Philippine languages

[Sarì-Sámot] Ang ‘simangot’ ni Quezon

Virgilio S. Almario

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Sarì-Sámot] Ang ‘simangot’ ni Quezon

Graphic by Raffy de Guzman

Hindi lagìng para sa bayan ang isinisimangot niya. Malimit na dahil ayaw niya ang sinabi ng politiko o ayaw niya ang politiko. At ayaw niya ang karamihan sa mga politiko ng kaniyang panahon.

Hanggang ngayon hindi natin lubusang mapahalagahan ang kadakilaan ni Manuel L. Quezon. Mabuti’t nitóng 2018, bago ang pandemya, ay may munting pelikula tungkol sa kaniya – ang Quezon’s Game, sa direksiyon ni Matthew Rosen – at ipinakíta ang tapang ni M.L. Quezon na ampunin ang mga Jew mulang Germany sa kabilâ ng pagsasara ng pinto sa kanilá sa United States at ibáng bansa.

May 10,000 Jews na naiipit noong 1938 at kailangang itakas sa mga Nazi. Hindi pinansin ni M.L. Quezon ang posibleng gálit ng Germany at samâ ng loob ng mga Americano, at ang uyam ng mga kapuwa politiko. Umaabót lang sa 1,200 ang Jews na nailigtas at nakabakwet sa Filipinas, ngunit itinanghal ng pelikula ang malikhaing larô (kayâ Quezon’s game) ni M.L. Quezon para matupad ang isang hangaring makatáo.

Subalit nais kong ipapansin ngayon ang isa pang anggulo ng pelikula na palagay ko’y higit na makabuluhan sa imahen ni M.L. Quezon bílang isang lider politiko sa panahon ng pananákop na Americano. Hindi dahil sa mayabang siyá, matigas ang ulo. Hindi rin dahil sa maawain siyá. Ang totoo, mayabang talaga siyá at matigas ang ulo. At talagang maawain siyá sa nagigipit, gaya ng ipinakítang simpatiya niya sa mga Jew sa pelikula.

Subalit ang yabang at tigas ng ulo niya ang hindi pa gaanong naipauunawa sa atin ng mga historyan. Malimit kasing ang nababása natin ay ulat sa tingin ng mga nakaribal niya sa politika. At bihira sa kanilá ang makauunawa sa uri ng liderato na ginámit ni M.L. Quezon sa panahong iyon. Lubha siyáng awtoritatibo, halos parang diktador, at mapanganib banggain sa politika. Kayâ lagìng nababanggit ang sungit niya – na inilalarawan sa kaniyang kasabihang “simangot” (“frown” sa Ingles) – at kinatatakutan ng kahit mga mataas na politiko’t pinunò mulang 1903 hanggang Komonwelt. Kayâ may bansag siyáng El Presidente. Pag nasimangutan ka raw ni M.L. Quezon ay humanda ka na sa daratal sa iyong bagyo. Pag sumimangot daw si M.L. Quezon ay tumigil ka na sa sinasabi dahil bakâ masigawan ka sa Español. Pag nagbabasá raw si M.L. Quezon at sumimangot ay may naísip na mahirap tupdin.

Hindi lagìng para sa bayan ang isinisimangot niya. Malimit na dahil ayaw niya ang sinabi ng politiko o ayaw niya ang politiko. At ayaw niya ang karamihan sa mga politiko ng kaniyang panahon. Ayaw din siyá ng mga Americano, lalo na nang maupô siyá sa Malacañang. At iyon ang makabuluhang dahilan. Ayaw siyá ng mga Americano dahil hindi nilá siyá ganap na maipailalim sa kaniláng kapangyarihan. Ayaw naman niya ang karaniwang tabas ng mga politiko noon dahil nagsisikap lahat maging “paborito” ng mga Americano.

Ang yabang at tigas ng ulo niya ang sagisag ng simulain kung bakit ipinahayag niyang: “Nais ko pa ang isang impiyerno kung gobyernong hawak ng Filipino kaysa langit kung gobyernong hawak naman ng mga Americano.” Gayundin, ang mabagsik niyang pahayag laban kay Sergio Osmeña na, “Nagwawakas ang katapatan ko sa partido kung saan nagsisimula ang katapatan ko sa aking bayan.”

Ang pangunahing katunayan ng kaniyang ibig sabihin sa dalawang naturang pahayag ay ang pagtataguyod niya sa isang wikang katutubo bílang Wikang Pambansa.

Must Read

[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

Wika nga ng kaniyang mga kaaway hanggang ngayon, “niluto” niya ang Kumbensiyong Konstitusyonal upang mahadlangan ang Ingles bílang nag-iisang wikang panturò at bílang wikang panlahat. Iyon ang pinakamaalindog na pamana ng amerikanisasyon. Iyon ang nais ng lahat ng amerikanisadong delegado sa kumbensiyon noong 1934 hanggang 1935. Para sa kaniya, sa gayon, ang edukasyong Ingles ang panturò ay ang kaganapan ng ekspansiyonistang Benevolent Assimilation ni McKinley. Salamat sa tulong ng tulad ni Norberto L. Romualdez at naipagwagî ang katutubong wika sa kumbensiyon. At marahil, sa mga nabúhay na politiko hanggang matápos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Claro M. Recto lang ang nakatarok sa kakaibáng uri ngunit nasyonalistang liderato ni M.L. Quezon. Kayâ noong 19 Agosto 1955, hábang ginugunita ang ika-77 kaarawan ni M.L. Quezon ay naihimutok ng senador:

Our leaders need your faith, your passion and your courage to steer the nation clear through all the perils that beset its path; we need your racial pride to rekindle in us the fire of nationalism and, lastly, we want this independence you fought so hard to reconquer to be a vital, pulsating force, not merely a dead symbol in the letter of statutes and official proclamations and in the empty amenities at the banquet tables, but a live thing in our conscience and in our conduct, so that our heroes and martyrs may not have to return to this world for another holocaust of their lives.

Nasa gitna rin noon si C.M. Recto ng kaniyang krusada para ibangon ang dangal ng Filipinas – laban sa talamak na korupsiyon at laban sa patúloy na pagsamba sa United States ng mga politiko’t edukado. At namatay ding sawî sa kaniyang krusadang nasyonalista si C.M. Recto.

Isang nakatutuwâ ngunit malungkot na yugto sa búhay ni M.L. Quezon ang nairekord sa kaniyang talambúhay. Noong 1934 hábang nása Java ay sumákit ang kaniyang tiyan at isinugod siyá sa ospital sa Estados Unidos  para operahan. Lihim ang lahat dahil ayaw niyang mag-alalá si Mrs. Quezon sa Maynila. Tatanggalin ang mga bato sa rinyon niya, ngunit delikado ang operasyon dahil sa kaniyang tuberkulosis. Nakararamdam ng kamatayan at pangungulila, noong Oktubre 23, 1934, ay sumulat siyá ng dalawang liham: isa para kay Donya Aurora, at ang ikalawa ay para sa sambayanang Filipino. Malungkot siyempre ang tíla mga pahimakas niya. Subalit ang nakamamangha, isinúlat niya ang mga liham sa wikang Tagalog. Si Rizal ay may Ultimo Adios sa wikang Español; si El Presidente sa kaniyang pamamaálam ay gumámit ng wikang Tagalog!

[Sarì-Sámot] Ang ‘simangot’ ni Quezon

Nása Carlos Quirino, Quezon Paladin of Philippine Freedom (Maynila: Filipiniana Book Guild, 1971) ang mga liham. Ayon din sa talababâ ng awtor ay nása koleksiyong Quezon ng National Library ang dalawang liham ng pamamaálam. Gayunman, isinalin ang mga ito sa Ingles at inilathala ni C. Quirino sa talambúhay. Nais kong sipìin ang liham para sa sambayanang Filipino upang maidagdag sa pagtuklas sa uri ng nasyonalismo ni M.L. Quezon. 

To the Filipino People: 

I served thee, beloved country, with all I have. In turn you have shown me your true and honest aspirations. To the last beat of my heart I shall not forget what you have taught me. I am sorry I cannot be with you at the fortunate hour of your complete independence. But you are almost there and with a short distance to go. 

So that the lives of those who are going to serve you be not wasted, and so that you may make use of the generations to come with the independence you are soon to have, this is my counsel: 

1. Double your efforts at honesty, freedom and independence – fight for it to the end. 

2. Always remember that you are a nation – unity is the requisite of your strength, peace and comfort. 

3. Turn a deaf ear to bad counsel, even those couched in beautiful words by people whose only desire is their own advancement.  

4. America should be recognized as a true friend of the Filipino nation, and in politics we must strive not to quarrel with America. 

5. Beware of Japan. Let us not be remiss with them, but avoid being dominated by them. We will gain nothing from it.

6. Be in harmony with all nations, but seek help from America alone. 

7. Recognize our debt to Spain. The Spaniards love us. 

Farewell, my beloved country. Pray for me. Have confidence in Him. He is most powerful, and He is also the source and beginning of goodness. No country will prosper and grow that does not believe in or forgets God. 

Dear God – may you always bless my country.

Manuel Quezon.  

Maaaring may hindi na kanais-nais ngayon sa kaniyang mga pahayag, ngunit tigib ito sa matapat na paglilingkod sa bayang minamahal niya at hinahangad na lumayà. Sana sa daratal ay maipalít sa salin ang orihinal sa Tagalog ng liham ni M.L. Quezon upang mabása ng lahat at manamnam kung bakit itinaguyod niya ang isang wikang katutubo bílang Wikang Pambansa ng Filipinas. – Rappler.com

Si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ay dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng National Commission for Culture and the Arts. Professor emeritus siya sa University of the Philippines.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!