Overseas absentee voting

#PHVote Guides: Paano mababantayan ang mga boto sa overseas election?

Michelle Abad
#PHVote Guides: Paano mababantayan ang mga boto sa overseas election?
Ang mga taga-embahada at konsulado ng Filipinas ang nangangasiwa ng botohan sa ibang bansa. Paano mapoprotektahan ng political camps at poll watchdogs ang 1.6 milyong Filipinong botante sa abroad?

MANILA, Philippines – May higit sa 1.6 milyong Filipino sa ibang bansa ang rehistradong botante ngayong eleksiyon ng 2022. Bagaman nagbibigay ng kasiguraduhan ang mga embahada at konsulado na poprotektahan ang kanilang mga boto, may iba pa bang maaaring magbantay sa boto?

Sa Filipinas, mayroong mga poll watcher na representante ng mga kandidato, partido, at accredited na mga nongovernment organization.

Sa eleksiyon sa ibang bansa, pinapayagan din ito.

Maaari bang magpadala ng poll watcher o tagabantay sa botohan sa abroad?

Oo, nakasaad ito sa Republic Act 10590 o ang Overseas Voting Act.

Ang nakasulat sa Section 35: “In the interest of transparency, all necessary and practicable measures shall be adopted to allow representation of the candidates, accredited major political parties, accredited citizens’ arms and nongovernment organizations to assist, and intervene in appropriate cases, in all stages of the electoral exercise and to prevent any and all forms of fraud and coercion.”

(Sa ngalan ng transparensiya, lahat ng kinakailangan at magagawang patakaran ay isusulong upang pahintulutan ang representasyon ng mga kandidato, kinikilalang malalaking partido, mga kinikilalang grupo ng mamamayan, at mga nongovernment organization para tumulong at mamagitan sa mga nararapat na sitwasyon, sa lahat ng yugto ng eleksiyon upang mapigilan ang anumang uri ng pandaraya at pamimilit.)

Bagamat pinapayagan ang pagkakaroon ng poll watcher, hindi ibig sabihin ay naisasagawa ito nang malawakan. Minsan, hindi rin praktikal na magpapadala ng tao sa isang embahada upang magbantay doon nang isang buwan.

Kung hindi praktikal na magbantay nang isang buwan, kailan dapat?

Mas maraming tagabantay ang dumadating sa embahada at konsulado sa tatlong pagkakataon:

  • Pagbubukas at pagte-test ng selyadong vote-counting machines (VCMs) na ipinadala ng Commission on Elections (Comelec)
  • Pagpapakain ng mga balota sa mga VCM
  • Pagsasara ng eleksiyon at huling pagbilang ng boto sa Mayo 9

Nakadepende ang mga gawaing ito sa iskedyul ng embahada o konsulado, na inaanunsyo rin dapat. Sa embahada sa United States, halimbawa, ginagawa ito tuwing Lunes at Huwebes.

Bakit may mga kumakalat na resulta raw ng exit poll? Binibilang ba dapat ng mga post ang mga boto bago pa matapos ang eleksiyon?

Nagbabala ang Comelec laban sa mga umano’y exit poll na kumakalat sa social media at nagsasabing nauuna na ang isang kandidato sa botohan sa Hong Kong. Ayon sa Comelec, hindi dapat itong paniwalaan kung hindi ito nanggaling sa reliable source.

Ayon kay Emil Marañon, na isang election lawyer, labag sa Republic Act 9006 o ang Fair Election Act ang paglalabas ng resulta ng exit polls bago magsarado ang botohan sa Mayo 9, dahil nagpapasimula ng “trending” ang ganitong gawain, at maaaring makaimpluwensiya sa mga hindi pa bumoboto.

Ipinaalala rin ni Marañon sa Ask Your Election Lawyer series ng Rappler na magkakaroon lamang ng kumpletong resulta o election returns kapag natapos na ang botohan sa huling araw.

Pag personal voting, tapos automated election system (AES), pag bumoto ka [in person], ipapakain mo agad sa makina [ang balota], pero hindi nila ige-generate yung election return for that day. Aantayin pa rin nila [na matapos ang botohan sa huling araw]. Kasi delikado naman kung alam mo na kung sinong nagli-lead, di ba, kasi puwede ka pang maghabol sa ibang lugar?” ani Marañon.

Ang iba namang lugar na AES ang sistema ng pagbilang (ginagamit ang mga VCM sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga botante) ngunit postal ang pagboto, iipunin muna dapat ng post ang mga balota, at saka ipakakain ang mga ito sa makina sa presensiya ng mga tagabantay. – Rappler.com

Michelle Abad

Michelle Abad is a researcher-writer at Rappler. Possessing the heart and soul of a feminist, she is working on specializing in women's issues in Newsbreak, Rappler's investigative arm.