Cardinal Tagle on Nazareno: ‘Siya ang humahawak sa atin’

Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Cardinal Tagle on Nazareno: ‘Siya ang humahawak sa atin’
'Hindi ka pabigat,' Cardinal Luis Antonio Tagle says in a homily for devotees of the Black Nazarene

(Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle delivers a homily past midnight on Saturday, January 9, hours before a day-long procession that involves touching the centuries-old image of the Black Nazarene. Tagle tells devotees: Before they even thought of touching the Nazarene, Jesus touched them first. Below is the transcript of Tagle’s homily.)

Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat at magpuri sa Panginoon. Sa kanyang awa at habag, tayo po’y nandito ngayong hatinggabi. Sa kanyang awa at habag, sa napakaraming nangyayari sa mundo, sa ating buhay, tayo ay minarapat niya na magkasama-sama upang parangalan ang ating minamahal na Hesus Poon Nazareno. 

At ang pagdiriwang po natin ng kanyang dakilang kapistahan sa taong ito ay napapaloob sa idineklara ni Papa Francisco na Taon ng Awa, Year of Mercy. At ‘yan naman talaga ang mensahe ni Hesus Nazareno. Siya ang nagdalang-awa sa atin. 

Gayundin, tayo pong mga Pilipino ay naghahanda dahil ilang araw na lamang ay magaganap sa ating bansa, sa Cebu, ang ika-51 International Eucharistic Congress. Kaya dito po sa atin ay buhay na buhay din ang ating pagninilay, pagsasariwa ng pananampalataya, at pagsasabuhay ng Misteryo ng Eukaristiya, ang Banal na Misa, lalo na sa ating mga pamilya. 

Kaya po ang tema ng ating pagdiriwang ng traslacion sa taong ito ay tumutukoy sa Taon ng Habag, Year of Mercy; sa Taon ng Eukaristiya at Pamilya. Ito po ang tema ng piyesta: “Banal na Eukaristiya, Buhay ng mga Sumasampalataya sa Poong Hesus Nazareno sa Taon ng Awa.”

Maganda pong tema, pero may kabigatan. Kung nababasa po ninyo, puwede ho bang ulitin natin? Pakibasa po natin nang sabay-sabay ang tema? “Banal na Eukaristiya, Buhay ng mga Sumasampalataya sa Poong Hesus Nazareno sa Taon ng Awa.” 

Simulan po natin ang ating pagninilay sa diwa ng mga pagbasa. Papa’no ba natin ipinapakita at isinasabuhay ang atin pong pagsampalataya, ang ating debosyon kay Hesus Nazareno? Napakayaman pong pagpapakita, pagpapahayag ng pananampalataya. Pero meron pong mga katangi-tanging aspeto ang ating pagpapakita’t pagsasabuhay ng debosyon at pananampalataya. Hayaan ‘nyong magbanggit ako ng ilan, dahil ito po ‘yung kapansin-pansin. 

‘Wala nang ibang makapitan’

Ang una po, eto, habang tayo’y nagmimisa, may pila pa. Bakit sila pumipila? Kasi, ibig pong makahawak, makalapit, makahalik kay Hesus Nazareno. Isa po ito sa katangian ng ating debosyon at pananampalataya, lalo na po ang mga nakaranas na sila ay wala nang makapitan. Wala na silang matakbuhan. Sa hirap ng buhay, para bagang ang mga inaasahan nilang makakapitan at malalapitan ay wala. Inilalaglag pa nga sila. Kaya ganoon na lamang ang marubdob na pagnanais: Sa inyo na lamang kami makakakapit. Sa inyo na lamang kami makakalapit. Ibig naming madama na nandiyan ka. Kaya ang mga deboto ng ating Poong Nazareno, mahalaga sa kanila makalapit, makahawak, makakapit. 

Para doon sa iba, na ang akala, ang mga deboto ay nagtutulakan lamang, hindi po. Naranasan ‘nyo na ba na wala kayong makapitan? ‘Pag naranasan ‘nyo ‘yan, nandiyan ang Nazareno, lumapit ka, kumapit ka. Mauunawaan mo, bakit ganyan na lamang ang kagustuhan ng mga deboto makalapit sa kanya. Wala nang ibang makapitan, pero nandiyan ang Poong Nazareno. 

Pero bukod sa pagnanais na makalapit, makahawak, ang mga deboto ay matindi rin ang pagpapasalamat. Sa mga naii-interview sa radyo, sa TV, at yaong mga nakakapagkuwento po sa amin, bakit? Bakit ka taun-taon nagtitiyaga, nagpupuyat, nagugutom kung minsan? ‘Yung iba nasusugatan. ‘Yung iba, hinihimatay sa init ng araw. Pero bakit mo pa rin ginagawa? Ang isang laging sagot po ay, “Ito’y pagtanaw po ng utang na loob. Ibig kong magpasalamat sa Poong Nazareno dahil sa hindi malirip at hindi masukat na katapatan niya at kabutihan sa akin.” 

Napakarami pong milagro, at napakaraming pagbabago sa buhay, ang naranasan ng mga kapatid natin, salamat, salamat, kay Poong Nazareno. Kaya ipapahayag, kahit ano pa ang maranasan, ang utang na loob at pagpapasalamat. Siguro po, ang iba sa atin, ang pagpapasalamat, medyo mababaw lang. “Thank you.” Padala ng card. Padala ng note. Pero sa debosyon sa Poong Nazareno, mayroong mas marubdob na pagpapakita ng pasasalamat. 

At ‘yan po’y konektado sa isa pang elemento – pagpapasalamat na may kasamang sakripisyo. ‘Yung pag-aalay ng sarili, pagbibigay ng sarili, ng oras. Biruin ‘nyo, kanina, ‘yung iba raw, 7 oras nakapila diyan sa Roxas Boulevard para makalapit sa Poong Nazareno. Tatlong segundo na makahawak, makalapit. Hindi baleng 7 oras na maghintay. At ang sabi po ng isa, “E kung si Hesus nga, nagbigay ng sarili para sa atin, bakit hindi ako magbibigay ng sarili ko para sa kanya?” 

At meron pang nagsabi, “Ako po may edad na. Hindi ko na ho kayang magprusisyon. Hindi ko na ho kaya ‘yung dating ginagawa ko. Pero ngayon, ang kaya kong gawin ay ito: nagluluto po ako para ‘yung mga deboto na dadaan sa may tapat ng bahay ko, mabigyan ko ng kaunting embutido.” Naglalaway tuloy ako. ‘Yung isa, siya raw ay nagkatay ng baboy, kasi ito ‘yung kanyang maibibigay sa ibang deboto, dahil siya, hindi na makakasama sa prusisyon. 

Pero pagbibigay ng sarili, pagsasakripisyo, pagpaparangal sa Poong Nazareno. Ilan lamang po ito sa napakahahalaga at matingkad na aspeto ng pagpapakita ng ating debosyon at pananampalataya kay Hesus Nazareno. Ang paghawak, ang pagpapasalamat, ang pagbibigay ng sarili. 

Pero kung titingnan po natin ‘yang 3 ‘yan, ‘yan ang ang Eukaristiya. ‘Yan ang ginawa ni Hesus, noong gabing ipagkanulo siya. ‘Yan ang alaala natin kay Hesus, bago siya nagdusa. Hinawakan niya ang tinapay at ang kalis. Nagpasalamat. Ibinigay: “Ito ang aking katawan. Ito ang aking dugo.” Hindi ako nagtataka, na ang ating debosyon kay Hesus Nazareno ay pagtulad sa ginawa niya. Hinawakan ang tinapay. Nagpasalamat sa ama. Ibinigay – hindi na tinapay at alak kundi ang kanyang sarili. 

‘Pasan ka ni Hesus’

Mga kapatid, kahit hindi tayo araw-araw nakakalapit sa imahe ng Poong Nazareno, sa pamamagitan ng Eukaristiya, nabibigyang buhay ang ating debosyon. Sa Eukaristiya, nakikita natin ang ginawa ni Hesus, na atin namang tutularan. 

Akala natin, tayo ang unang gustong humawak kay Hesus Nazareno. Hindi po. Siya ang unang humawak sa tinapay, na sagisag ng mundo. Siya ang humahawak sa atin. Mga kapatid, ‘pag ang pakiramdam mo, parang nag-iisa ka, wala kang makapitan, manalig ka. Hawak ka ni Hesus. Pasan ka ni Hesus. Kung papa’no niya hinawakan ang tinapay, na bunga ng lupa at gawa ng simpleng tao, ikaw pa ba ang hindi niya hahawakan? Hawak ka niya, sa kanyang mapagpalang kamay. Bitbit ka niya. Hindi ka niya ilalayo, kahit sugatan na ang kanyang balikat. Bitbit ka niya. Hawak ka niya. Hawak-hawak ka. At habang hawak ka, nagpapasalamat siya sa Diyos. Hindi ka mabigat. Hindi ka pabigat. 

Kung ang tingin ng mundo sa mahihirap, sa mga simple, “problema ka,” “pabigat ka sa lipunan,” si Hesus hindi. Ang hinawakan niya sa kamay niya, pinasasalamatan niya sa Diyos. Sinabi ni Hesus, “Salamat sa iyo, pinupuri kita, Ama, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga matatalino at mga pantas, subalit iyong ipinaalam sa mga simpleng tao.”

Mga kapatid na deboto, simple ka, mahirap ka, ‘yung iba madungis, huwag kang mag-alala. Nagpapasalamat si Hesus para sa inyo. Regalo ka ng Diyos kay Hesus. Hindi ka binabalewala. Hawak ka niya sa kanyang kamay. Inaangat ka sa Diyos bilang pasasalamat, at ibibigay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin. Hindi siya magbibigay lamang ng bagay. Ibibigay niya ang kanyang sarili: katawan at dugo.

At sa pagbibigay niya ng sarili niya sa atin, parang gusto niya ring ibigay tayo sa iba: ibigay tayo para maging saksi, na mayroong Diyos na kumakalinga, na mayroong Diyos na maawain, na mayroong Diyos na humawak sa ating buhay, na mayroong Diyos na hinid nagsisisi kundi nagpapasalamat, nandito tayo. At ang Diyos na ibinibigay tayo sa iba, bilang biyaya.

Mga kapatid na deboto ni Hesus Nazareno, regalo ka ni Hesus sa iba. Ibinibigay ka ni Hesus sa iba. Ipakita mo ang awa ng Diyos, ang pag-ibig ng Diyos. Hinawakan ka, pinasalamatan ang Diyos dahil sa iyo. Ibinibigay ka. Ang ginawa ni Hesus sa Eukaristiya, ipinadadama sa atin, at ‘yan naman ang ginagawa natin. Ibig natin siyang hawakan. Ibig nating magpasalamat. Ibig nating ibigay ang ating sarili kay Hesus Nazareno. 

Hinawakan, nagpasalamat, ibinigay ang sarili. ‘Yan ang Eukaristiya. ‘Yan ang debosyon sa Hesus Nazareno. 

Hinawakan, nagpasalamat, ibinigay ang sarili. Pakiulit nga po natin ang 3 ‘yan: hinawakan, nagpasalamat, ibinigay ang sarili. 

‘Yan ang Eukaristiya. ‘Yan ang buhay ng sumasampalataya kay Hesus Nazareno, kaya naman tayo rin, hahawak sa kanya, magpapasalamat sa kanya, magbibigay ng ating buhay sa kanila.

Tayo po’y tumahimik sandali at tanggapin muli ang biyaya ng Eukaristiya sa ating buhay upang ito ang maging daan at pamantayan ng ating pananampalataya, ng ating debosyon, ng ating misyon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!