TULA: ‘May Bagong Bayani ang Ating Panahon’ ni Rio Alma

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

TULA: ‘May Bagong Bayani ang Ating Panahon’ ni Rio Alma
Handog ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa alaala ng mga doktor na pumanaw at sa ‘mga kawal pangkalusugang lumaban sa COVID-19’

MANILA, Philippines – Matapos ang World Poetry Day nitong Marso 21, nagsimulang mag-post sa Facebook ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario ng mga tulang isinisulat niya sa panahon ng krisis sanhi ng pagkalat ng novel coronavirus. 

Inilalathala ng Rappler nang may pahintulot ng manunulat ang ilan sa kanyang COVID-19 poems, sa ilalim ng kanyang sagisag-panulat na “Rio Alma.”

 


May Bagong Bayani ang Ating Panahon

 

Bathala, ibig kong magtipon ng batong
Hinango sa dagat, talampas at bulkan,
Pagdikit-dikiting tíla munting payyo
At tamnan ng aming binubuong dangal.

Sakâ aalayan ng sampaga’t abel
Sa saliw ng agung, kutibeng, at budyong;
Watawat ay libong kakaway sa hangin
Pambunyi sa ating bayani ng ngayon.

Nagbayani siláng wala ni espada,
Di nagtalumpati sa bulwaga’t parke;
Ang binabantaya’y pintig at hininga,
Tatak na panlingkod—putîng uniporme.

Sinlinis ng apoy, sinsipag ng batis,
Paglilingkod nilá’y higit sa bantayog;
Sila ang bayaning anumang panganib
Titindig hahandog búhay ma’y marupok.

Bathala, ibig kong bawat isang bato’y
Titikan ng giting nilá at pangalan:
Tumalaga siláng manggamot sa tao,
Nangasawi silá para may mabúhay.

Para sa alaala nina Dr. Raul Diaz Jara, Dr. Israel Bactol, Dr. Rose Pulido, Dr. Greg Macasaet, Dr. Marcelo Jaochico, Dr. Salvacion Gatchalian, at mga kawal pangkalusugang lumaban sa COVID-19.

Rio Alma
26 Marso 2020

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!