Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Sinabi ni Belmonte na walang pamaskong handog ang mga hindi sumusuporta sa kanya

Rappler.com
HINDI TOTOO: Sinabi ni Belmonte na walang pamaskong handog ang mga hindi sumusuporta sa kanya
Peke ang quote card na kumakalat sa social media. Mariing pinabulaanan ng kampo ni Joy Belmonte ang larawang nagsasabing hindi niya papamaskuhan ang mga hindi sumusuporta sa kanya.

Buod

  • Ang sabi-sabi: Hindi raw magbibigay ng pamaskong handog si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga residenteng hindi sumusuporta sa kanya.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang binanggit na ganito si Belmonte sa kanyang mga opisyal na talumpati o post sa social media. 
  • Bakit kailangang i-fact check: Mula noong naibahagi ang larawang ito sa Facebook page na “Kurapsyon QC,” nakatanggap na ito ng 2,500 na reaksiyon at 4,000 na shares. Sa comments section ng naturang post, marami ang nagsasabing hindi sila umano nakatanggap ng regalo mula sa lokal na pamahalaan.

Mga detalye

Noong Disyembre 22, 2021, nag-upload ang Facebook page na “Kurapsyon QC” ng isang pekeng quote card na mayroong larawan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte. Ayon sa larawan, sinabi umano ni Belmonte na hindi makakatanggap ng pamaskong handog ang mga taong hindi sumusuporta sa kanya.

Nang isulat ang fact-check na ito, nakatanggap na ang naturang post ng mahigit 2,500 na reaksiyon at 4,000 na shares sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ayon sa pagsasaliksik ng Rappler, hindi kailanman nagpahayag ng ganito si Belmonte sa kanyang mga opisyal na pahayag o talumpati. Hindi rin kailanman nagbahagi ng ganitong klaseng quote card ang opisyal na Facebook page ng alkalde.

Napag-alaman ng Rappler na ang Facebook page na “Kurapsyon QC” ay madalas magbahagi ng mga negatibong larawan na ang paksa ay si Belmonte.

Hiningi ng Rappler ang panig ng alkalde, at ayon sa tagapagsalita nito, wala daw katotohanan ang mga nabanggit sa pekeng quote card.

Noong Disyembre 23, nakatanggap ang mahigit 200 na mangangalakal ng Barangay Payatas ng mga pamaskong handog mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City. Kasalukuyan pang binibilang ang kabuuang bilang ng mga pamilyang nabigyan ng pamaskong handog na ito. Aming i-uupdate ang fact-check na ito kapag natanggap na namin mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang buong bilang.

Nagpahayag ng interes si Belmonte na tumakbo muli bilang alkalde ng Quezon City noong siya ay naghain ng certificate of candidacy noong Oktubre 5, 2021. Katunggali niya sa halalan ang party-list congressman na si Michael Defensor. – Kiko Mendoza/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.