Holy Week

Halaga ng panata ngayong Holy Week

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Halaga ng panata ngayong Holy Week

ALEJANDRO EDORIA

Wala ako sa poder upang husgahan kung alin ang mas matimbang sa sama o buting idinudulot ng konsumerismo sa pamamanata lalo tuwing Semana Santa. Ang hindi lamang tama marahil ay ang tahasang pangangalakal at paglimot sa dahilan ng panahong kahit papaano sana ay nagninilay tayo sa ating espiritwal na pag-iral at paggunita sa pagpapakasakit ng Diyos.

Bukod sa Pahiyas Festival tuwing Mayo 15, dinadayo rin dito sa bayan ng Lucban sa lalawigan ng Quezon ang pilgrimage site na Kamay ni Hesus. Pero hindi kagaya ng Pahiyas Festival na isang araw lamang kada taon dinarayo, wala namang pinipiling araw ang pagdayo sa Kamay ni Hesus lalo na nitong magluwag ang mga restriction sa paglalakbay.

Dalawang beses isang linggo ang healing mass sa healing church maliban pa sa araw-araw na misa at limang misa tuwing araw naman ng Linggo. Mas dumarami ang dumadayo sa Kamay ni Hesus kapag nagsimula na ang Kuwaresma. Nagsisikip naman ang bayan sa dami ng peregrino o pilgrim kapag Mahal na Araw lalong-lalo ang Huwebes at Biyernes Santo.

Bukod sa diumano’y pagtupad sa minimithi at pagpapagaling sa mga maysakit, dagdag na dahilan sa sinumang dadayong magsimba at mamanata sa Kamay ni Hesus ang magandang tanawin sa paligid ng simbahan. Instagrammable.

Nakaukit sa burol ang pilgrimage site, maaliwalas, malamig ang paligid dahil ang munisipalidad ng Lucban ay may mataas na elevation, some 1,500 feet above sea level. Tanaw mula sa itaas ng burol ang kabayanan at kung papalaring hindi maulap, pati ang mabining Bundok Banahaw na isa pa ring lugar na dinarayo kapag Semana Santa, lalo ang mga pook na sakop ng bayan ng Dolores.

Kung ihahambing sa maraming antigong simbahang dinarayo ng mananampalataya gaya ng simbahan ng Antipolo o Manaoag sa Pangasinan, bago pa ang Kamay ni Hesus. Mahigit dalawang dekada pa lamang ang simbahang itinatag ni Padre Joey Faller. May retreat house sa loob ng compound ng simbahan, ang isa nga dito ay sa hugis ng Noah’s Ark.

May Via Crucis o Stations of the Cross paakyat sa burol na ang huling estasyon ay ang tuktok kung saan naroon ang imposing na estatwa. Marami pang rebulto at iba pang man-made attractions sa loob ng compound ng Kamay ni Hesus. Kaya nga Instagrammable. May mga tindahan at kainan din sa loob at labas ng pilgrimage site at, siyempre, mawawala ba ang tindahan ng pasalubong at souvenir?

Lahat naman yata ng popular na pilgrimage site ay may tindahan ng pasalubong at souvenir. Nakatanggap na ako ng pasalubong na benditadong rosaryo at krusipiho buhat sa Roma at Lourdes Shrine sa France, burdang Last Supper buhat naman sa Vatican, at souvenir na kamiseta buhat sa Basilica Menor ng Santo Niño sa Cebu. Hindi kakaiba ang Kamay ni Hesus sa mga ito. May mga replika ng higanteng rebulto, may kamiseta, may rosaryo, may nakakuwadrong larawan, may ipinapahid na langis, keychain, pamaypay.

May mga laruan, payong at sombrero at iba pang panlaban sa init na Pahiyas Festival-themed souvenir. Dahil dinadayo rin ang mga natatanging pagkain sa Lucban, nakahilera sa pagi-pagitan ang nakabiting longganisa, mga lata at kahon ng broas, talaksan ng miki Lucban, at yema cake. Puwera pa ang naghilerang kainan para sa gutom na peregrino at malalawak na private pay parking space para sa mga sasakyan.

Dahil sa isang lipunang may oryentasyong kapital, kung nasaan ang kawan ng tao na may panggastos, natural na naroon din ang komersiyo. Naroon ang pagkakakitaan. At kung may kakayahang mag-pilgrimage ang namamanata sakay ng mga naglipanang dyipni, airconditioned bus, at pribadong sasakyan, bakit nga ba hindi pa samantalahing kumain, mamili, at mamigay ng pasalubong pagkatapos?

Bagong ritwal

Bago pa lamang ang pamamanata sa Kamay ni Hesus. Kaparangan lamang itong compound ng simbahan ilang taon ang nakararaan. Bago rin natural ang ilang ritwal sa pamamanata. Gaya halimbawa ang maglakad nang mahigit 20 kilometro mula Lucena City hanggang sa mismong Kamay ni Hesus tuwing Huwebes Santo ng gabi. Paghiling sa Diyos at pasasalamat sa natupad na kahilingan ang karaniwang dahilan ng mga namamanata. Pero, batay nga sa pananaliksik ng isang kaibigang nagpakadalubhasa sa mga ritwal ng Lucban, si Dr. Pat Abuel, hindi rin maiaalis ang hatak ng pagkakaibigan sa mga ganitong uri ng literal at figurative na lakaran. Masayang sabay-sabay mapagod at mamanata.

Hindi maikakaila ng bayan ng Lucban ang pakinabang sa pamamanata ng marami nating kababayan. Sa ilang libong mananampalatayang nagsimulang dumayo noong Kuwaresma hanggang sa dadayo ngayong Mahal na Araw sa Lucban, ilan ang may dalang pera hindi lamang para sa kanilang pagkain, kundi rin sa pagbili ng souvenir at pasalubong? Ilang tindahan ang pipilahan para makabili ng longganisang ginawa ng mga Lucbanin? Ilang resort at hotel ang fully booked ilang buwan bago ang okasyon? Ilang kainan ang pipilahan? Magkano ang ginagastos ng bawat peregrino at turista, o mga dumalaw sa kinalakihan nilang bayan ng Lucban?

May problema ba sa pagtatagpo ng pananampalataya at paggasta? Dapat na bang i-invoke ang berso ng Banal na Kasulatan, partikular ang Mateo 12:21 at Juan 12:13, kung kailan nagalit si Kristo sa kalakalan sa templo?

Halaga ng pamamanata

Nakatutulong sa kaunlaran ng ilang piling bayan ang pamamanata. Nagkakaroon ng kabuhayan ang mamamayan. Masigla ang kalakalan. Tumataas ang halaga ng ari-arian. Pero kasabay din nito ang epektong hindi kanais-nais: taga ang presyo, lalo ang pamasahe, nagkalat ang basura, masisikip ang kalsada dahil sa dagsa ng sasakyan. Hindi maiiwasang may mawalan ng gamit gaya ng gadget dahil sa pandurukot kahit pa naglipana rin ang mga pulis sa dadaanan. Pero nangyayari naman ito saan mang lugar na seasonal na dinadagsa ng tao tulad ng mga nagdaraos ng kapistahan at panahon ng pamamanata tulad ngayong Semana Santa.

Wala ako sa poder upang husgahan kung alin ang mas matimbang sa sama o buting idinudulot ng konsumerismo sa pamamanata lalo tuwing Semana Santa sa mga lokal na ekonomiya. Tutal, lagi naman na nating ina-associate ang Mahal na Araw sa mahaba-habang bakasyon, sa deviation sa monotonong pag-aaral o paghahanap ng ikabubuhay, sa pag-iipon ng gagastusin sa pandarayuhan sa mga pilgrimage site man o mga beach resort. O kahit na ang mismong pagbabalik sa lalawigang kinalakihan para magprusisyon o dumalo sa long planned class reunion. Ang hindi lamang tama marahil ay ang tahasang pangangalakal at paglimot sa dahilan ng panahong kahit papaano sana ay nagninilay tayo sa ating espiritwal na pag-iral at paggunita sa pagpapakasakit ng Diyos. – Rappler.com

Patalastas:

Napag-uusapan din lang ang dahilan kung bakit bumabalik tayo sa bayang sinilangan o kinalakihan lalo na nitong matapos manalanta ang pandemya, napapanahon na muli ang mga class reunion. Kaya para sa mga taga-Catanauan, Quezon, tinatawagan ang mga nagsipagtapos sa Luzonian Standard High School (MSEUF ngayon) noong 1973 para sa kanilang golden anniversary.

Sa Lunes, Abril 10, 2023, ay idaraos ang pagkikita-kita ng nasabing batch. Gaganapin ang masayang reunion sa Nasugbo Paradise Resort sa Matandang Sabang Kanluran, Catanauan, Quezon. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tawagan sina Pablito Baticulon (09209823617), Meriam Gonzales-Valones (09073781286) at Gerry B. Gonzales (09953328347).

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!