PANOORIN: ‘Ngayon’ ni Vim Nadera

Rappler.com
PANOORIN: ‘Ngayon’ ni Vim Nadera
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, binasa ni Philippine High School for the Arts director Vim Nadera ang tulang ‘Ngayon’ mula sa libro niyang ‘RIZALpabeto’

Bago pa sumikat ang spoken word performances sa mga millennials ngayon, una nang pinauso ng TOYM Awardee for Literature na si Vim Nadera ang performance poetry sa Pilipinas. Minsang nagkaroon ng ganitong kurso sa Unibersidad ng Pilipinas dahil sa kanya.

Si Vim – na isa sa mga tagapagtatag ng poetry group na Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (o Lira) – ang kasalukuyang direktor ng Philippine High School for the Arts.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, inimbitahan ng Rappler si Vim Nadera upang bigkasin ang kanyang tulang “Ngayon” mula sa librong RIZALpabeto. – Rappler.com

“Bakit ko dapat aralin ang Noli Me Tangere
At El Filibusterismo?” tanong ko sa sarili
Sa halip na naglalaro o nanliligaw kami 
Hanggang gumanap ako bilang Pambansang Bayani.

Mula mababa hanggang mataas na paaralan, 
Di ko siya ipinagpalit kahit kay Superman. 
Subalit, natuklasan ko rin sa mga dayuhan 
Sila ang pumili ng lahat ng ating “National.”

Baon ko ang pagdududa hanggang sa kolehiyong 
Pinalawak ng pahina ang makitid kong mundo: 
“Kung dito, ang mahirap ay nobenta porsiyento, 
Dapat ang kinatawan natin ay di ilustrado?”

Pero, nang ako ay maging isang ganap na guro 
At Kursong Rizal ang sa akin ay ipinaturo. 
Noon at doon sa pampanitikan niyang anyo, 
Parang nakatagpo ako ng palayok ng ginto.

Ngayon, itinuring ko siyang alagad ng sining 
Na may angking klasikal at unibersal na galing. 
Sa pagitan ng linya, nang matapos kong basahin, 
Ang pagtingin ko sa sarili ay tumaas na rin!

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.