#UnsentLetters: Masakit Daw Mangarap

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#UnsentLetters: Masakit Daw Mangarap
"Walang imposible kapag nangangarap ka pa lang"

Unsent  Letters is a newsletter curated by Shakira Sison featuring unspoken sentiments gathered from reader submissions. It features unsent letters to real and imagined lovers. Rappler publishes Unsent Letters every Saturday.

Sabi nila masakit daw mangarap. Hindi kaya. Ang mga pangarap magaganda, mabulaklak, makulay. Lahat puwedeng mangyari, lahat kaya nating gawin. Walang imposible kapag nangangarap ka pa lang. 

Parang kapag bumili ka ng tiket sa lotto. Ang sarap mag-isip kung anong gagawin mo sa milyones mong premyo. Ayan nang mangangarap ka ng magarang kotse o malaking bahay. Yung may swimming pool ha. May wave machine pa! Parating party kapag nanalo ka sa lotto. Ang sarap mangarap. Libre naman sya, di ba?

Nung nangangarap pa lang tayo, parang sabik na sabik pa tayo sa isa’t isa. Ang sarap ng bagong pag-ibig. Yun bang nagpaplano kayo ng kung anong gusto ninyong gawin, saan ninyo gustong pumunta. Walang limitasyon ang pangangarap. Andyan nang mangarap ng magandang trabaho, mag-ipon ng pera, magpundar para may kinabukasan, ganyan. Ang galing nating mangarap noon. Parang lahat ng bagay napakadaling makamtan.

Noong una, gusto nating parating magkasama. Kasi lahat puro hinaharap pa lang, wala pang nakaraan. Nang lumipas ang panahon at nagkaroon na rin tayo ng sarili nating kuwento ng kaligayahan at kabiguan, parang kinain ng kalungkutan yung mga pangarap nating dating makulay at buhay na buhay. Mali sila, kasi hindi naman masakit mangarap e. Ang masakit ay ang mabuhay.

Masakit yung sa araw-araw na magkasama kayo, dahan-dahang na kayong nauubusan ng pag-uusapan at nawawala na yung focus ng mundo ninyo sa isa’t isa. Dati tuwang-tuwa tayong gumising sa umaga na ngiti ng bawa’t isa ang unang makikita mula sa huling ngiti natin noong nakaraang gabi. Ngayon, araw-araw parang nagbabago na ang amor mo sa akin. Kahit sa gabi na dapat wala na tayong malay, hindi mo na ako niyayakap o nasasagi man lang. Parang may ibang tao na sa pagitan natin at ang layo natin sa isa’t isa. Konti na lang at parang hindi na rin tayo magkatabi. Konti na lang at siguro hindi ka na rin tatabi sa akin. Hindi natin mapag-usapan kasi siguro pareho na nating alam. Na katapusan na siguro ng kuwento natin. Parang ang iksi no? Kumpara sa mga pangarap natin dati na kahaba-haba at walang katapusan.

Papano nga ba isabuhay ang mga pangarap? Paano bumalik sa kasiyahan ng isang simula, ng kawalan ng nakaraan? Yun bang puro makulay na pangarap pa lang – at hindi ang katotohanan ng ating pagkatao o kakayahan – ang ating katapat? 

Hindi ko alam kung mas mabuti pa kung naging hanggang sa pangarap ka na lang. Kasi sa tunay na buhay parang ang dali mo ‘kong saktan. Ang dali nating umawat.

Sa totoong buhay, ang bilis ng katapusan. – Rappler.com

Do you have your own Unsent Letter? Send them to unsentletters@rappler.com. Selected letters will be anonymized and edited for clarity and brevity. By submitting to Unsent Letters, you represent that the work is your own and that you waive your rights to it for present and future publication.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!