamuntik pang mabundol ng isang humahagibis na sasakyan sa Roxas Blvd, sa pagmamadaling makapuwesto para makakuha ng magagandang angulo – kaya’t lahat ng maaksiyong galaw sa naturang operasyon ay nalitratuhan niya! Sayang nga lamang dahil naabo ang lahat ng recuerdo niyang larawan sa sunog na tumupok sa kanilang bahay sa may Greenhills, San Juan City. 

Nang maaresto si “Cabo” siniguro kong ‘di sisingaw sa ibang taga-media ang impormasyon, kaya’t inihirit ko kay “Kidlat” na i-check-in muna ang aming huli sa Mahal Kita Hotel sa Pasay City, at doon isasagawa ang magdamag na “initial tactical interrogation” bago siya dalhin sa Camp Crame at iharap kina Generak Dumlao at General Ramon Montaño, ang pinuno noon ng Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP).

Ang huling hirit ni “Cabo” – na hindi agad namin nakilala dahil sa haba ng buhok, balbas, at bigote – habang Bitbit siya ni Narcom agent Antonio da Silva: “Nakakahiya ito…mabuti pa patayin n’yo na lang ako. Kung hindi, tatakas ako para mapilitan kayong barilin ako!”

Ang sisti, habang sinasabi ito ni “Cabo” ay may pa-simpleng inilaglag siyang maliit na “black diary” na agad nakita ng matalas na mata ng partner kong si BoyCab. Inginuso niya ito sa akin habang panay ang pitik niya ng camera, na agad ko namang dinampot at ibinulsa.

Ang laman ng “black diary” ay mga telepono ng mga opisyal ng AFP at PC-INP, at mga negosyante na sumusuporta sa mga rebeldeng sundalo dahil sa kanilang mga personal na interest. Nakulong ng mahabang panahon sa Muntinlupa si “Cabo” matapos masintensyahan ng Military Court noong Pebrero 14, 1990 ng “12 years of hard labor” sa kaso nang pamumuno sa pag-atake sa Fort Bonifacio noong April 18, 1987 para pakawalan ang ilang arestadong rebeldeng sundalo at pangho-hostage ng 50 tao. The rest is history!

Sa magaganap na halalan ilang mga raw na lamang mula ngayon – naniniwala pa rin ako na mananaig ang likas na pagmamahal ng kapwa natin Pilipino sa ating Inang Bayan, sa pamamagitan ng pagboto sa totoo at hindi sinungaling na mga kandidato, upang ganap na mapangalagaan at mapanatili ang demokrasyang ating ipinaglaban 36 na taon na ang nakararaan! – Rappler.com