Maging migrante: Mahirap na pagpapasya

Nelson Forte Flores
Tama ang tanong ng mang-aawit na si Florante. 'Dapat ka bang mangibang bayan? Dito ba ay wala kang paglagyan?'

HOUSTON, USA – Magkahalong saya, lungkot at pangamba ang naramdaman ko nang dumating kaming mag-ama dito sa United States nuong 2006 bilang mga immigrant.

Lalong naging matingkad ang mga damdaming iyon habang pababa na ang eroplanong sinasakyan namin ng anak kong si Bayang Lualhati sa San Francisco International Airport, ang aming port of entry dito sa US.

Ako’y masaya dahil may palagay na ang Amerika ang magiging susi para mabuksan ang iba ko pang pangarap para kay Bayang, malungkot kasi naiwan ko ang lahat ng mahal sa akin, kabilang na ang aking ama at mga kaibigang tunay, at puno rin ako ng pangamba kasi para akong tumalon sa balong malalim na walang katiyakan kung ano ang lalagpakan.

Pagbaba sa eroplano ay agad kong napansin ang kaayusan ng paliparan at paligid. Halatang disiplinado sila rito.

Ang pagdating at pag-alis ng mga biyahero sa airport ay maayos, hindi tulad sa atin na hindi magkamayaw ang mga naghahatid at sumasalubong na kapamilya’t usisero. Kung may makikita man na maghahatid o sumasalubong kasama ang buong pamilya ay malamang na Pilipino o Vietnamese ang mga iyon.

Isa pang napansin ko agad ay ang halimuyak ng hangin. Hindi amoy pusali o usok ng sasakyan ang malalanghap dito. Ang San Francisco ay tila likas na mabango. May palagay ako na ito ang dahilan kung bakit yung mga nagbabalik-bayan matapos ang ilang taon dito ay nagkakaroon ng respiratory disease diyan sa atin.

Patungong Houston

Kagyat kaming tumuloy ni Bayang sa Houston, Texas, ang aming huling destinasyon. Ito ang ikaapat na pinakamalaking lungsod sa Amerika. Nangingiti ako tuwing maaalala yung mga Pilipinong kausap ko sa San Francisco na nag-aakalang marami pa ring de-kabayong cowboy dito sa Houston.

Oo, mayroon, pero sila ay nasa mga rural areas na ang katumbas sa atin ay ang mga barrio. Sila ay mga shotgun-wielding farmers at hindi lamang kabayo ang sinasakyan nila – naka-Ford, RAM o Chevy trucks din sila.

Ang Houston ay malaking lungsod. Kumpara sa Metro Manila na may sukat lamang na 638.6 sq km, ang Houston ay umaabot ng 1,625 sq km ang laki. Dalawa-at-kalahating Metro Manila ang maitatayo sa loob ng Houston. Ang mga mahihirap na lugar dito ay tinatawag na “ward.” Ito yung parang mga project housing noon sa Quezon City tulad ng Project 2 and 3, 4, 6, 7, 8, Pag-asa, Murphy at Roxas District.

Kahit hindi tulad ng New York City na tadtad ng mga matatayog na gusali, ang Houston ay may malalapad namang mga highway o freeway bukod pa sa puno ang mga ito ng humahagibis na mga sasakyan.

Ang mga freeway dito, lalo na yung bahagi ng Interstate 110 mula Beltway 8 hanggang downtown Houston, ay kinilala bilang pinakamaganda, malapad at ligtas sa buong US. Nandito rin ang isa sa mga malalaking opisina ng National Aeronautics and Space Administration o NASA.

Pagpapakilala

Ang unang taon ko rito sa Houston, Texas ay ginugol ko sa networking. Nagpakilala ako sa Filipino community at iba pang komunidad na mahalaga sa kultura natin, tulad halimbawa ng simbahan. Naging bahagi rin ako ng dakilang kapatirang Masoneriya, isang pangarap ko kahit na noong nandyan pa sa atin. Hanggang sa kasalukuyan ay ako lamang ang kaisa-isang Pilipino at Asyano sa aking loya, ang Reagan Lodge 1037, na nasa prestihiyosong Houston Heights.

Mahalaga ang networking kapag nasa ibang bansa dahil ito lamang ang magiging sandigan natin na maaring makapagbigay ng mahahalagang puntos at pagkakataon para maayos tayong makapanirahan bilang mga itinanim na dayuhan.

Nang una akong dumating ay madali pa ang maghanap trabaho lalo na kung may tamang papeles at hindi tourist visa lamang ang dala-dala. Kung hindi mapili at may malakas na pangangatawan ay madaling makahanap ng mga menial jobs para makaraos sa mga pang-araw-araw na gastusin.

Kahiyaan na

Pero sa ngayon ay hindi na madali ang maghanap ng papasukan dahil na rin sa pulitikang umiiral dito. Mahirap nang makakita ng trabaho o ng gawaing magbibigay ng disenteng sahod. Kaya karamihan sa mga kababayan natin kung ano-ano na lang ang hanap-buhay na pinapasok.

May mga nakilala akong doktor diyan sa atin pero nurse o nursing assistant dito. Marami ring mga guro o mga manager diyan sa atin na mga PT dito ngayon o taga-punas ng dumi ng tao. Maraming ganoong kahabag-habag na kwento dito. Kahit anong sama ng kanilang loob ay hindi na makauwi kasi kahiyaan na.

Meron ding mga nagtatagumpay pero abot-abot ang pagtanggap nila sa pang-aalipusta at dehumanisasyon ng kanilang katauhan bago nila narating ang sinasabing “tagumpay.”

Nawawalan sila ng panahon sa sarili at pamilya. Ewan ko, pero para sa akin kung ganoon din lang ang aabutin ay hindi na baleng maging bigo ako. Namulat kasi ako sa atin na higit sa lahat ay mahalaga ang dangal ng tao at oras para sa pamilya. Hindi ako kikilos o magtatrabahong parang hayop para lang kumita ng salapi. Hindi kasi pera ang puno’t dulong sukatan ko ng tagumpay. Maaring iba lang ang katwiran ko.

Dapat iwasan

Isang mahalagang kagamitan dito na dapat pag-ipunan, maliban sa sasakyan na madali namang bilhin, ay ang personal computer o kaya ay laptop. Ito kasi ang tulay na mag-uugnay sa atin sa mga naiwan dyan. Sa pamamagitan ng PC ay makokontak natin ang mga taong malapit at may halaga sa atin. Nakababawas-lungkot ang mga ugnayang ito. Tama nga ang kasabihan ng mga matatandang Mehikano dito, mahirap magbiyahe kung naiwan mo ang “sombrero” sa bahay.

Ang isang dapat iwasan ay ang walang patumanggang paggamit ng credit card. Ito ay potensyal na magbabaon sa atin sa utang, dahilan para hindi maging maganda ang karanasan natin dito sa US o iba pang bansa.

Dapat ding iwasan ang bisyo, alak, babae, lalaki, at iba pang mga maaring kahumalingan dahil bukod sa magastos ay maaring makasama ito sa kalusugan. Mahirap magkasakit dito kasi ilulubog tayo sa utang.

Dapat ding matuto tayong sumunod sa mga batas na dati ay hindi natin pansin tulad ng sa trapiko. Mahigpit sila rito at mahal ang citation ticket, maari pa tayong makulong kung ipagwawalang-bahala ito. Hindi halos napapakiusapan at hindi talaga nasusuhulan ang mga pulis dito.

Ilan lamang iyan sa aking maipapayo sa mga nagbabalak pumunta rito sa US o sa iba pang bayan. Tama ang tanong ng mang-aawit na si Florante. “Dapat ka bang mangibang bayan? Dito ba ay wala kang paglagyan?” Ngayon ko lang naisip….huli na…nakataya na ako rito. – Rappler.com


Nagtapos si Nelson Flores ng kurso sa pamamahayag sa Pamantasang Santo Tomas at kurso sa batas mula sa Pamantasang Adamson. Dating mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer at dumating noong 2006 bilang immigrant sa Estados Unidos, kasalukuyang aktibo si Nelson sa binubuong Filipino Ministry ng Simbahang Episcopal sa Houston, Texas. Tinatalakay niya doon nang manaka-naka ang mga usaping panlipunan sa Pilipinas at ilang bahagi pa ng Timog Silangan at Silangang Asya.