Ang kuwento ng dalawang Antonio

Vim Nadera

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Ang kuwento ng dalawang Antonio
Magkapatid sa sining, at kapwa isinilang nang Nobyembre, si Lamberto Antonio ay iniluklok kamakailan sa Hall of Fame ng Palanca, habang si Teo Antonio ang paksa ng librong nanalo ng National Book Award



 Sa literaturang Filipino, lalong-lalo na sa larang ng tula, may dalawang makatang lagi’t laging napagkakamalang magkapatid o magkamag-aanak.

O, kung hindi man, iisa.

Iisa rin kasi dati ang kanilang inuuwiang Pag-IBIG BLISS sa Barangay Hulo sa Mandaluyong.

Sila si Lamberto Antonio at si Teo Antonio.

Kapuwa naging Dangal ni Balagtas.

Kapuwa nagka-Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.

Kapuwa Makata ng Taon.

Kapuwa sila ipinanganak noong 1946.

Kapuwa sila isinilang ngayong buwan ng Nobyembre.

Si Lamberto ay noong ika-9, samantalang si Teo ay noong ika-29.

Subalit, hindi mula sa isang ina.

Supling si Lamberto nina Mang Felipe at Aling Maria, gayong anak si Teo nina Mang Emilio at Aling Andrea.

Si Lamberto ay mulang angkan ng Antoniong taga-Cabiao, Nueva Ecija.

Si Teo ay galing sa lahing Antonio ng Bulacan, Bulacan.

Pinagtagpo pa rin ang kanilang mga landas. Sila ay mag-aaral sa iisang unibersidad – ang University of the East (UE) – na maituturing na pugad ng pagbabago sa panitikang Filipino!

Saksi rito ang magiging Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario (Rio Alma), na lumipat sa UE para sa kaniyang MA Education noong 1963, kung kailan din siya nagtapos ng AB Political Science din sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Pinatunayan ni Rio Alma na ang panahong iyon ang transisyon sa kaniyang introduksiyon sa antolohiya niyang Sansiglong Mahigit ng Makabaong Tula sa Filipinas: Mga Piling Tula sa Bikol, Binisaya, Espanyol, Iluko, Ingles, Filipino, at Kapampangan Mulang 1900 hanggang Kasalukuyan (2006): 

Noong 1963, dito sisikat ang Dawn ng UE dahil sa mga eksperimento at kritisismo nina Rio Alma, Rogelio G. Mangahas, at Lamberto E. Antonio at magiging sentro ng ikalawang daluyong ng Modernismo sa Tagalog. Makakasalamuha nila sina Epifanio San Juan, Jr. at Federico Licsi Espino, Jr. na nagsusulat na noon sa Ingles, si Pedro Ricarte na kumukuha noon ng gradwadong kurso sa panitikan sa MLQU (Manuel Luis Quezon University), at iba pang matitipon sa antolohiyang Manlilikha (1967). Kasabay nila ang paglikha rin ng Modernistang pagtula sa Ateneo de Manila University nina Rolando S. Tinio, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, at ibang kasama sa isyung Oktubre 1965 ng Heights. 

“Nabalitaan ko na may scholarship sa UE kapag editor ka ng school paper,” kuwento ni Lamberto kay Jim Libiran, na kasama niya sa Abante at Diyaryo Filipino, para sa seryeng Akdang Buhay. “Kaya hinanap ko sa amin sa Barrio Plasinan ang kapitbahay kong nagtuturo na noon sa UE.”

Nang hingan siya ng mga akda, agad naman siyang nagsumite ng dalawang tula, isang sanaysay, at isang kuwento.

Ang tinutukoy ni Lamberto ay walang iba kundi si Rogelio Mangahas.

Oo, magpinsan silang totoo.

Karakang nagustuhan ng huli ang mga obra ng una kaya kapagdaka’y naging section editor agad si Lamberto.

Nagsimula muna siya sa isang pahina.

“Pilipino Editor ako noon,” sumbong niya, “hindi pa F noon kundi P – P, as in paningit.”

Kinalaunan, si Lamberto ang naging kauna-unahang manunulat sa Pilipino na naging editor in chief ng Dawn sa edad na 22 noong 1968.

Noong taon ding iyon, si Teo naman ay isang draftsman na naging building appraiser sa Manila City Hall.

Nang magkasakit ang kaniyang tatay, nagkusa siyang mag-alaga.

Huminto muna siya kahit isang semestre na lamang ang kulang para makapagtapos siya ng advertising sa College of Architecture and Fine Arts ng University of Santo Tomas (UST).

Bumalik lamang si Teo sa pag-aaral noong 1970, pero sa UE na.

At AB Political Science na ang kaniyang kinuha.

Nang idineklara ang Batas Militar noong 1972, naging maalab ang liyab ng pagliyag sa bayan, kung kaya’t lumipat siya sa AB Filipino, na kaniyang tinapos noong 1976.

Doon, sa Dawn, naging mag-utol si Lamberto at  si Teo.

Saan pa kundi sa panitikan at peryodismo?

Isinantabi na ni Teo nang tuluyan ang pangarap niyang maging pintor upang magsulat.

Magsulat nang magsulat.

Higit sa lahat, para kay Inang Bayan.

Diumano’y siya ang di-opisyal na ikaapat sa “Tungkong Bato ng Modernismo sa Panulaang Filipino.”

Ito ang taguri sa magkabangkilas na Rio Alma’t Rogelio.

At Lambertong naging kuwentista rin at nakipagtulungan kay  Mario O’Hara para sulatin ang Insiang ni Lino Brocka – na naging kauna-unahang pelikulang Filipino na itinampok sa Cannes Film Festival noon pang 1978.

Maghahawan sila ng landas patungo sa pagsusulat na mulat sa panitikang-bayan at pamamaraang “makabago” na dapat tanawing utang na loob ng mga kabataang manunulat ngayon.

Reoryentasyong ganito ang kanilang aktibismo’t ambag hindi lamang sa sining kundi sa kulturang Filipino.

Patotoo rito ni Teo ay dalawa.

Una, bilang awtor.

Ilan ang mga sumusunod sa kaniyang premyadong libro: Biro-biro Kung Sanlan (1982); Taga sa Bato: Mga Piling Tula 1973-1988 (1991 at 1994); Bagay-bagay (1992); Pira-pirasong Bituin (1996); Ornamental (1998); Kalawang sa Patalim (1998); Karikatura at iba pang Kontrabanda (1999); Piping-dilat (2000); Sa Aking Soledad (2002); Mga Tula sa Pag-ibig (2002); Pagsunog ng Dayami (2003); Tilad na Dalit: mga piling tula 1973-1999 (2003); Isang Daa’t Isang Lungkot at Ligaya (2004); Distrungka (2011); at marami pang iba gaya ng kolum niyang patula bilang “Tasyong Tiwarik” sa pahayagang Abante na pinamatnugutan ni Lamberto!

Ikalawa, bilang aktor.

Sa telebisyon, bilang Ka Temyong – kasama ni Bert “Tawa” Marcelo – sa programang Agri-siyete ng Technology Resource Center.

At sa tanghalan, bilang “Prinsipe ng Balagtasan.”

Ipinagpatuloy din kasi niya ang pamana ng ama niyang si Emilio Mar. Antonio na siyang huling “Hari ng Balagtasan.”

Magpahanggang muntik na siyang pabagsakin ng kanser.

Gaya ni Lambertong halos itumba ng katarata.

Pero, dahil sa kani-kanilang pamilya, parang phoenix silang magkasunod ding muling isinilang mula sa abo!

Nitong Nobyembre 8, 2019, bisperas ng kaniyang ika-73 kaarawan, iniluklok si Lamberto sa Palanca Hall of Fame makaraang mag-uwi siya ng 5 Unang Gantimpala para sa kaniyang kalipunan ng mga tulang pinamagatang Sangkipili ng Uhay (1976), Sa Bibig ng Balon at iba pang Tula (1977), Lilok ng Lilo (1999), at Turno kung Norturno at iba pang Tiyempo ng Rilyebo sa Pagberso, at isang sanaysay na may pamagat na Bakasin Mo Sa Bakasyon (1999).

Noong Nobyembre 23, 2019, naman, 6 na araw bago ang ika-73 kaarawan ni Teo, nanalo ng National Book Award si Joselito de los Reyes – na kolumnista ng Rappler – na kumapanayam din sa kaniya para sa seryeng Akdang Buhay.

“Ang Finding Teo, na isina-librong disertasyon ni De los Reyes,” ayon sa mga hurado, “ay isang proyektong radikal sapagkat, sa Filipinas, bibihira na ang mga pampanitikang manunulat ay gawing paksa ng ganitong anyong kadalasan ay nakatuon ang pansin sa mga politiko, aktor, atleta, at iba pang sikat na tao.”

Noong gabi ring iyon, tahimik na nagwagi muli si Lamberto ng National Book Award (Best Translated Book) para sa dalawang tomo ng Digmaan at Kapayapaan – ang kaniyang salin ng War and Peace ni Leo Tolstoy.

Ngayon, sino naman kaya ang susulat ng tula at buhay, o tulambuhay, ng isa pang Antonio? – Rappler.com 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!