Philippine National Police

[Stakeout] Mga pobre ang naiipit kapag nang-aabuso’t namumulitika ang pulis

Dave M. Veridiano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Stakeout] Mga pobre ang naiipit kapag nang-aabuso’t namumulitika ang pulis

Raffy De Guzman

Sampung pobreng manggagawa ang inaresto dahil nagto-tong-its sa isang lamayan. Agad silang ikinulong pulis sa Bulacan, at hinihingan ngayon ng P35,000 piyansa ang bawat isa – kung ayaw daw abutin ng Pasko sa kulungan.

Kung tutuusin ay isa ako sa mga mamamahayag na pinakahuling tutuligsa sa mga pulis na bulilyaso ang operasyon sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, lalo pa’t ngayon ay nasa gitna tayo ng pandemya. Alam ko kasi ang hirap ng kanilang trabaho at abot ko ang kanilang mga sakripisyo para malutas ang hawak na kaso.

Ngunit sa pagkakataong ito, ‘di ko mapigilang mapamura laban sa isang grupo ng pulis sa lalawigan ng Bulacan. Pakiwari ko’y bukod sa gumimik sila para pumitsa sa mga naglulupang manggagawa na hinuli nila, tila “nagpapagamit” pa ang mga ito sa isang “dirty tricks operation” sa larangan ng pulitika. Halatang ang ginawa nila ay pangwakwak sa imaheng “makamahirap at makamasa” ng isang kandidato sa parating na halalan.

Wala akong pakialam sa pulitikong halatang binibira nila nang pailalim, at ‘di ko na rin babanggitin kung sino ito upang ‘di makulayan ng pulitika ang artikulo. Bagkus ay isasalaysay ko na lang sa inyo ang pangyayaring hanggang sa ngayon ay dumudurog sa puso ko, dala ng pagkaawa sa mahihirap na kababayan nating ngayo’y magdadalawang linggo nang humihimas ng rehas na bakal sa Pandi Police Station. 

Ang 10 pobreng manggagawa, na nasa hanay ng mga sinasabing “isang kahig, isang tuka” lamang, ay naaresto sa isang lamayan – mga nagsusugal daw, pero sa totoo lang ay nagto-tong-its para pampatay oras. Agad na ikinulong ang mga ito ng tila mga walang pusong pulis sa Bulacan. Nasabi kong mga walang puso dahil kabalintunaan ang kanilang pag-uugali sa nakagisnan kong asal ng mga taal na Bulakeño – na kilala sa pagiging maawain, maunawain, at mapagpasensiyang mga tao sa Gitnang Luzon. 

Batay ito sa kuwento at sumbong ng ilang kamag-anak na nakakita at nakarinig sa pangyayari, idagdag pa ang personal na sagot sa akin ng ilang pulis na nakausap ko sa cellphone sa pag-follow-up sa kaso, upang makatulong na mapansiyahan at mapauwi ang mga nakiramay lamang pero nakalaboso.

Utility worker 

Si Juan – bansag ko ito dahil kumakatawan siya sa mahihirap na madalas dumanas ng pagkaapi sa kamay ng mga walang pusong pulis – ay masipag at masinop na ama para sa asawa at limang anak, na pawang taga-Novaliches, Quezon City. 

Ang pagiging “utility worker” – manggagawang lahat na yata ng trabaho ay alam hawakan at gawin – ang ipinambubuhay niya nang marangal sa pamilya, kahit pa nga nagkapandemya na lubhang nakaapekto sa kanyang kinikita. 

Si Juan ay isa sa mga manggagawang pinahirapan ng pandemya pero buong giting na lumalaban para kumita, at hindi umaasa sa sinasabing mga “ayuda” mula sa iba-ibang sector ng ating lipunan. Araw-araw kailangan niyang lumabas, maghanap ng matatrabaho upang may ipantawid-gutom ang buong pamilya.

Pero dito nagsimula ang kanyang kalbaryo – Miyerkoles, Oktubre 6, ng gabi, bumiyahe siya, kasama ang ilang kapwa niya “utility worker,” patungong Pandi, Bulacan, upang makiramay sa isang kasamahang namatay nang iginupo ng karamdaman dahil sa hirap ng buhay.

Sampu lamang sila sa lamay, kaya upang malibang at di magkaantukan, may isang naglabas ng baraha at nagyayang maglaro ng tong-its, na popular naman talagang nilalaro sa mga lamayan. Siyempre, para exciting ay may piso-pisong tayaan. 

Nasa kasarapan ng pagto-tong-its ang apat sa kanila, habang ‘yung iba ay nakaupo at pinanonood ang laro, nang biglang sumulpot ang mga pulis na naka-paisano at pinag-aaresto ang lahat ng nasa lamayan.

Alam na alam ko – mas lalo namang alam ito ng mga pulis – na ang ganitong paglalaro ng baraha sa isang lamayan ay malaki ang kaibahan sa mga dinarayong pasugal sa ibang may burol. Sa tinutukoy ko kasing burol – na front lamang ng mga “sugal-lupa” na gambling lord – ‘yung pinaglalamayang patay ay inaabot ng ilang linggo, minsan pa nga ay buwan pa bago ilibing. Pero kapansin-pansin dito, walang pulis na dumarating para hulihin! Bakit, ‘ka ‘nyo, walang humuhuli – eh kasi nakatimbre na sa mga ahensiyang dapat mag-operate laban dito! 

Inquest fiscal

Ang 10 inaresto ay kinasuhan daw agad ng paglabag sa Presidential Decree 1602 o mas kilala bilang Anti-Gambling Law. Ganito ang nangyari: naganap ang hulihan bago maghatinggabi, pero nalaman ng mga kaanak ng mga naaresto ang pangyayari makaraan ang mahigit 12 oras, halos kasabay ng pagdala ng pulis sa mga nahuli sa “inquest fiscal.” 

Ayon sa nakausap kong imbestigador, ang walo sa mga ito ay agad na ikinulong sa utos umano ng “inquest fiscal” at makalalaya lamang kapag nagpiyansa ng tig-P30,000 ang bawat isa. May dagdag pa itong P4,000 para raw sa documentation na gagawin naman ng piyansadora!

Ang “inquest” ay ang agarang pagsasampa ng mga pulis ng reklamo laban sa mga nahuli nila sa “prosecutor’s office” (piskalya). Sa prosesong ito, nalalaman kung itutuloy sa korte o madi-dismiss agad ang asuntong isinampa laban sa mga akusado. Ito ay nasusulat sa dokumentong tinatawag na “resolution,” na naglalaman kung ano ang asunto na kakaharapin ng akusado. Kung makukulong naman ito ay nakasaad din dito kung magkano ang piyansa (bail) para sa pansamantalang paglaya nito, habang dinirinig ang kaso sa korte.

Walo lamang sa mga naaresto ang nakakulong dahil ‘yung masuwerteng dalawa – na agad nakalaya – ay may kamag-anak na nagpaluwal ng pera at nagpiyansa ng kabuuang P72,000. ‘Yung sobrang P4,000 sa dapat sana’y P68,000 lamang, ay para raw sa “documentation” na ginastos nang “nagmagandang-loob” na piyansadora na tumutulong sa dalawa at sa walo pang nakakulong.

Ang mahigpit umanong bilin naman sa walong natira sa piitan: Ayusin na agad ang pampiyansa na tig-P36,000 para ‘di na abutin ng Pasko sa kulungan!

Dito na may umangal at umapela na mahirap lang sila – pawang mga “isang kahig, isang tukang” pamilya lang – at malabong makakuha agad ng ganoon kalaking halagang pampiyansa.

Ang matunog umanong tugon naman ng mga pulis: Huwag sila ang sisihin sa operasyong ito. Dati ay di raw nila pinapansin at pinapatulan ang mga sugal-lupa. Ang dapat daw sisihin ay ang isang mambabatas na nakaupo ngayon dahil ito umano ang dahilan kaya tumaas nang gayon ang multa sa ilalim ng PD 1602. Sumusunod lang daw sila sa utos ng nakatataas sa kanila.

Kaya nang maglabasan sa presinto ang mga kamag-anakan ng mga pobreng arestado, iisa ang silakbo ng kanilang mga damdamin: “’Kala ko ba makamasa si [pulitiko]? Parepareho lang pala sila. Tayong pobre ang pinahihirapan!” 

O, ‘di ba? Ang pakiramdam ko rito ay “tagumpay” ang isang inilatag na political operation para gibain ang marubrob na paniwala ng mga Bulakeño na ang tinutukoy na kandidato ay makamahirap na lingkod ng bayan! 

Wala sana akong pakialam kung magwakwakan man ang mga pulitikong tatakbo sa 2022, kaya lang ang nakikita kong masama rito ay nagagamit, kundi man nagpapagamit, ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa ganitong political dirty tricks, na marahil ay para naman sa kanilang mga pansariling ambisyon.

Presidential Decree 1602

Ang maybahay ni Juan – tinapangan ang hiya para mailabas ang asawa na ngayon lamang nakulong sa presinto – inisa-isa ang mga kakilala para mangutang ng pampiyansa. Nakalikom siya ng P5,000, at ang P4,500 nito ay ibinigay sa piyansadora na palaging nakikita rin sa presinto, sa pag-aakalang makakalabas agad ang asawa kapag naibigay ang “prima” o ang 10% ng nakalatag na P34,000 na piyansa. Pero walang paglayang naganap – ‘di na raw kasi pinapayagan ngayon ang paggamit ng “bail bond” dahil “cash bond” na ang hinihingi ng korte para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado.

Kaya tuloy kinailangan pang isangla ng asawa ni Juan ang motorsiklo at pang-welding para mabuo ang pampiyansa na abot daw sa P34,000. Makaraan ang halos walong araw sa kulungan ay nakalaya rin si Juan – umaasa na mababawi ang kabuuang pera na ipinampiyansa kapag nag-hearing na sila at ma-dismiss ang kaso dahil ‘di naman talaga raw sila nagsusugal. Pero parang kinukutuban ako ng masama sa bagay na ito!

Habang isinusulat ko ito, may pito pang nakakulong na mga pobreng manggagawa lamang, walang magawang paraan para makapagpiyansa. Ang tanging pag-asa nila upang makalaya at makabalik sa kani-kanilang nagugutom na pamilya ay bunuin ang sinasabi ng mga pulis na 45 days na pagkakakulong kung aaminin na nahuli nga sila dahil sa pagsusugal sa isang lamayan!

Hindi ako sugarol, alam ko kasi ang masamang dulot nito. Kaya nga pabor ako sa PD 1602 o parusa sa mga nahuhuling lumalabag dito – lalo pa’t ang mga mahuhuli ay ‘yung mga gambling lord na siyang nagpapalala sa bisyong ito. 

Pero ‘di ito nararapat ipataw sa mga naaaresto na naglalaro lamang para malibang at magpalipas oras sa burol ng nahihimlay nilang kamag-anak o kaibigan. Lantarang inaabuso ito para pagkakitaan ng mga pulis, sa pakikipagsabwatan sa ilang piyansadora at empleyado sa piskalya at korte.

Para sa akin, may puso dapat ang pagpapatupad nito at alam kung ano ang tunay na ilegal na pagsusugal, kung sino ang dapat na ikalaboso o bigyan lamang ng leksiyon upang magtanda at ‘di na malulong sa masamang bisyo.

Mantakin mo, kung ano ang mangyayari kapag ‘di nakalaya pa nang ilang linggo at buwan ang mga padre de pamilya na inaasahan ng kanilang mga anak para makapag-aral, makakain, at makapamuhay ng maayos?

Hindi marahil magiging kataka-taka kung biglang may magsulputan na mga bagong sibol na batang holdaper, akyat-bahay, at mga dalagitang nagbebenta ng aliw sa mga lansangan, sa panahong nakakulong sa piitan ang kanilang tatay, na ang tanging naging kasalanan ay ang paglalaro ng piso-pisong tong-its sa isang lamayan. Harinawang ‘di ito mangyari.

Teka muna, tila yata narinig ang ating panalangin – ayon sa katatanggap ko pa lang na mensahe ng anak ng isa sa pito nakakulong pa sa Pandi Police Station – ang kanyang tatay, pati na ang iba pa nitong mga kasamahan ay nakalaya na.

Pero lalo akong nagngitngit sa sistema ng hustisya para sa mahihirap dito sa ating bansa, nang malaman kong nakalaya ang mga ito, matapos aminin sa korte na “nahuli sila ng mga pulis sa aktong nagsusugal” sa lamayan. Mabigat man ito sa kalooban nila dahil ‘di naman ito totoo, wala silang magagawa – dahil kailangan nilang makalaya, para maitaguyod ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Dalawa lang naman kasi ang kanilang pagpipilian upang makalaya na agad – ang mag-piyansa ng P30,000 pero tuloy pa rin ang hearing sa kaso, o ‘di kaya nama’y aminin ang kasalanan (plead guilty) at bayaran ang P3,000 na multa.

Madali lang ang naging pag-amin sa kaso ng pitong nakalaboso, kumpara sa ginawa naman ng kanilang mga mahal sa buhay na utang dito, utang doon, benta rito, benta roon – para makabuo ng P3,000 na pang-multa, at si Tatay naman ay makalaya na! 

Pakiwari ko’y ‘di alam ng mga taong ito na sa kanilang pag-amin at pagbayad ng multa ay may permanenting bahid na ang kanilang pagkatao – lalabas ito tuwing kukuha sila ng Police at NBI clearance na kakailanganin nila sa pagta-trabaho, lalo na sa pangingibang-bansa. – Rappler.com

Tatlong dekada nang police reporter si Dave M. Veridiano. Dati siyang senior news desk editor, at ngayon ay nagsusulat ng kolum para sa isang arawang tabloid.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!