Tayo ang bayani

Vincent Yu

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Hindi kailangang lumingon sa mga leksyon, akda, o kasaysayan para makatagpo ng mga bayani - ang mga bayani ay narito

Vincent YuKapag naririnig natin ang pangalang Andres Bonifacio, naguguhit sa ating mga isip ang isang lalaking medyo siga, barumbado, at yung tipong gusot-gusot ang polo at tumatakbong may hawak na itak.

Pero nang mas nakilala ko si Andres Bonifacio, napagtanto ko na siya’y parang karaniwang Iskolar ng Bayan lamang. Gaya ng karamihan sa atin, punung-puno siya ng pangarap at potensyal; at kahit na lugmok siya sa kahirapan, nagawa niyang maging matatas sa tatlong lenggwahe’t aral sa mga akda nina Victor Hugo at Eugene Sew.

At hindi lang iyon, founding president pa siya ng org. At tulad ng ibang mga dormers, taga-Katipunan din siya. Saka ko naitanong: “Kung katulad natin si Andres Bonifacio sa mga karaniwang bagay, kaya rin kaya nating tularan ang kanyang kabayanihan?”

Honorable Senator Edgardo J. Angara; UP President Alfredo E. Pascual; distinguished members of the Board of Regents; UP Diliman Chancellor Caesar A. Saloma; respected officials of the university; beloved faculty and staff; mga minamahal naming mga magulang, kaibigan, at panauhin; at mga kasama kong nagsisipagtapos sa araw na ito, magandang hapon.

Noong mga bata pa tayo, natutunan na natin sa Hekasi ang tungkol sa kadakilaan ng ating mga Bayani: narinig natin ang ukol sa katalinuhan at kasipagan ni Jose Rizal; nabasa natin ang tungkol sa pagmamahal at pagsasakripisyo ni Melchora Aquino; at syempre, natuklasan natin ang katapangan at kabayanihan ni Andres Bonifacio.

Mas lalo pa nating naisapuso ang mga bayani noong tayo’y kumuha ng Kas 1 at PI 100. At paano nga naman natin silang hindi maisasapuso kung sa pag-enroll pa lang sa mga kurso ay oras-oras na tayong naligo sa pawis sa mga napakainit na pasilyo ng FC at KAL? Sayang din naman ang pagsisikap nating pumila kung hindi tayo nagsunog ng kilay sa mga kursong ito. Yaman din lamang na nangalbaryo tayo, at ating naintindihan ang tunay na diwa ng ating kasaysayan at ng kabayanihan.

Ngunit kaakibat ng pagkatuto ang pagkamulat. Sa pagtalakay ng kasaysayan, ating nabatid na ang mga suliranin ng ating mga bayani noon ay hinaharap pa rin natin ngayon. Ating nabatid na ang kalupitan ng mga gwardya sibil, ang katiwalian ng mga prayle, at ang kahirapan ng mga indio ay laganap pa rin sa Pilipinas.

Sa pagdurusa ng Inang Bayan, magandang itanong: Nasaan na ang mga bayani? Nasaan na ang mga bayaning taos-pusong naglilingkod, nagsasakripisyo, at nakikipaglaban para sa Pilipinas? Nasaan na sina Jose Rizal, Melchora Aquino, at Andres Bonifacio? Nasaan na sila?

Sila ba ang mga dalubhasang nangingibang pook? O ang mga negosyanteng nananalapi para lamang sa kanilang mga sarili? O sila ba ang mga politikong nagnanakaw, nangloloko, at nananamantala? Sila ba? Sila?

Sa palagay ko, hindi, pagka’t natagpuan ko sila rito sa ating unibersidad. Sa UP, nakita ko si Jose Rizal sa mga gabi-gabing nagpupuyat sa paglalathala ng sanaysay o sa pag-aaral para sa pagsusulit hindi lamang para sa sariling kapakanan, kundi para sa kanilang mga minamahal. Sa UP, nakita ko si Melchora Aquino sa mga bukas-loob na nagsasakripisyo para makatulong sa libu-libong nakikinabang sa mga libreng UPCAT tutorials, scholarship funds, at outreach programs na kada-semestreng isinasagawa ng mga organisasyon. At sa UP, nakita ko si Andres Bonifacio sa mga araw-araw na naglalakad mula bahay hanggang AS dahil sa kakulangan ng pamasahe; sa mga buong-pusong nangangampanya para sa kanilang mga paninindigan; at sa mga walang-takot na nakikipaglaban at nakikibaka para sa kanilang mga prinsipyo’t adhikain.

Sa UP, napagtanto ko na hindi natin kailangang lumingon sa mga leksyon, akda, o kahit sa ating kasaysayan para makatagpo ng mga bayani; dahil ang mga bayani ay narito – sila ang mga naging kaklase mo sa GE, sila ang mga nakalaban mo sa eleksyon, sila ang mga katabi mo ngayon, at sila ay ikaw. Iskolar ng Bayan, ikaw, kayo, tayo ang mga bayani.

Pagka’t nabiyayaan ang bawat isa sa atin nang pinakamagandang edukasyon sa Pilipinas – edukasyong hindi lamang nababasa sa libro, kundi edukasyong nakabubukas ng ating mga mata sa mga realidad ng lipunan; at edukasyong nagluluwal sa hangarin nating tumugon sa mga suliranin nito. At sa tuwing pinipili nating tumugon, tayo ay nagiging bayani.

Heroism is when we sacrifice our time, utilize our talents, and choose inconvenience over comfort to respond to the cries of society. It is when we put the well-being of others ahead of our own. And it is when we choose action over apathy to transform lives – and, ultimately, to transform our nation.

With the sacrifices we’ve made to this day, we have proven that we can do all these, that we are capable of becoming heroes. Now, whether or not we do become heroes is up to us.

But let’s not jump the gun here: heroes are not made overnight. Becoming a hero may be a matter of choice, but it is a choice we all have to make everyday. The so-called real world is mired with challenges, influences, and temptations that seek to lead us astray. There will be times when we will feel disappointed, disheartened, and disillusioned; there will be times when we will feel hopeless and defeated; and there will be times when we will feel like giving up and giving in. But like our heroes, we will never yield.

Kahit na mapatid pa tayo, malaglag sa kalupitan ng mundo, at masugat- sugatan ang ating idealismo, hindi tayo susuko. ‘Pag tayo’y natisod sa gitna ng daan, bumangon tayo muli. Balikan natin ang edukasyong inihandog ng ating unibersidad. Balikan natin ang mga ehemplong ipinakita ng ating mga Bayani sa mga buhay nilang puno ng tapat na paglilingkod at maalab na pagmamahal sa bayan. Lumingon tayo sa ating pinanggalingan at piliin muli natin ang daan tungo sa kabayanihan.
Sa ngayon, nais ko pong pasalamatan ang iba’t ibang mga bayani naming mga nagsisipagtapos:

Salamat sa mga bayani ng aming mga tahanan – sa aming mga magulang – sa aking mga magulang na sina Vicente at Anita – at sa iba pang mga nag- aruga, nagkalinga’t nagmahal sa amin.

Salamat sa mga bayani ng aming mga silid-aralan: sa aming mga guro – tulad ng aking mga propesor na sina Sir Manny Manuel, Sir James Jonas, at Sir Nicko Falcis – sa pagiging pangalawang magulang namin dito sa unibersidad; at sa aming mga kaibigan – gaya nina Ate Nelia, Kuya Collins, at Ate Joefel – na nagpasensya sa aming kakulitan. Salamat sa mga bayani ng aming mga tambayan – sa mga kaklase, orgmate, at kaibigan na nakilala, nakatampuhan, nakaaway, pinagchismisan, ipinagtanggol, iniyakan, at minahal namin –sa mga alaalang tiyak na hindi mapapalitan at hindi makakalimutan nang ilang dekada.

At huli sa lahat, salamat sa mga bayani ng Pilipinas – sa mga tulad nina Jose Rizal, Melchora Aquino, at Andres Bonifacio – sa pagpapakita sa amin kung paano magmahal nang tunay sa sariling bayan.

Sa pagtatapos ng talumpating ito, magandang tanungin muli: kaya kaya nating tularan si Andres Bonifacio sa kanyang kabayanihan? Ang sagot diyan ay oo, hindi lamang sa pamamagitan ng mga mababaw na gawain gaya ng pagdorm sa Katipunan o ng pagtaguyod ng sariling org, kundi sa pamamagitan ng ating angking kakayahan, hangarin, at pagpupunyagi. At gamit ang mga ito, kaya natin maging mga bayani.

However, transforming our nation is easier said than done. So for the past six months, I have been going around classrooms, career talks, and job fairs fulltime, recruiting scholars to teach in the most underserved public schools of the Philippines. I managed to recruit 18 from UP; and in the next two years, these 18 heroes will be touching the lives of at least 2,000 children.

But changing 2,000 lives is insignificant relative to the millions in need in our country today. Changing 8 million lives, however, isn’t. If we, 4,000 graduates, help touch the lives of 2,000 Filipinos each in the next few years, I have no doubt that this nation will be a much better place.

UP Class of 2013, magdiwang tayo ngayon sa ating pagsisipagtapos. Pero sa makalawa ay ipagpatuloy natin ang laban: sundan natin ang mga yapak nina Rizal, Tandang Sora, at Bonifacio; at sama-sama nating tugunan ang hamon ng pagiging bayani.

Maraming salamat.

Mabuhay ang mga bayani! Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan! At mabuhay ang Pilipinas!

 

Vincent Yu is a BS Business Administration graduate from the University of the Philippines-Diliman, one of only 15 summa cum laudes in his batch. He delivered this speech in behalf of the 2013 graduating class on Sunday,April 28. From November to April, he worked with the non-profit organization Teach for the Philippines, recruiting fellow graduating students to be public school educators in the next two years.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!