
This is a press release.
Malugod na ipinababatid ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na ipagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino: Wika ng Saliksik” sa Agosto 2018.
Kaugnay nito, binubuksan ng KWF ang panawagan at nominasyon para sa dalawang pambansang gawad nito: ang Dangal ng Wika 2018 at ang Kampeon ng Wika 2018.
Pinararangalan sa Dangal ng Wika ang mga indibidwal at/o samahan na nakapag-ambag sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Kumikilala naman ang Kampeon ng Wika 2018 sa mga indibidwal at/o samahan na nakapag-ambag sa pagpapaunlad ng alinman sa mga katutubong wika sa Filipinas.
Para sa mga nominasyon, may sumusunod na kalipikasyon ang mga parangal:
Dangal ng Wika 2018
- Indibidwal, samahan, tanggapan o institusyon, at mga ahensiyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsusulong, pagpapagalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larang at/o disiplina.
- Para sa mga indibidwal, kinakailangang may gulang na hindi bababâ sa apatnapung (40) taon. Para sa mga samahan, tanggapan, ahensiyang pampamahalaan, at/o pribadong sektor, kinakailangang naestablisa nang hindi bababâ sa limang (5) taon.
- Mayroong katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa wikang Filipino sa iba’t ibang larang at disiplina. (Kinakailangang ilakip sa nominasyon bilang pruweba.)
Kampeon ng Wika 2018
- Indibidwal, samahan, tanggapan o institusyon, at mga ahensiyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsusulong, pagpapagalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng alinman sa mga katutubong wika sa Filipinas sa iba’t ibang larang at disiplina.
- Para sa mga indibidwal, kinakailangang may gulang na hindi bababâ sa apatnapung (40) taon. Para sa mga samahan, tanggapan, ahensiyang pampamahalaan, at/o pribadong sektor, kinakailangang naestablisa nang hindi bababâ sa limang (5) taon.
- Mayroong katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa alinman sa mga katutubong wika sa iba’t ibang larang at/o disiplina. (Kinakailangang ilakip sa nominasyon bilang pruweba.)
Ang mga nominasyon ay kinakailangang maglakip ng mga sumusunod na kahingian:
- Liham nominasyon na nagsasaad ng buod ng kalipikasyon ng nominadong indibidwal o samahan at nilagdaan ng nagnomina
- Curriculum vitae (kung indibidwal) o profayl ng organisasyon (kung samahan)
- KWF Pormularyo sa Nominasyon
- Mga pruweba sa katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa wikang Filipino at/o alinmang katutubong wika sa bansa
Hanggang sa 23 Hulyo 2018 ang huling araw ng pagsusumite ng mga nominasyon.
Ipadala ang mga nominasyon sa:
Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN)
Komisyon sa Wikang Filipino
2P Gusali Watson, 1610 Kalye J. P. Laurel St.,
San Miguel, Maynila
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan kay G. Gregory Miles Granada ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa telepono blg. 736-2519 o magpadala ng mensahe sa komisyonsawika@gmail.com. – Rappler.com
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.