education in the Philippines

[Sarì-Sámot] Agham ng bayan

Virgilio S. Almario

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Sarì-Sámot] Agham ng bayan
Kung ganitong malaganap ang pandemya, kung nasasawi ang mga doktor at frontliners, kung natatakot magpabakuna ang madla, at kung bilyon-bilyon ang naaaksaya sa kurakot…ayyy, napakalubha ng ating kamangmangan.

Nais kong sulátin ang paksang ito upang ipagdiwang ang National Science Club Month. Dahil nais kong idugtong ito sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ngunit higit kong ninais sulátin ang paksang ito dahil sa kasalukuyang epidemya. Dahil may sospetsa ako na ang sanhi ng malubha nating sindak sa lagim ng COVID-19 ay dahil sa limitado nating kaalámang siyentipiko. Isang dambuhalang palatandaan ito hinggil sa kabiguan ng ating sistemang pang-edukasyon. Sa halip na manganak ng mga Filipinong “edukado,” isang sambayanang “mis-edukado” (wika nga ni Renato Constantino noong 1960s) ang iniluluwa ng ating pabrikang pang-edukasyon.

Ang edukado ay hindi iyong magalíng lang magsalitâ ng Ingles. Sa halip, ang edukado ay marunong tumuklas ng katotohanan kahit sa wikang katutubo. Tatawagin ko ngayon ang ganoong kaaláman na “karunungang siyentipiko.” “Karunungang Aghamin.” At hindi ko iniísip ang karunungan sa nuclear physics, o biochemistry, o anumang sopistikadong larang ng siyensiya ngayon. Nása ísip ko lang ang kakayahang harapin ang anumang problema sa búhay sa paraang siyentipiko.

E, ni hindi marunong gumámit ng lohikang sanhi-bunga (cause and effect) ang ordinaryong Filipino. Hanggang ngayon, marami pa ang lagìng tumitingala sa langit kapag naghahanap ng kasagutan sa kaniláng suliranin. Idinadaan sa pamahiin ang pagpapasiya. At kung walang makítang senyas maski sa panaginip ay kumakapit sa patalim – naniniwala sa tsismis, nag-aabang ng fake news, tumatayâ sa huweteng, nagiging sundalo ng sindikato, oligarko, trapo, at lahat ng manlilinlang at mapagsamantala sa ating lipunan.

Kayâ ang pangarap kong “agham ng bayan” ay mababaw lang. Hindi kailangan ng diploma sa kolehiyo. Dapat matutuhan sa primarya, kahit bago mag-drop out ang 70% ng ating mga kabataan. Ito ang agham na kailangan nilá para mabúhay, para hindi bumalik sa karimlan ng kamangmangan, para makaahon sa kumunoy ng pagkabusabos. Ito ang agham para hindi silá madayà, para matupad ang kaniláng karapatang sibil, para magampanan nang mahusay ang kanilang mga tungkulin bílang mamamayan, at para hindi manatiling nakasandig sa ayuda at limos ng gobyerno.

Noong minsan ay naipanukalà ko na ang tunay na karunungan ay yaong karunungang mula sa karanasan at kasaysayan ng bayan at yaong karunungang para sa pakinabang at kapakanan ng bayan. Nais kong imungkahi ngayon ang aplikasyon ng aking patnubay hinggil naman sa agham ng bayan. Kailangang itanong natin sa ating sarili: Una, ang kaaláman bang ginagámit natin ay batay sa katotohanang napapatunayan sa ating kaligiran? Ikalawa, ang edukasyong pang-agham ba natin ay kailangan ng ating bayan?

Ang ganitong pag-uusisa ay hindi isang ehersisyo lámang para sa mga burukrata, lalo na para sa ating mga administrador ng paaralan. Kailangang itanong ito sa sarili ng lahat ng edukadong nais makilahok sa paglutas ng problema ng bayan at magpalaganap ng tumpak na kaaláman sa ating mga kababayan. Bakâ ang itinuturò nating agham ay hindi naman kailangan ng taumbayan?

Para sa akin, ang tumpak na “agham ng bayan” ay magtuturò sa Pinoy ng maaaring ikabúhay nang hindi labag sa batas. Ang katumbas nitó ay ang makabansang adhika para sa liderato na magplano ng ekonomiya ng bansa at mag-ísip kung paano mapalalagô ang mga industriyang kailangan natin para makapagsarili.

Para sa akin, ang tumpak na “agham ng bayan” ay magtuturò sa Pinoy kung paano gamítin ang karapatang bumoto upang makapilì ng higit na karapat-dapat na pinunò. Ang katumbas nitó ay pagbuo ng mga partidong maghahanap ng malinis at matalinong kandidato.

Para sa akin, ang tumpak na “agham ng bayan” ay magtuturò sa Pinoy kung paano makaliligtas sa pandemya. At ang katumbas nitó ay isang kagawarang pangkalusugan na may sapat at wastong kasanáyan para makontrol ang anumang peste at may malinis na hangaring iligtas sa anumang kagipitan ang bayan.

Hindi nagmumula ang “agham ng bayan” sa hanay ng mga mangmang. Tungkulin itong ihasik ng mga guro at administrador ng edukasyon. Ng buong pámahalâan. Dahil kung ganitong malaganap ang pandemya, kung nasasawi ang mga doktor at frontliners, kung natatakot magpabakuna ang madla, at kung bilyon-bilyon ang naaaksaya sa kurakot, at sinisisi pa ang tulad ni Dr. Loaf Fonte dahil nagpapahayag ng reklamo para sa mga di-nasusuportahang mga alagad ng kalusugan, ayyy, napakalubha ng ating kamangmangan.

Higit yatang kailangang iturò muna sa mga edukado at maykapangyarihan ang “agham ng bayan”? – Rappler.com

Si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ay dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng National Commission for Culture and the Arts. Professor emeritus siya sa University of the Philippines.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!