Binay: Makamasa kuno

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Sa mga salita ni Binay, lumilikha siya ng hidwaan sa pagitan ng mahirap at mayaman. Tila inuudyukan niya ang masa na makipaglaban. Nguni't sino ang lalabanan?

 

Pangalawang artikulo ko ito tungkol kay Bise Presidente Binay sa loob ng 3 linggo. Nababahala kasi ako sa mga sinasabi niya. Noong nakaraan, pinuna ko ang kanyang baluktot na katuwiran na dahil galing siya sa mahirap, dapat siyang iboto ng mahirap. Maraming galing-mahirap ang agad nakakalimot sa pinanggalingan sa sandaling yumaman. Kung totoo ang mga paratang laban sa pamilyang Binay, hindi lang nila nilimot ang mga mahihirap, kundi inaapi pa nila ang mga ito.

 

Kaya nang mabasa ko ang ulat tungkol sa panayam kay Bise Presidente sa Pagadian, nainis na ako. Ayon kay Binay, pinupuna at iniimbestigahan siya ngayon dahil ayaw ng mayayaman na maging presidente ang isang mahirap.

 

Napipilitan tuloy akong ulitin ang ilang puna ko. 

 

Tunggalian ng mahirap at mayaman

 

Naririndi na ako sa mga pulitikong ginagamit para sa pansariling kapakanan ang hangarin ng nakararami na umahon sa kahirapan. Totoo, maraming batas, patakaran, at kalakaran sa gobyerno at sa lipunan ang pabor sa interes ng mayayaman. Nguni’t tungkulin nating lahat na hikayatin ang kapwa sa tamang landas ng pagbababago. Hindi karapat-dapat sa isang lider ang turuan pa tayo ng maling pangangatwiran.

 

Sinong mayayaman itong ayaw maging presidente si Binay? Imposibleng lahat ng mayayaman ay hindi pabor sa kanya. Sa kabulukan ng sistema ng halalan, walang pulitikong tatakbo sa pagkapangulo kung hindi siya makakaasa sa mga makapangyarihan at mayayamang tao.

 

Ito ang isa sa mga sanhi ng kahirapan. Karamihan sa mga nananalo sa halalan ay may pagkakautang sa mga makapangyarihang interes. Sino pa man ang maging presidente, makakasiguro tayo na isang sangkap sa tagumpay niya ang salapi ng mga mayayaman – kaya napakarami sa mga opisyal natin ang nagtataguyod sa interes ng kakaunti, lalo na sa interes ng mayayamang pinagkakautangan nila.

 

Totoo rin naman ang kabaliktaran – may mga mahihirap na hindi iboboto si Binay. Ano ngayon ang tawag sa kanila, mga traydor sa sariling uri?

 

Di kaya mayayaman din at higit na yumayaman ang mga taong binabayaran ng Bise Presidente upang hubugin ang imahe niya sa publiko? Palagay ko, payo nila ang pagtataguyod kuno ng interes ng mga mahihirap bilang depensa sa mga akusasyon ng katiwalian.

 

Sa totoo lang, ang taksil sa mahihirap ay yaong mga pulitikong nililinlang sila tungkol sa mga tunay na dahilan ng kanilang kahirapan. Ang mga traydor ay yaong mga pulitikong mali-mali ang iminumungkahing solusyon. Tinitiyak ko bilang isang guro ng development studies na hindi mabibigyang-lunas ng simpleng pagbabago ng pangulo ang problema ng kahirapan.

 

“Oplan Nognog” at ang kawawang mga Binay

 

Gayumpaman, dapat tayong maging maayos sa pagpili ng iboboto. Dapat ihalal natin ang kandidatong maayos ang itinataguyod na mga programa at patakaran. Kaya tama lang na kilatisin ang ginawa at ginagawa ng mga Binay sa Makati. Dapat lamang malaman ng taumbayan kung may katiwalian ang pangnangasiwa nila. 

 

Hanggang ngayon, hindi pa rin hinaharap ni Binay ang isyu ng katiwalian. Sa halip ay inaatake niya ang mga nagtatanong. Nitong nakaraang linggo, natatakot daw ang mga mayayaman sa kanya dahil ipinanganak siya sa hirap. Nung isang linggo, mga kaaway lamang sa pulitika ang bumabatikos sa kanila.

 

Ayon sa tagapsalita ni Binay na si JV Bautista, mayroon umanong kampanya ang mga kaaway ni Binay na binansagang, “Operation Plan Stop Nognog in 2016.” Ayon pa kay Bautista, bahagi ng kampanyang ito ang isang “massive media campaign.”

 

Maliban sa implikasyon na lahat ng media (kasama na ako) na kritikal kay Binay ay bayaran ng ibang pulitiko, nakakabahala ang paggamit ng salitang “nognog.” Hindi kaya laro na naman ito para kaawaan si Binay ng mga tao? Ang “nognog” ay salitang madalas ginagamit ng mga sosyal na mapuputi ang balat upang laitin ang mga mahihirap na maiitim. 

 

Ang baluktot na kaisipang ito’y may mahabang kasaysayan na galing pa sa panahon ng pananakop ng Espanya, kung saan ang mga mapuputing Kastila at ang kanilang mga tisoy na anak at kamag-anak ay itinuring na nakakataas sa mga indio. Siyempre pa, hanggang sa kasalukuyan, maiitim ang balat ng karamihan ng mga manggagawang nagtatrabahong bilad sa araw – magsasaka, mangingisda, iyong mga naglalako sa lansangan.

 

Ayon kay Bautista, hindi sa kampong Binay galing ang salitang “nognog.” Nguni’t wala siyang ipinapakitang ebidensiya hinggil dito. Kaya hindi ko tuloy maialis sa isip ko na baka sila ang nag-imbento nito, o di kaya’y sinakyan pa nila ang paggamit sa salitang ito. Sang-ayon naman ito sa kasalukuyan nilang linya na mahirap si Binay at kinakawawa siya ng mayayaman. Wika nga ni Senator Nancy Binay, “Alam naman nilang maitim na kami eh gusto pa nila kaming tustahin.”

 

Hiling ko kay Bautista na pangalanan ang umano’y nag-disenyo ng Oplan Nognog. Hindi lang mawawala ang duda ko, maaari pa kaming magkaisa sa pagbatikos sa mga karumal-dumal na taong ito. Nguni’t ano pa man ang motibo ng mga nag-aakusa, dapat nang sagutin ni Binay ang mabibigat na bintang laban sa kanya.

 

Harapin ang mga akusasyon

 

Ayon sa pinakuhuling survey ng SWS, 8 sa bawa’t 10 Filipino ay naniniwalang dapat humarap si Binay sa imbestigasyon sa Senado. Kagustuhan ito ng karamihan ng mahihirap at hindi lamang ng mayayaman. Ano ang sagot ni Binay? Hindi raw siya haharap sa Senado. Direkta siyang magpapaliwanag sa masa. 

 

Anupa’t pagpapatuloy ito sa gasgas na kuwento ni Binay na siya ang nakakaalam ng damdamin ng masa. Siya kuno ang tunay na malapit sa kanila. Ang pulso ng masa na namamalas sa mga siyentipikong survey ay hindi di umano tatalo sa kaalaman niya tungkol sa kagustuhan ng taumbayan.

 

Ang ibig ba niyang sabihin ay iyong mga talumpati at pagdalaw niya sa mga kaalyadong organisasyon at lokal na pamahalaan ay mas mabisang paraan kaysa sa pagdalo sa imbestigasyon ng Senado? Alalahanin nating ang mga hearing sa Senado ay ipinalalabas sa radyo at TV at iniuulat sa lahat ng pahayagan – sinusundan ng milyon-milyong Filipino, mayaman at mahirap. At palagay ko, kahit gaano ka-dehado siya sa mga patakaran ng komite ng Senadong nag-iimbestiga sa kanya, wala naman siyang dapat ikatakot kung inosente siya. 

 

Huwag gamitin ang mahihirap

 

Sinusundan ko rin ang mga talumpati ni Binay sa mga “makamasang” organisasyon ng Boy Scouts, rotary clubs, at mga mangangalakal. Hinihintay ko sanang pabulaanan niya ang mga ebidensya. Ang kanyang sagot: batikusin ang mga umuusig, sa halip na patunayang di totoo ang mga bintang sa kanya. 

 

Sa mga salita ni Binay, lumilikha siya ng hidwaan sa pagitan ng mahirap at mayaman. Tila inuudyukan niya ang masa na makipaglaban. Nguni’t sino ang lalabanan? Ang mga “mayayamang” kaaway ni Binay na makakatapat niya sa halalan? Ano ang pakay ng labang ito? Ang mahalal siya bilang pangulo ng Pilipinas?

 

Kahit galing-mahirap ang isang tao, kahit maitim ang kanyang balat, hindi ibig sabihin ay para sa mahirap pa rin ang kanyang adhikain. At hindi lahat ng nag-uudyok sa mga mamamayang lumaban ay tunay na maka-mamamayan. – Rappler.com

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!