Halos magtatapos na ang taong 2020 na pihado’y nakatatak sa alaala natin na parang bangungot. Bakit? Eto ang 5 dahilan.
• #1 Mahihirapan umano ang ekonomiya ng Pilipinas makabangon sa malupit na hagupit ng COVID-19. Ayon sa The Economist, pinakamasaklap ang forecast para sa Pilipinas dahil sa “mataas na unemployment at kakapusan ng kasanayan ng mga manggagawa nito, pati na rin ang pagsandig ng bansa sa turismo.” Ito rin ang ekonomiyang pinakamababa ang sinadsad sa buong Asya.
• #2 Bagong antas ng panganib ang dinaranas ng mga aktibista, human rights defenders at maka-kaliwang organisasyon sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngayong taon lamang, tinorture at pinaslang ang organizer na si Randy Echanis, binaril ang aktibistang si Zara Alvarez, at pinatay sa umano’y raid ang mag-asawang Topacio na mga consultant ng National Democratic Front. Sa dami ng mga arestadong aktibista, tinagurian na ang sistema ng paglalabas ng warrant na isang “warrant factory.”
• #3 Walang katumbas din ang lupit ng hagupit sa press freedom ngayong 2020. Ipinasara ang ABS-CBN at nahatulan ng guilty ang mamamahayag na si Maria Ressa at Rey Santos Jr ng cyber libel. Humarap din si Ressa sa pangalawang cyber libel nitong Disyembre dahil sa isang tweet. Inaresto rin nitong Disyembre ang editor ng Manila Today na si Lady Ann Salem.
• #4 Palpak ang pangangasiwa ng pandemya na pawang umasa sa tugong militar at pulis, at kaliwa’t kanan ang ebidensyang hindi kaya ni Duterte ang hamon ng COVID-19. Tinimbang siya at kulang na kulang!
• #5 Dahil pangunahing istratehiya ni Duterte laban sa pandemya ang hintayin ang bakuna, mukhang matagal pa ang ipaghihintay natin kumpara sa ibang mga bansang matagumpay na nagkukumahog makakopo ng vaccine.
Kulelat pa rin sa ‘vaccine race’
Litaw na litaw ang incompetence ng gobyerno sa pagtitiyak na magkakasupply ng vaccine ang Pilipinas.
Sa mismong timeline ni Health Secretary Francisco Duque, kitang-kitang paano naging sagabal sa mabilis na pagbili ng mismong vaccine ang red tape at pagka-clueless sa vaccine technology. Inabot ng 4-5 buwan ang negosasyon sa Pfizer para sa isang confidentiality data agreement (CDA). Ito ang ikinapikon ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin na nagsabing “somebody dropped the ball.”
Sa bibig mismo ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez nanggaling: nakikipagnegosasyon pa ang gobyerno sa “10 hanggang 20 companies” para sa mga bakuna, kung saan 9 ang shortlisted habang ang 7 ay nasa “intense negotiations.”
Inaykopo! Nasa “intense negosasyon” pa lang. Kumbaga sinaing, niluluto pa. ‘Di tulad ng ibang bansa tulad ng Malaysia, Singapore, Taiwan at New Zealand na naghihintay na lang ng delivery ng kanilang mga vaccine.
Ayon sa BMJ medical journal na nag-aral ng “advance purchase commitments,” mayayamang bansa ang nakareserba ng halos kalahati ng mga doses ng bakuna mula sa 13 manufacturers. Idagdag mo pa ang kupad ng mga lider ng bansang Pilipinas – paano na tayo?
Pero pansinin ‘nyo, ang bakuna galing sa Tsina na Sinovac, idedeliver na raw sa Marso 2021 sa Pilipinas. At safe daw ito, sabi ni Duterte. Kinwestyon ng dating myembro ng COVID-19 Inter-Agency Task Force na si Dr Tony Leachon ang desisyong kumuha ng bakuna sa Tsina. Sabi ni Leachon, salat sa ebidensya na mabisa nga ang vaccine dahil hindi nito natapos ang 3 phases ng trials sa Tsina.
Ang tanong, mga kababayan: Magpapaturok ba kayo ng bakunang China-made?
Ang hamon ng 2020
Pero maaalala rin natin ang 2020 dahil sa maraming banging natawid natin.
Ito ang taon kung kailan humugot tayo ng lakas sa sarili – sa gitna pagputok ng bulkan, pandemya, at bagyo. Muli nating pinatunayan na ang damayan sa antas ng komunidad ang magsasalba sa atin sa panganib. Ito rin ang taong umigting ang empathy at compassion natin.
Ito ang taong higit kailanman nagpatunay na marupok ang buhay ng tao at ang narito ngayon, maaring wala na bukas. Tinuruan tayo ng 2020 na mahalin ang payak at simpleng pagsasama-sama kahit sa mga electronic get-together lamang.
Ito ang taong muling nagpakilala sa atin sa “curative powers” ng ngiti at halakhak.
Kung ito man ang taon ng paghihinagpis sa buong dekada ng 2010-2020, ito rin ang taon ng paghugot ng tapang at pag-igpaw. Sana’y kapag nagbalik-tanaw tayo sa 2020, tingnan din natin ito na mitsa ng ating pagkamulat.
Sana’y ito ang taong nahimasmasan tayo sa marurupok at sinungaling na pinuno ng bayan. Sana’y magbigay daan ito sa 2021 kung saan papandayin natin ang isang kinabukasang karapatdapat sa atin. – Rappler.com
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.