PNoy to Corona: ‘Huwag n’yo na kaming paikutan’

Rappler.com
President Aquino hits slow impeachment process and Corona's delaying tactics

(Below  are excerpts from the speech of President Benigno Aquino III at the La Consolacion College on Thursday, February 16)

Dalawampu’t anim na taon na po ang nakakalipas mula nang nagtipon ang mahigit isang milyong Pilipino sa Luneta upang ipagdiwang ang Tagumpay ng Bayan. Idineklara nila ang pagwawagi ng aking ina laban kay Ginoong Marcos sa Snap Elections. Nagpatupad sila ng civil disobedience campaign, at ng boycott laban sa mga kumpanyang sumipsip sa diktaturya.

Ipinaramdam nila na ang kapangyarihan ay nasa kamay ng karaniwang tao. Ito po ang naging unang hakbang ng taumbayan tungo sa rebolusyon sa EDSA.

Narito po tayo ngayon: nagbabalik-tanaw sa nakaraan, hinahamon ng kasalukuyan, at muling tinatawag upang ipaglaban ang kinabukasan. Huhubugin ba natin ang kinabukasang ito, o magpapakaladkad na lang tayo sa tadhana?

Ika-labing anim po ng Enero nang magsimula ang paglilitis kay Ginoong Corona sa Senado. Pinili ko pong magmasid at manahimik muna ukol sa isyung ito, at buo pa rin po ang tiwala ko sa proseso. Ngunit ano po ba ang nangyayari sa ngayon?

Napakarami pong nagpapalit-palit ng kuro-kuro, na tila ba sadya tayong hinihilo o inililigaw para mawalan ng interes. Magpapa-etsa-puwera na lang po ba si Juan de la Cruz sa prosesong ito? Hahayaan na lang po ba natin na iilan ang magdesisyon para sa ating lahat?

Iyan naman po ang sadya ko sa araw na ito: Liwanagin ang dapat liwanagin, at ituwid ang isyung pilit dinidiskaril ng ilan, upang ang karaniwang tao ay malinawan at makilahok sa usapan. Simple lang naman po ang tanong na nais sagutin ng paglilitis na ito: Dapat pa ba tayong magtiwala kay Ginoong Corona? Masasagot po natin iyan kung titingnan ang mga katotohanang lumalabas sa paglilitis.

Pag-usapan po natin ang SALN. Hindi scratch paper ang SALN: ito po ay sinusumpaan ng bawat pampublikong opisyal.

Nakasaad po sa Saligang Batas, Article 11, Section 17: Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limitasyon ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaang deklarasyon ng kanyang mga ari-arian, pananagutan at aktwal na kabuuang ari-arian. 

Sa kalagayan ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataas-taasang Hukuman, ng mga Komisyong Konstitusyonal at ng iba pang katungkulang Konstitusyonal, at mga pinuno ng Sandatahang Lakas na may ranggong heneral o pamandila, ang deklarasyon ay dapat isiwalat sa madla sa paraang itinatadhana ng batas.

Paano po ba tinupad ni Ginoong Corona ang batas na ito? Ayon sa mismong testimonya ng kanyang Clerk of Court na si Ms. Vidal: galing sa isang Binibining Acia, ipapasa ito kay Binibining Vidal, na ibibigay naman sa isang Binibining Albano. Ilalagay po ito sa isang locked filing cabinet, at huling lalanding sa isang nakakandadong vault.

Kailan pa po ba naging bahagi ng publiko ang isang locked filing cabinet? Paano mabubusisi ang laman ng SALN na ito kung nakasilid sa isang vault?

Habang lumalabas ang katotohanan, lumilinaw naman ang dahilan ng pagkukubli ni Ginoong Corona sa kanyang SALN. Isang halimbawa po: noong 2010, nagdeklara siya ng cash na 3.5 million pesos. Ayon sa mga testimonya ng Pangulo ng PS Bank at branch manager ng BPI Ayala, sa tatlong account pa lang na naisiwalat sa impeachment, si Ginoong Corona ay may nakatagong 31.5 million pesos na hindi idineklara.

Naman. Maliwanag pa po sa sikat ng araw: Ginoong Corona, ang sinumpaan mong salaysay ay hindi tugma sa natuklas na pag-aari mo. Maski saang paaralan po sa buong mundo, 3.5 million does not equal 31.5 million.

Alin po ba ang totoo, Ginoong Corona?

Bago po kayo naitalaga sa Supreme Court, may isang kaso noong 1997 na Rabe versus Flores. Tungkol ito sa Court interpreter mula sa Davao RTC na hindi idineklara ang pagmamay-ari niyang puwesto sa palengke, kung saan nakakatanggap siya ng renta. Dahil sa paglabag niya sa RA 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, nirekomenda ng Office of the Court Administrator na sisantehin si Delsa Flores. Nawala sa kanya ang kabuhayang pinagkukunan ng suweldo at benepisyo.

Sa isang court interpreter, iyan po ang batayan. Magkano po kaya ang upa sa isang puwesto sa palengke? Sa Punong Mahistrado po ba, dapat naiiba? Kung si Ginang Flores po ay sinisante, ano po kaya ang dapat hatol kay Ginoong Corona? Kailangan pa po bang tanungin kung impeachable offense ang ginawa niya?

Kung wala kang ginawang mali, wala kang dapat itago.

Kayo nga po ang tanungin ko: Ganito ba umasta ang isang taong dapat walang katakutan? Pahirapan ang paghagilap sa kanyang SALN, at hanggang ngayon, pilit niyang inililihim ang kanyang mga dollar accounts. Sabi niya, in due time ilalabas niya ang mga dokumento.

Mawalang-galang na po, Ginoong Corona, marami pang naunang taon na nagpasa kayo ng SALN na puno ng katanungan. Kailan po ba ang due time? Mukha po yatang overdue ka na.

Nagpapasalamat na nga lang po ako at tayong lahat kina Ginoong Corona at Justice Cuevas, dahil sila ang naging susi sa lalong paglabas ng katotohanan. Dahil sa mga discrepancy sa SALN ni Ginoong Corona, napagtuonang-pansin ang kanyang di-maipaliwanag na yaman. At noong nanghingi po ng year-end balance ang Senado, si Justice Cuevas pa ang umapela na gawing monthly ito.

Sana nga po hindi lamang aksidente ito at tuloy-tuloy na nilang makita ang liwanag. Ngunit sa tinatakbo ng mga pahayag ni Ginoong Corona, mukhang malayu-layo pa bago siya matauhan.

Kayo nga po ang sumagot: sa tingin po ba ninyo, ang Chief Justice ay exempted sa mga batas na kailangan nating lahat sundin? Kapag ba nasa poder na ay bawal nang tanungin, bawal nang usisain, at bawal nang batikusin?

Ginoong Corona, sana naman po ay huwag n’yo na kaming paikutan. Alam naman namin kung bakit ka isiniksik ni Ginang Arroyo sa Korte Suprema: para pagtakpan ang katiwalian niya. Di ba nagsimula lang naman ang lahat ng ito, nang muntik ka nang magtagumpay na patakasin si Ginang Arroyo?

Tandaan po natin: Punong Mahistrado mismo ang nagpilit na puwedeng umalis ng bansa si Ginang Arroyo. Ang isinampang kaso ng electoral sabotage, 2007 diumano naganap. Ayon sa batas, mapapaso ito kung hindi makapagsampa ng kaso sa loob ng limang taon. Ibig pong sabihin, sa pagpataw ng TRO sa watch list order natin, binigyan ng pagkakataong magtago si Ginang Arroyo; sakaling natuloy siya sa pagtakas at bumalik ng Mayo ng 2012, hindi na po natin siya mapapanagot sa diumano’y mga sala niya.

Lilinawin ko lang po: Walang personalan dito; sistemang pangkatarungan ang ipinaglalaban dito. At dahil malaki ang pagbabagong ating hinahangad, malaki rin po ang kinakabangga natin. Tingnan na nga lang po natin ang Defense at Prosecution: parehas ba ang laban? Marami pong batikos ang inabot ng ating prosecution panel. Alam naman po natin ang napakalakas na impluwensya ng hukom sa ating sistemang pangkatarungan. Nasa kanila ang pasya sa bawat kaso.

Kung nasa Defense ka, di ba’t ngiti ang isasalubong sa iyo ng mga tiwaling hukom, dahil ipinagtanggol mo ang isa sa kanilang uri? Manalo, matalo, panalo ka pa rin.

Kung nasa Prosecution ka naman, simangot ang pambungad sa iyo dahil sa pangangahas mong kalabanin ang Punong Mahistrado. Ipagpasa-Diyos mo na lahat ng kasong hahawakan mo. Di kaya babalot iyan sa isip mo habang naglalatag ng argumento, na itinataya mo ngayon ang pinagmumulan ng kakainin ng iyong mga anak?

Ang katarungan ay sinasagisag ng isang babaeng nakapiring at may hawak na timbangan. Bulag ang hustisya upang hindi masilaw ng kapangyarihan; patas ang timbangan dahil pantay ang hustisya para sa lahat. Kung ikaw si Delsa Flores, ano kaya ang mararamdaman mo ngayong may isang taong may mas malaking halagang itinago sa kaniyang SALN?

Simple lang naman po ang kailangan nating pagpasyahan ngayon. Papayag ba tayo na magpatuloy ang sistema kung saan may nanlalamang at nilalamangan? Hahayaan ba nating magkatotoo ang sinasabing dalawang mukha ng katarungan sa Pilipinas– isa para sa makapangyarihan, at iba para sa mga nasa laylayan?

Kuntento ka bang hindi patas ang laban? Hindi ba sulit na ituwid ang ganitong klaseng kalakaran? Di po ba’t malinaw po ang mga alituntuning kailangang sundin ng lahat?

Ang tungkulin natin ngayon ay ibalik ang piring ng katarungan, at gawing balanse ang timbangan. Huwag na po sana nating hintayin na tayo mismo ang maagrabyado. Manindigan na po sana tayo ngayon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.