SONA 2021

BUOD: State of the Nation Address 2021 ni Pangulong Duterte

BUOD: State of the Nation Address 2021 ni Pangulong Duterte

SONA 2021. Inihatid ni Pangulong Rodrigo ang kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

RTVM screenshot

Narito ang mahahalagang punto ng ikaanim at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte

Inihatid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26.

Ito ang ikalawang SONA ni Duterte na hybrid – may mga tagapakinig na nasa bulwagan ng Batang Pambansa, at may mga sumali lamang sa pamamagitan ng video call. Nasa kalagitnaan noon ng local transmission ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant, ngunit 350 na tao pa rin ang nasa Batasan – mas marami nang pitong ulit kaysa bilang ng pisikal na audience noong 2020.

Narito ang ilang mahahalagang puntong nabanggit sa SONA:

Must Read

LIVE UPDATES: President Duterte’s final State of the Nation Address | SONA 2021

LIVE UPDATES: President Duterte’s final State of the Nation Address | SONA 2021
Duterte: Kaunting bisyon, mas maraming pagbabalik-tanaw

“Magbigay ng libreng edukasyon, nariyan na. Ang libreng universal health care, andiyan na po. Ang laban sa ilegal na droga, krimen, at katiwalian…” 

“Ngayon, habang papalapit ako…sa katapusan ng aking termino, mas kaunti ang mga bisyon ko, ngunit mas maraming pagbabalik-tanaw. Pero hindi ito para pagsisihan o paghinayangan kung ano sana ang nangyari. Para ito suungin ang mga di-inaasahang pangyayari at dagling matugunan ang mga ito.”

Duterte: Umunlad ang ekonomiya hanggang ‘ninakaw ng COVID-19 ang lahat’

“Dahil sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan, nakaumang na sana ang ekonomiya natin na makipagsabayan sa fastest-growing economies ng mundo, haggang ninakaw ng pandemya ng COVID-19 ang lahat.”

Nanawagan si Duterte na ipasa ng panukalang batas para sa pensiyon ng mga sundalo at pulis

“Noong 2018, itinaas natin ang sahod ng ating mga sundalo at pulis…sa antas na katugma ng mahalagang papel na ginagampanan nila.”

Pagkatapos nito, hiniling ni Duterte sa Kongreso na maipasa ang panukalang batas para sa pensiyon ng mga sundalo at uniformed personnel.

Nais ni Duterte na magkaroon ng tulong sa mga nakakasuhang sundalo at pulis

Nanawagan si Duterte na magpasa ng batas na magbibigay ng libreng legal aid sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police “upang matulungan silang kapag nasakdal kaugnay ng pagtupad sa kanilang tungkulin.”

Pinuri ni Duterte ang NTF-ELCAC

“Dahil sa pagkabuo ng ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), malayo ang narating natin sa pagtugon sa mga ugat ng tunggaliang ito…. Ang mga komunidad na dating pugad ng mga komunista ay nabigyan natin ng panibagong buhay na makakaya nilang ipagpatuloy.”

Duterte: ‘Pakibaril hanggang mamatay’ ang mga komunista

“Ang utos ko sa inyo: Kung makita ’nyo silang palakad-lakad, pakibaril na hanggang mamatay, at magiging masaya ako. Damay na rin naman kayo sa bintang sa akin sa ICC, ano ba naman ’yung dagdagan ninyo [ang mga papatayin] ng isa pang ungas na Filipinong nakasira nang lubha sa ating bansa?”

Magiging ‘mabuting bise presidente’ si Sotto, ani Duterte

Ang pahayag ni Duterte tungkol kay Senate President Vicente Sotto III: “Mabuting tao siya, maaari siyang maging mabuting bise presidente.”

Iniutos ni Duterte ang kumpletong rehabilitasyon ng Marawi

“Ang pagwawagi natin sa Marawi ay patunay na mas malakas ang pagkamakabayan ng mga Filipino… Walang puwang ang mga manggugulo sa bansang ito.”

“Hindi pa tapos ang pagpapabangon ng Marawi. Sa Task Force Bangon Marawi, kailangan nating magmadali, at kailangan ninyong tapusin kung ano ang kailangan para maisayos muli ang lungsod na sinira ng digmaan, at nang makauwi na ang mga pamilya sa kanilang tahanan.”

Nabanggit muli ni Duterte ang kanyang ‘giyera kontra-droga’

“Dahil sa pursigido nating kampanya, milyon-milyong gumagamit ng droga ang sumuko, at libo-libong kasangkot sa droga ang napatay, nadakit, at nausig.”

Duterte sa MRT3: Wala nang ‘pagdurusa sa pagbibiyahe’

Dahil sa komprehensibong reporma ng gobyerno sa buwis, “nakapagpondo tayo ng mahahalagang impraestruktura.”

“Ngayon, nakikita na natin ang mga konkretong resulta. Ang MRT3…dati ay dalamhati ang inaabot ng mga nagbibiyahe.”

“Malaki ang nabawas sa oras na ipinaghihintay para sa mga tren…. Napawi natin ang pagdurusa ng publiko sa pagbibiyahe.”

Binanggit ni Duterte ang mga impraestruktura sa mga probinsiya

“Sa labas ng Metro Manila, sinisimulan natin ang ilang proyektong pinakamakatutulong [sa komunidad].”

“Naging patas ang paghahatid natin ng kaunlaran.”

Binanggit niya ang Sorsogon City Coastal Road: “Mahal ko ang Bicolano.”

“Bakit huli ang Davao? Sabi ko, unahin ninyo ang buong Pilipinas…. Sabi ko sa aking economic managers at sa DPWH, pati si Art Tugade sa [Department of Transportation], unahin ninyo ang Luzon at ibang bahagi ng Mindanao…. Sa mga Davaoeños, kailangan ninyong maintindihan, hindi natin puwedeng – kasi taga-diyan ako eh…. Sabi ko, ‘Gawin ‘nyong huling priyoridad ang Davao.’”

Binanggit ni Duterte ang Ease of Doing Business Act

“Ginawa nating mas mabisa ang mga proseso ng pamahalaan upang maging bahagi na lamang ng nakaraan ang mahahabang pila.”

Duterte: ‘Hindi mo masusugpo ang korupsiyon’

“’Yung pastillas [scam] sa airport, mayroong 43 tauhan na sangkot. Sinisante ko silang lahat. Talagang pinaalis ko sa gobyerno.” (Hindi totoo ito.)

“Bahagi na ng pamahalaan ang korupsiyon. Hindi mo masusugpo ang korupsiyon. Walang makapagpapatigil sa korupsiyon maliban kung patalsikin mo ang pamahalaan.”

Must Read

Contrary to Duterte’s claim at SONA, execs in pastillas scam probe back in BI

Contrary to Duterte’s claim at SONA, execs in pastillas scam probe back in BI
Duterte: ‘Igigiit namin ang nararapat’ para sa Filipino

“Sa pakikipag-ugnayan natin sa mundo, ang patakaran natin ay nanatiling malaya sa impluwensiyang banyaga, at nakasentro sa pagtataguyod at pagtatanggol ng ating mga pangunahing pambansang interes.”

“Patuloy tayong nakikipagtulungan sa lahat ng bansa at tinitiyak na ang pakikisama ay magbubunga ng mabuti.”

“Sa aming mga kaibigan sa ASEAN at sa buong mundo, salamat. Tinitiyak ko sa inyong ang Pilipinas ay mananatiling responsableng kasapi ng pandaigdigang komunidad, at makikipagtulungan kami sa inyo upang maabot ang ating magkakatulad na layunin.”

“Pero ’wag kayong magkakamali, lumipas na ang mga araw na ang Filipinas ay nagpapasiya at kumikilos sa anino ng mga makapangyarihang bansa. Igigiit namin kung ano ang nararapat sa amin, at ipaglalaban kung ano ang nararapat para sa mga Filipino.”

Duterte: Hinahamon natin ng giyera ang China kung igigiit natin ang Hague ruling sa West Philippine Sea

“Ito bang arbitral ruling…. America at ibang mga Filipino – masasabi kong matatalinong Filipino  – itinutulak nila ang isang bagay na, hindi ko alam…. Ano ba ang gusto ninyo? Ano ang gagawin ko sa isang dokumento na hindi naman nagtatali sa China dahil hindi sila kailanman naging bahagi ng pagdinig na iyon?”

“Ano gusto nila, makipaggiyera, may gagawin? Gusto ’nyo ba ng giyera laban sa China?”

Duterte: Makikinabang ang mga magsasaka ng niyog sa coco levy fund

“Nakipagtulungan sa Kongreso ang aking administrasyon upang maipasa ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act. Naibalik na rin natin ang coco levy fund sa tunay at nararapat na may-ari nito, ang ating mga magsasaka ng niyog.”

Inalala ni Duterte ang away laban sa water concessionaires

Sinabi ni Duterte na gagamitin niya ang kanyang puhunang politikal para labanan ang may personal na interes sa sektor ng tubig.

“Kung malugi sila (water concessionaires), babayaran pa natin (pamahalaan)?”

“Magkano ang pera ng mga Filipino na nasa kanila na para lang sa wala?”

“Talagang inupakan ko sila. Sabi ko, ‘Ayaw ninyo? Kukumpiskahin ko na lang ang iyong sistema at tatawagin ko ang militar para patakbuhin ito. Kukumpiskahin ko ang lahat ng ari-arian ninyo rito.’”

Sabi-sabi ni Duterte, bilyon-bilyon ang utang na buwis ng ABS-CBN

“Wala akong problema sa ABS-CBN. Nakuha nila ang pera ko, gusto nilang ibalik…pero lahat ng basura [laban sa akin] ay inilabas nila, kasama nang ang anak ko raw na babae ay drug trafficker.”

“Nilamon ko na lang lahat ’yun…. Pero itong bilyon-bilyon sa buwis, dinadaya nila ang gobyerno, at gusto pa nila ang frequency na iyon dahil ’yan ang pinag-aawayan. Ibibigay ko iyon sa Filipinong gustong gumawa ng tama at magbabayad.”

Duterte: Dinagdagan ang testing at mga pasilidad para sa COVID-19

“Dinagdagan natin ang ating kakayahang magsagawa ng testing. Mayroon na tayong mahigit 260 na accredited laboratories sa buong bansa na may kakayahang magsagawa ng ’di bababa sa 50,000 na test araw-araw. Ngayon, lahat ng mga rehiyonay kaya nang magsagawa ng kanilang sariling COVID-19 tests.”

“Nagtayo tayo sa buong bansa ng mahigit 9,000 na pansamantalang monitoring and treatment facilities.”

“Para sa ating malulubhang kaso ng COVID, patuloy na tinitiyak ng ating walang pagod na health workers ang pinakamahusay na pag-aalaga sa araw at gabi.”

Humihingi si Duterte ng pasensiya sa mga Filipinong naghihintay pa ng bakuna

“Humihingi ako ng pasensiya sa mga susunod na babakunahan na dapat…. Marami pang parating na bakuna laban sa COVID-19, at darating din ang inyong pagkakataon.”

Duterte: ‘Hindi na natin kakayahing mag-lockdown na naman’

“Napakalaki na ng nagastos natin para palakasin ang ating kakayahang manaig laban sa pandemya. Hindi na natin kakayahing mag-lockdown na naman.”

Binanggit ni Duterte ang banta ng COVID-19 Delta variant

“Ito man ang panghuli kong State of the Nation Address, hindi pa ako mananahimik pagkatapos nito. Hindi ko titigilang mamanhik sa Kongreso na magpasa ng mahahalagang batas.”

“Kailangang manaig tayo at hindi maparalisa sa takot at pagkabalisa dahil sa banta ng COVID-19 virus. Pero hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin. Kailangan kong makinig sa task force…sila ang magsabi. Naghihintay lang tayo ng balita, ang tinutukoy ko ay ang COVID-19 [variant] na Delta. Hindi ito maawat ngayon sa Indonesia, Thailand, India, at maraming bahagi ng Asya. Sabi sa western medicine, mas agresibo ito, higit na mapanganib, at mas madaling makamatay kaysa ng orihinal na COVID-19…. Kung may masamang mangyari, kailangan kong maghigpit…. Baka kailangan na lang nating magdasal para sa ating kaligtasan.”

Nangako si Duterte na pagsisikapang maibalik ang kabuhayan ng mga tao

“Makakaasa kayo na gagawin natin ang lahat para maibalik ang nawalang kabuhayan ng ating mga mamamayan.”

Dagdag niya, palalakasin ng pamahalaan ang kakayahan ng mga Filipino na matanggap sa trabaho at tutulungan ang mga sektor na pinakaapektado ng pandemya.

Hiniling ni Duterte sa Kongreso na baguhin ang ilang batas

Binanggit ng Pangulo ang mga batas na nais niyang mabago: Foreign Investments Act, Public Service Act, at Retail Trade Liberalization Act.

Hiniling ni Duterte sa Kongreso na magtayo ng ahensiya para sa pag-aaral tungkol sa virus

“Nais nating magtayo ng…Center for Disease Prevention and Control at ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines.” – Rappler.com

Ang ulat na ito ay isinalin nina Loreben Tuquero at Michelle Abad, at inedit ni Miriam Grace A. Go, mula sa orihinal na Ingles.

Must Read

Quick summary of Duterte’s SONA 2021

Quick summary of Duterte’s SONA 2021

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.