telecommunications companies

[Stakeout] Anyare na ba sa 3rd telco?

Dave M. Veridiano
[Stakeout] Anyare na ba sa 3rd telco?

Illustration by DR Castuciano

'Isa pang lumutang na problema ng DITO Telecommunity ay ang kanilang makabagong SIM card na hindi basta-basta magamit sa mga cellphone ng ating mga kababayan'

Sa tantiya ko, maraming Pinoy ang labis na natuwa, isa ako sa kanila, nang malamang may papasok na third telco sa negosyong telecommunication, na inaasahan na magpapaangat sa serbisyong matagal nang kontrolado ng dalawang higanteng kumpaniya sa bansa. Kesehodang ang tsismis ay pag-aari ito ng mga negosyanteng kasanggang-dikit ng maimpluwensyang “Davao Connection” na namamayagpag sa kasalukuyang administrasyon.

Mantakin mo naman kasi, dahil may bagong kalaban sa negosyo, magpapaligsahan ang mga telco – magpapababaan ng presyo, mga promo, palakasan ng signal at pagandahan ng serbisyo – na ang makikinabang ay tayong mga subscriber na matagal na ring nagtitiis sa usad pagong pero napakamahal na internet connection.

Kaya naman bago pormal na makapasok ang DITO Telecommunity sa industriya ng bansa bilang ang third telco, ramdam na ramdam ng mga subscriber ang mabilis na pagbabago sa serbisyo ng Globe Telecom at Smart Communications, na kapwa nagkukumahog na tapusin ang malalaki nitong mga proyekto – na anila’y matagal nang nakalinya kahit noon pa man na wala pa ang nagmamagaling na kakompetensiya.

Pero teka muna, ano na ba ang nangyari sa mga ultra-modern na serbisyong ipinangako ng DITO Telecommunity – gaya ng sinasabing “near-Singapore” internet speed na 27 megabits per second at 55 Mbps? Ito raw ay pakikinabangan agad ng 84% ng buong populasyon ng bansa sa darating na limang taon, kasama na rito ang offering na murang internet connection. Mga pangakong tila napako kahit na ito ang ginawang basehan para mabigyan ang DITO Telecommunity ng 25-year franchise.

Batay sa huling tala na ipinalabas ng DITO Telecommunity, ang kanilang serbisyo ay umaabot na sa 123 lalawigan at siyudad sa buong bansa, at mayroon na silang 890,000 subscribers.

Must Read

Paved paradise: SM Baguio and the logging ban

Security risk

Ang tanging na-monitor kong mabilis na natapos na proyekto ng DITO Telecommunity ay ang pagtatayo ng halos 3,000 mga communication tower ng kumpaniya, sa loob at labas ng mga kampo ng militar at pulis sa buong kapuluan. Ito raw ay gagamitin para mabigyan ng mabilis na internet – aabot sa 55mbps – ang kalahati ng buong populasyon ng bansa sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo. Ows – ilang araw na lang ‘yan pero parang wala pa naman yata?

Kaya tuloy gaya ng karamihan sa kababayan nating naniwala sa pangakong ito ng DITO Telecommunity, ay itinapon ko na rin ang pag-asa rito, bagkus ay nililimi ko na lang ang sinasabing malaking peligrong maidudulot ng mga itinayong cell tower nito sa “intelligence security” ng ating pamahalaan. Lalo pa nga’t lumilitaw ngayon na ang 40% ng DITO Telecommunity ay pagmamay-ari pala ng China Telecom, na ang nagpapatakbo ay ang pamahalaan ng China. 

Mismong ang awtoridad sa Estados Unidos (US) ang nagkumpirma na ang may 59 na Chinese firms, kasama rito ang China Telecom na kasosyo naman ng DITO Telecommunity, ay malaking banta sa kanilang pambansang seguridad. Kaya’t simula sa Agosto 2, 2021 ang mga ito – kasama na rin ang ilang gadget na gawa ng China — ay pinagbawalan ng mag-operate at gamitin sa US.

Ang nakikita kong epekto nito sa ating mga kababayang Pinoy na nasa US ay sa paggamit nila ng “roaming” sa cellphone upang makausap o makaugnayan ang kanilang mga mahal sa buhay na nandito sa Pilipinas o vice versa, lalo pa’t ang kanilang service provider ay ang DITO Telecommunity. Ayon sa Washington-based Pew Research Center, abot na sa 4.2 milyon ang mga Pinoy sa US na karamihan ay may mga pamilya pa rin na nasa Pilipinas na palaging kaulayaw, gamit ang mga makabagong communication system, gaya ng “roaming” sa cellphone. Bukod pa rito ang may 300,000 na kababayan nating bumibisita sa kanilang mga mahal sa buhay sa US bago pa man magka-pandemiya.

Isa sa mga mambabatas na labis na nababahala sa situwasyon ay si Senadora Risa Hontiveros, na unang kumontra sa pagbibigay ng franchise sa DITO Telecommunity bilang third telco. Sinabi niya noon na ang kumpaniya ay konektado sa China Telecom, na kasama naman sa mga kumpaniyang pinapatakbo ng China government. Salungat ito sa ating national interest dahil partly owned ito ng China, na kalaban naman natin bilang claimant sa West Philippine Sea. Anumang oras ay maaring magamit ng China ang DITO laban sa internal security ng ating bansa.

Must Read

[Stakeout] Communication tower na banta sa seguridad

[Stakeout] Communication tower na banta sa seguridad
Blacklisted

Ayon sa Senadora, ang mga kumpaniyang ito ay “blacklisted” ngayon sa US. Ito raw ay dahil sa “suspicions that they supply or support China’s military and security apparatus.”

Pahayag pa ni Hontiveros: “Let’s also not forget that under China’s National Intelligence law, Chinese corporations are obliged to support intelligence-gathering efforts, and also has a Chinese Counter-Espionage Law which forbids Chinese companies from refusing to assist their government in surveillance work.”

Alegasyong mahigpit na paulit-ulit namang itinatanggi ng pamunuan ng DITO Telecommunity. Wala raw sa guni-guni nila na ipagamit na pang-espiya ang network sa mga Chinese partner, kahit na ang kanilang mga cell tower ay nasa loob ng mga kampo ng militar at pulis. Weh ‘di nga?

Nanawagan si Hontiveros sa Department of Information Communication and Technology (DICT) na paalalahanan ang mga opisyal ng DITO Telecommunity na tuparin ang mga pangako nitong tila napapako, dahil dumarami ang reklamo ng mga kababayan nating idinaraing ang “poor services” ng third telco.

At kung hindi raw kayang gawin ng DITO Telecommunity ang mga ipinangako nitong magandang serbisyo sa bayan – karapat-dapat lang na i-forfeit ng pamahalaan ang P25.7 bilyon na “performance bond” nito.

“Dapat i-monitor ito ng DICT at igiit sa DITO na ayusin kaagad ang kanilang serbisyo. Masyado naman yata silang pinagbibigyan. If it cannot step up, the government can very well claim the billions of pesos in performance bond when we want. That money may be better off used for our health and economic needs in this pandemic,” ani Hontiveros.

Must Read

Dito on military deal: Why not focus on P250-billion investment in telco?

Dito on military deal: Why not focus on P250-billion investment in telco?
SIM cards

Isa pang lumutang na problema ng DITO Telecommunity ay ang kanilang makabagong SIM card na hindi basta-basta magamit sa mga cellphone ng ating mga kababayan.

Lumabas kasi sa mga isinagawang pagsubok na puwede lamang magamit ang SIM card ng DITO sa mga bagong gadget na gawa lamang ng mga Asian manufacturer gaya ng Vivo, Oppo, Samsung, at Huawei. Pero ang popular na iPhone ng Apple na gawa sa US ay hindi pa rin compatible rito. Idagdag pa rin ang mga lumang cellphone na ang system ay tumatakbo sa 2G at 3G pa, na karamihang gamit ng mga kabababayan nating nasa laylayan ng lipunan.

Depensa naman ni DITO chief technology officer Rodolfo Santiago: “Medyo challenging nga ‘yun para sa amin kasi nga we have established a new technology, we don’t have 2G or 3G anymore. ‘Yung mga luma na still using 2G and 3G, mukhang talagang hindi siya pwede for our services.” 

Dagdag pa niya: “Later this year, you’ll see us more aggressive…. We’re about to achieve the second-year commitment. We’re just finalizing the preparation.” Ang lahat ng ito ay bilang paghahanda sa padating na “technical audit” ng DITO Telecommunity ngayong buwan. 

Sa puntong ito, kung lumabas na hindi nakatupad ang DITO Telecommunity sa ipinagyabang nitong natatanging serbisyong maibibigay sa kanilang mga subscriber sa itinakdang panahon – ipataw naman kaya ng pamunuan ng DICT ang kaparusahan na forfeiture ng P25.7 bilyon na “performance bond,” na napagkayarian, matapos na magbigay ng prangkisa ang pamahalaan? – Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.