education in the Philippines

[OPINYON] Ang pagbabalik-tanaw sa etika ng pananaliksik sa akademya

Patrick Ernest Celso

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Ang pagbabalik-tanaw sa etika ng pananaliksik sa akademya

David Castuciano/Rappler

'Dapat bigyang pansin ang mga gasgas na paksang pinipili ng mga mag-aaral at inaaprubahan ng mga guro'

Kamakailan, ipinabatid ni Arniel Ping, ex-officio ng Philippine Association for Media and Information Literacy, ang kaso ng mga nagbebenta ng “already made” na papel na pananaliksik. Ayon sa orihinal na post, nakatala ang ilan sa mga pamagat ng pananaliksik na maaaring pagpilian ng mga estudyanteng nangangailangan ng ipapasang awtput. Ang sabi-sabi, naidepensa na ang mga papel at maaaring i-PM ang nag-post sa mga interesadong mag-avail. 

May be an image of 1 person
Screenshot ng post

Hindi na bago ang ganitong kalakaran sa social media sapagkat halos dalawang taon lamang ang lumipas nang aking ilahad ang aking opinyon hinggil sa dumadaming kaso ng mga estudyanteng nandaraya sa online na moda. Sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa panahon ng “bagong normal,” hamon para sa mga guro ang pagdisenyo ng mga natatanging pagtataya o assessment lalo na’t umuusbong na rin ang paggamit ng ChatGPT at iba pang AI tools na maaaring maituring na porma ng academic dishonesty.

Kasalukuyan akong nagtuturo ng kursong Komunikasyon sa Pananaliksik o Research Communication sa ilalim ng Departamento ng Filipino sa kolehiyo. Bagamat hindi na bago sa aking mga mag-aaral ang konsepto ng pananaliksik dahil inaasahang mayroon na silang mga kasanayang nahubog noong sila’y nasa senior high school pa lamang, mahalaga ang nasabing kurso upang maipadama sa kanila ang kahalagahan ng pananaliksik anoman ang kanilang kinukuhang digri, lalo na’t sila’y nag-aaral sa isang bantog na research university sa bansa.

Ang kasanayan sa pagsulat sa Filipino ay nananatiling hamon sa ilan kong mag-aaral. Muli kong inalala na sa dati kong pinagtuturuan, open notes at maaaring sumangguni sa dalang diksyunaryo ang pamamaraan ng kanilang periodic exam sa Filipino. Ang dahilan ng mga guro, hindi matatas ang karamihan sa mga estudyante sa paggamit ng wikang Filipino dahil sa kanilang kinalakihang English-centric na kultura. 

Isa pang karanasan sa parehong institusyon, naging tampulan ng katatawanan nang minsang gamitin ng isang mag-aaral sa kaniyang research defense sa asignaturang Filipino ang salitang “impakta” bilang kaniyang salin sa Filipino ng salitang Ingles na “impact.” Minsan ko na ring narinig ang isa pang mag-aaral na ginamit ang maling salin ng “cellphone” na “selepono.” Bagamat analohiya sa salitang “telephone” ay “telepono,” sumasang-ayon ang KWF Diksiyonaryong Filipino na tinatanggap ang salitang “cellphone” bilang katumbas na salin sa wikang Filipino.

Screenshot mula sa KWF Diksyunaryo ng Wikang Filipino

Aminado man ang iba kong mag-aaral na hindi Filipino ang kanilang unang wika, layunin ko bilang guro na ipakita sa kanila ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik. Ayaw kong maulit ang mga kahalintulad na kasong maririnig ko sa mismo kong mga mag-aaral sa kolehiyo ang mga salitang “impakta” para sa “impact” at “selepono” para sa “cellphone” bilang bahagi ng kanilang bokubularyo sa Filipino. Kung kaya, hindi dapat tanggalin ang Filipino bilang kursong General Education sa kolehiyo dahil sa mga ganitong uri ng language faux pas na hindi naitatama lalo na’t ito pa man ay ang sarili nating wika.

Sa aking klase, malaya silang gumamit ng diksyunaryo bilang sanggunian ng pagsasalin ngunit aking napansin na mas marami sa kanila ang umaasa sa search engine o Google Translate. Ang pagsangguni sa diksyunaryo, pisikal mang anyo o bersyong digital, ay hindi ko nakikita bilang uri ng pandaraya. Wala itong pinagkaiba sa pagpayag ng mga guro ng Science o Mathematics o anomang disiplinang may kaugnayan sa numero hinggil sa paggamit ng scientific calculator sa kanilang mga klase. Hindi naman lahat ng mga mag-aaral ay bihasa sa matematika. Sa katulad na lente ko tinitingnan na hindi rin naman lahat ng mga mag-aaral ay lubos na may kahusayan sa Filipino.

Para naman sa mga mag-aaral na nagsusulat ng kanilang papel, tesis, o disertasyon sa wikang Ingles, pinapayagan ng ilang unibersidad tulad ng Pamantasang De La Salle at Unibersidad ng Santo Tomas na gumamit sila ng Grammarly upang maiwasto ang kanilang balarila. Gayunpaman, hindi available ang Filipino bilang language option sa nasabing app. Ako, na nagsulat ng aking tesis sa MA gamit ang wikang Filipino, nanghihinayang na wala pang fully developed na Filipino language tool. Kung sakaling magkaroon man nito sa hinaharap, nawa’y magbukas ito ng pinto sa mas maraming mananaliksik na magsulat sa wikang pambansa.

Naniniwala akong hindi pandaraya ang paggamit ng Grammarly. Kung iisipin, ang paggamit ng teknolohiya upang malaman kaagad ang kamalian sa balarila ay isang uri ng sariling pagkatuto o self-learning. Ayon sa pag-aaral ni Darren Rey Javier ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, isang pedagogical tool ang nasabing app para sa mga guro at mag-aaral ng akademikong pagsulat sa Ingles. Karagdagan, naglunsad ang Microsoft ng language accessory pack sa Filipino. 

Sa kaso naman ng ChatGPT, hindi mapagkakaila na nagiging mas mahusay ito sa pagbuo ng mga sagot, lalo na sa anyo nitong sanaysay, gamit ang wikang Filipino. Iba-iba ang opinyon ng mga guro hinggil sa paggamit ng nasabing AI tool. Sa aking palagay, dapat maging bukas ang akademya sa pag-usbong ng ganitong teknolohiya dahil hindi ito maiiwasan sa nagbabagong mundo. Gayunpaman, dapat ituro sa mga mag-aaral ang etika sa paggamit nito. Payo ko, gamitin lamang ang tool bilang batayan upang makatuklas ng mas malalim na kaalaman, at hindi tahasang “copy-paste” na materyal.

Must Read

[ANALYSIS] Will ChatGPT (finally) ‘kill’ all the lawyers?

[ANALYSIS] Will ChatGPT (finally) ‘kill’ all the lawyers?

Ayon sa isang gurong aking nakapanayam, pinag-iisipan niyang bumalik sa “paper and pen assessment” para sa pagmamarka ng mga sanaysay kaysa sa paggamit ng online discussion boards. Paniniwala niya, ang back to basics na dulog ang tugon sa pagwaksi ng pandaraya sa online.

Para sa kasalukuyang termino, imbes na papel na pananaliksik ang kahingian sa aking klase sa kolehiyo, naisip kong bumuo sila ng isang dokyumentaryo hinggil sa paksang interesado silang talakayin. Ano bang pinagkaiba ng isang papel na pananaliksik sa isang dokyumentaryo? Pareho naman itong ginagamitan ng mga kasanayan sa pananaliksik. Ang pinagkaiba, ang midyum. Ang isa ay printed text samantalang ang isa naman ay audio-visual.

Bagamat may academic freedom ako dahil nagtuturo ako sa kolehiyo, mayroon namang creative freedom ang aking mga mag-aaral sa kanilang paglikha ng dokyumentaryo. Salungat ito para sa mga guro sa hayskul, partikular na sa mga nagtuturo ng asignatura sa senior high school na Practical Research dahil tila napako na bilang pinal na rekwayrment ang pagbuo ng papel na pananaliksik dahil mandato ito bilang isang DepEd learning competency.

Wala akong nakikitang problema na papel na pananaliksik ang awtput sa PracRes dahil preparasyon ito para sa mas maraming akademikong papel na isusulat ng mga mag-aaral sa senior high school pagtungtong nila ng kolehiyo. Ang isyu para sa akin, dapat bigyang pansin ang mga gasgas na paksang pinipili ng mga mag-aaral at inaaprubahan ng mga guro. 

Ilang papel na bang gawa ng mga mag-aaral sa hayskul ang aking nabasa ang naglalaro lamang sa mga cliché na research topic – distance learning, mental health (Hindi ako kontra sa pagsulong ng lusog-isip ngunit paulit-ulit na lamang ang pagtalakay sa student stress management, student depression, o self-care practices. Sensitibo itong mga paksa na kinakailangan ng sapat na kaalaman sa sikolohiya at pagsangguni sa mga propesyonal.), <insert text here> in the new normal, perceptions on <punan ng parirala>, at iba pa. Formulaic ang kanilang konstruksyon ng pamagat. Hindi tuloy mapagkakailang nagsilbing online na bersyon ng Recto ang Facebook sa mga nagbebenta ng mga papel na pananaliksik tungkol sa mga nabanggit na paksa.

Mabilisan. Paspasan. Instant! Ito ang nakasanayan ng kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral. Gayunpaman, tungkulin ng mga guro na turuan sila na umiwas sa mga mala-impaktang tukso na mandaya para lamang makalamang. Sa lipunan natin kung saan saksi tayo sa talamak na mga kaso ng panloloko, kailangang ipaalala sa kanila ang negatibong impact nito. – Rappler.com

Patrick Ernest C. Celso, 26, is a licensed professional teacher and volunteer fact-checker from Makati City. He teaches media and communication under the Department of Filipino of the College of Liberal Arts at De La Salle University. He recently graduated cum laude with his master’s degree in Creative Writing and obtained an English Education degree at the University of Santo Tomas.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!