Marcos Fact Checks

Ang deklarasyon ng Martial Law ay walang kaugnayan sa umano’y ginto sa Pilipinas

Rappler.com
Ang deklarasyon ng Martial Law ay walang kaugnayan sa umano’y ginto sa Pilipinas
Idineklara ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar upang manatili siya sa kapangyarihan

Ang sabi-sabi: Idineklara ni dating pangulo Ferdinand E. Marcos ang Martial Law upang protektahan ang mga gintong nakabaon umano sa Pilipinas. 

Sinabi sa isang video: “Alam ni dating pangulong Marcos na kinakailangan niyang ipahayag ang Martial Law upang protektahan ang napakalaking yaman na ito na nakabaon sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Isa rin ito sa dahilan kung bakit niya idineklara ang Martial Law sa ating bansa.”

Kaugnay ito ng batas na idineklara umano ng International Court of Justice (ICJ) noong 1946 na nagbibigay ng 30 taong palugit upang hanapin ng mga may-ari ang kanilang gintong kabilang sa ninakaw na 900,000 toneladang ginto noong World War II. Nakabaon daw ang mga ito sa Pilipinas kung kaya’t apat na taon bago ang 1976, na umano’y hangganan ng palugit, ay idineklara ni Marcos ang Batas Militar. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 242,000 na views, 2,600 na shares, 612 na komento, at 15,000 na reaksiyon. 

Ang katotohanan: Ang deklarasyon ng Martial Law noong 1972 ay walang kaugnayan sa sinasabing 900,000 toneladang nakaw na ginto noong World War II na nakabaon daw sa Pilipinas.

Una, hindi totoong may 900,000 toneladang gintong ninakaw noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil ayon sa datos ng World Gold Council noong Enero 2022, nasa 205,238 toneladang ginto pa lamang ang namimina sa tanang kasaysayan. 

Dahil dito, imposible rin ang pagdedeklara ng ICJ ng batas na nagbibigay ng palugit sa retribusyon ng umano’y nakaw na ginto. Hindi rin trabaho ng nasabing korte na maglabas ng batas dahil ang gampanin nito ay ayusin ang hidwaan sa pagitan ng mga bansa. 

Idineklara upang manatili sa kapangyarihan: Ayon sa ilang mga manunulat at sanggunian, ang deklarasyon ng Batas Militar noong 1972 ay kaugnay ng ambisyon ni Marcos na manatili sa kapangyarihan matapos niyang manalo sa kanyang ikalawang termino bilang pangulo.

Ayon sa mga pag-aaral, 34 buwan ang naging preparasyon mula nang maupo sa ikalawang pagkakataon si Marcos noong Nobyembre 1969. Pinangalanang Oplan Sagittarius ang plano ng deklarasyon nito.

Sa mga buwang iyon isinagawa ng kanyang mga opisyal ang mga pag-aaral para sa pagdedeklara ng Batas Militar at plano upang magkaroon ng dahilan sa pagdedeklara nito – pagpapasimula ng mga kaguluhang isinisi sa mga makakaliwang grupong tinukoy na mga komunista. 

Ang deklarasyon: Sa bisa ng Proclamation No. 1081 na pinirmahan noong ika-21 ng Setyembre 1972, inilagay ni Marcos ang Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar. Inatasan ni Marcos ang militar na panatilihin ang batas at kaayusan sa buong Pilipinas, at pigilan o itigil ang lahat ng anyo ng karahasan, maging ang mga insureksiyon o rebelyon.

Nakalagay rin sa nasabing proklamasyon na idinedeklara niya ang Batas Militar upang ipatupad ang pagsunod sa mga batas at utos na ibababa niya. 

Tinukoy na dahilan: Sa 22 puntong kanyang inilahad sa proklamasyon, kanyang itinukoy bilang dahilan ng pagproklama ng Batas Militar ang rebelyon at insureksiyon ng makakaliwang grupong nagnanais umanong buwagin ang gobyerno sa pamamagitan ng armadong karahasan at puwersa.

Ang nasabing proklamasyon, ayon kay Juan Ponce Enrile, ay bunga ng anim na buwang pag-aaral patungkol sa pagdedeklara ng Batas Militar na kanyang isinumite kay Marcos noong Enero 1970, dalawang taon bago pa ang mismong proklamasyon. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.