cycling in the Philippines

[OPINYON] ‘Kabibisikleta mo ‘yan’

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] ‘Kabibisikleta mo ‘yan’

Graphic by Raffy de Guzman

'Higit sa kabutihan sa kalusugan at kalikasan, tulong sa mobilidad, komersyo at ekonomiya, may makukuha pang pakinabang sa pamimisikleta'

Sa isang pambihirang pagkakataon, napagsabay ko ang bisyo na mamisikleta at ang career ko sa akademya. Napagtagpo ko ang landas, pun intended, sa isang academic conference, ang 10th Tayabas Province Studies National Seminar/Conference na pinangungunhan ng Atagan Tayabas Studies Center sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission, at ng lokal na pamahalaan ng Lalawigan ng Quezon at Lungsod ng Tayabas.

Gusto ko ang mga ganitong pagtatagpo ng personal at propesyonal. Pero ang ulterior motive ko talaga, ma-justify sa misis ko ang nagagastos ko para sa mga bisikleta ko at ang pag-alis twice or thrice a week para umikot sa Laguna at Quezon; na may silbi naman itong ginagawa ko hindi lang sa pagpapalakas ng aking katawan at nakatutulong sa kalikasan kung hindi para na rin sa kasaysayan at kultura. Naks. Nagkataong swak sa tema ng kumperensiyang Popularizing Culture/Defending Nature ang (maitim na) layunin ko sa pag-present ng academic paper, kaya nag-sumite ako — kasama ng isang kasabwat sa pamimiskleta at marami pang ibang gawain of the academic and the pedantic kind, si Dr. Pat Abuel ng Paaralang Sekundarya ng Lucban — ng abstract na kagyat tinanggap ng secretariat. 

Ang papel na may pamagat na “PAGBALANGKAS SA LANÂ: Panimulang pagmamapa ng mga Historico-Cultural Bicycle Routes sa Lalawigan ng Quezon” ang ambag namin sa kumperensiya. Ang salitang Lucbanin na “lanâ” ay isang uri ng masukal, madamo, magubat na daanan sa linang na hinahawan ng mga pinakaunang magsasakang dadaan para maging maayos para sa mga susunod na maglalakad. Metaphorical ang “lanâ” dahil may totoong kalsada na maaaring daanan sa mga mungkahi naming ruta. Bagamat sa kalaunan, pwede rin naman talagang gumawa ng ruta para sa trail na halos hindi na makita ng GPS o ng Google Earth.

Nagsilbing teoretikal na platform ng mungkahi namin ang antigong Spatial Turn ng mas antigong si Thomas Babington Macaulay na unang nagpanukala na nagsimula ang kasaysayan bilang kasaysayan ng lugar. “Turn” o pagliko dahil imbes na ang kinakaharap na pangyayari o tao ang focus ng kasaysayan, sa Spacial Turn, lumiliko ang sipat patungo sa esapasyo o landscape ng kasaysayan. 

Naging masigla ang Spatial Turn bilang lens ng kasaysayan noong dekada 70s, nang pagtuunan ng mga akademiko sa Europa ang mga lugar, pook, tagpuan bilang integral na bahagi ng kasaysayan, kultura, at pagkilala sa lipunan sa kabuuan. Higit sa pangyayari o mga tao, lugar o landscape ang isa sa pinakamalaking determinant at lens ng mahahalagang pangyayari sa mundo. 

Kasamang ilalapat sa teorya ang estadistikang nagsasaad ng mabilis na pagtangkilik sa biskileta nitong huling dalawang taon, pati na ang panawagan ng maraming pampubliko at pribadong sektor na gawing mas bike-friendly ang bansang patuloy na sinasalanta at winawarak ng pandemya at pamamahala. Higit sa kabutihan sa kalusugan at kalikasan, tulong sa mobilidad, komersyo at ekonomiya, may makukuha pang pakinabang sa pamimisikleta. Ito na nga ang ang aming mungkahing paggawa ng ruta. 

Mungkahi naming gamitin ang bisikleta upang maabot hindi lamang ang tourist destinations sa isang munisipyo sa lalawigan ng Quezon, kung hindi maging ang historically and culturally significant na lugar sa isang partikular na bayan o cluster ng mga bayan. Papasok dito ang spatial Turn upang mabigyang diin na abawat pangyayari sa kasaysayan ay ambag ng lugar kung paano ito nangyari.

Ito ang pagmamapa na kung talagang sasagarin ang spatial turn bilang tuntungan ng pananaliksik, ay hahantong sa georeferencing o ang spatial na pagmamapa ng mga makasaysayang pook na maaaring magkaroon ng database na accessible sa maaaring dumayo sa isang partikular na bayan sa Quezon para mamisikleta. Ang database ay maaaring sa antas ng munisipyo, lalawigan, o rehiyon.

Sa dami ng gustong mamisikleta, as manifested by the growing number of bicycles we import, hindi malayong maging bahagi ng kanilang ruta ang mga destinasyong hindi lamang pangturista at pang-Instagram, kung hindi maging ang mga lugar na may mahahalagang ambag sa pagkakakilanlan ng isang bayan.

Must Read

[OPINION] It’s time to create a true Pinoy bicycle

[OPINION] It’s time to create a true Pinoy bicycle

Namimisikleta kami ng kasama ko sa pananaliksik. Habang isinusulat ko ito, kagagaling lang namin sa tinatawag naming Mauban loop upang lamanin ng aming papel ang posibleng danas sakaling susundin ang ruta.

Mula sa bayan ng Lucban kung saan kami nakatira ng co-presenter ko, panukala namin sa mahigit walumpong kilometrong ruta ang pagpunta sa mga antigong tulay, mga bahay na bato, at ang simbahan sa Tayabas. Pagkagaling dito, pumunta kami sa pier ng Mauban upang ma-approximate ang baybayin kung saan dumaong ang isa sa pinakamalalaking pwersang Hapones noong 1941. 

Umakyat kami pabalik sa Lucban at sandaling humimpil sa site ng Battle of Piis. Isang palikong daan kung saan tinambangan ng mga kawal na Filipino ang umaabanteng pwersa ng Hapones buhat sa Mauban. Dito na kami inabot ng malakas na ulan.

Bahagi ng aming papel ang panukalang konsiderasyon at salik sa pagmamapa ng ruta sa mga nagnanais bumalangkas ng lanâ: 

Una ang panahon. Panahong ilalaan sa pamimisikleta. Isa o dalawang oras ba? Kalahating araw o maghapon? Maaari din namang ilang araw lalo kung gustong isa-isahin ang bayan sa napakalaking lalawigan ng Quezon na humahanggan sa Kabikolan at sa Central Luzon. Bahagi ng konsiderasyon sa panahon ang mismong panahon o weather sa Ingles. Maraming micro-climate sa pahabang lalawigan. Maulan sa bahagi ng Lucban, mainit sa mga nasa tabing-dagat. 

Ikalawa sa dapat ikonsidera sa pagmamapa ang kakayahan ng namimiskileta. Bigyan ng rutang maaaring lakbayin ng nagsisimula pa lamang, katamtaman, o kaya ay iyong mga batak na sa pamimsikleta. Iyong kayang mag-sandaang kilometro o umahon sa bulubunduking bahagi ng Quezon. Ikonsidera din ang kondisyon at kakailanganing bisikleta. Kung patag, hindi masyadong mataas ang pangangailangan basta maayos ang pagkokondisyon sa sasakyan. Samantala, sa mga lugar na maraming ahon, makakatulong kung ang bisikletang sasakyan ay may akmang drivetrain.

Ikatlo ang tema ng pamimisikleta sa mga lugar na ito. Tema katulad ng pagbalangkas sa mga dinaanan ng Hapones o iyong mga lugar na pinuntahan at pinanatilihan ni Hermano Puli o ng maraming lokal na bayani ng bawat bayan sa lalawigan. Tema rin ang pamimisikleta sa mga pook na may importanteng kontribusyon sa kultura ng isang bayan. Kasama na rito ang culinary journey, halimbawa sa Tayabas at Lucban, o sa Bondoc Peninsula, o sa tinatawag na Reina o mga bayan ng Real, Infanta, at General Nakar na napakaraming ipagmamalaking masasarap na pagkain (huwag nang pag-usapan ang lambanog na marami din naman, hindi lang bagay sa namimisikleta ang lango sa kahit anong uri ng alak). Maaaring isama sa tema ang relihiyosidad, mga itinuturing na banal na pook sa paligid ng bundok Banahaw o ang bisikleta Iglesis tuwing Semana Santa.

Ang huli sa maaaring mungkahing pagmamapa ay ang heograpiya, mapa na ang dahilan ay para sa magkakaibang heograpiya ng lalawigan. Maaaring mula dagat ay aakyat ng bundok (ganito ang bayan ng Sariaya, nasa tabing dagat at bundok Banahaw) o mula sa magkabilang pampang ng dagat Pasipiko at iyong dagat patungo sa West Philippine Sea. Kung makikita kasi sa mapa ng bansa, mistulang leeg ng Luzon ang lalawigan ng Quezon. Lalo na iyong makitid na bahagi ng bayan ng Atimonan at Agdangan. Maaaring gawing ruta ito. 

Maaari ring maging ruta, lalo na, ang mga loop ng bawat isla: Alabat, Jomalig, Polilio, at iba pa. At sa mga loop sa isla, maaaring magmarka ng mga lugar na maaaring himpilan upang ma-appreciate ang kasaysayan at kultura ng isang bayan. 

Ang panawagan namin sa papel na ito, makabuo ng isang online repository ng mga ruta, mapa, at iba pang geospatial information na magagamit ng mga nagnanais mamisikleta sa lalawigan. 

Maliit na ambag ito sa mga nagnanais malibot ang bayan sakay ng bisikleta. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!