Disaster Fact Checks

FACT CHECK: Di totoong may 2 bagyong tatama sa Pilipinas ngayong Setyembre 11

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Di totoong may 2 bagyong tatama sa Pilipinas ngayong Setyembre 11
Ayon sa PAGASA, maliit ang tsansang maging bagyo ang dalawang low pressure area na namataan sa loob at labas ng bansa

Ang sabi-sabi: Ayon sa September 11 weather update, may dalawang bagyong sabay na tatama sa Pilipinas. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang YouTube video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 37,366 views sa kasalukuyan. Ini-upload ito ng isang YouTube channel na may 545,000 subscribers. 

Ayon sa titulo at thumbnail ng video, dalawang bagyo ang nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at sabay na tatama sa Pilipinas.   

Ang katotohanan: Base sa pinakahuling update ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), walang bagyo ang kasalukuyang binabantayan at inaasahang tatama sa bansa. 

Bagkus, dalawang low pressure area (LPA) ang namataan sa loob at labas ng PAR. Ang LPA na nasa loob ng PAR ay namataan 875 kilometers east northeast ng extreme northern Luzon, habang nasa 1,960 kilometers east northeast ng eastern Visayas naman ang LPA na nasa labas ng PAR.

Di inaasahang magiging bagyo: Ayon sa ulat ni PAGASA weather specialist Benison Estareja, maliit ang tsansang maging bagyo ang dalawang LPA. 

Bagama’t hindi inaasahang magiging bagyo, magdadala ng maulap na kalangitan na may malaking tiansa ng pag-ulan ang dalawang LPA. Inaasahang maaapektuhan ng LPA na nasa loob ng bansa ang Batanes at Babuyan Islands. Samantala, pinapalakas naman ng LPA na nasa labas ng bansa ang hanging habagat na siyang nakaaapekto sa Mindanao, partikular na sa Zamboanga Peninsula.

Ang pinakahuling tropical cyclone ng Pilipinas ay ang Tropical Depression Ineng, na lumabas sa PAR noong Setyembre 6. Ang susunod na tropical cyclone ay nakatakdang pangalanang Jenny.

Lumang video: Ginamit sa maling ulat ang weather forecast ng PAGASA na inilathala noong Setyembre 10. Ngunit kapareho sa pinakahuling ulat, sinabi ng PAGASA na hindi inaasahang magiging bagyo ang dalawang LPA na binabantayan. 

Opisyal na balita: Para sa mga opisyal na update sa panahon, bisitahin ang mga social media platform ng PAGASA sa X (dating Twitter), Facebook, YouTube, at website nito. Maaari ring i-bookmark ang Philippine weather page ng Rappler. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!