Fact checks about countries

Hindi nakasaad sa Treaty of Paris na benepisyaryo ang Pilipinas ng lahat ng kayamanan sa mundo

Rappler.com
Hindi nakasaad sa Treaty of Paris na benepisyaryo ang Pilipinas ng lahat ng kayamanan sa mundo
Ang pagbili ng Amerika sa Pilipinas sa halagang $20 milyon ang nakasaad sa Treaty of Paris, na pinirmahan noong 1898

Ang sabi-sabi: Nakasaad sa Treaty of Paris na pirmado umano ng 36 na bansa ang 100,000 metrikong toneladang gintong pag-aari ng sambayanang Pilipino at ang pagiging benepisyaryo ng Pilipinas sa lahat ng kayamanan sa mundo. 

May larawan din sa post ng umano’y Treaty of Paris na pinirmahan noong Marso, 19, 1972. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang post na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 484 na share, 333 na komento, at 511 na reaksiyon. 

Ang katotohanan: Sangkot lamang ang Pilipinas sa Treaty of Paris na pinirmahan noong 1898. Bukod sa walang rekord ng kasunduang pinirmahan noong 1972, mapatutunayang peke ang dokumento sa post dahil sa ilang pangalang nakasaad na pumirma rito. 

Taong 1981 hanggang 1985, hindi 1972, nagsilbi bilang embahador ng Amerika sa United Nations si Jeane J. Kirkpatrick, habang taong 1982 hanggang 1986 naman naging vice chair ng Board of Governors ng Federal Reserve System si Preston Martin.

Nilalaman ng Treaty of Paris noong 1898: Ang Treaty of Paris noong 1898 ay kasunduan sa pagitan ng Amerika at Espanya kung saan ibinenta ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika sa halagang $20 milyon. 

Bukod sa pagbebenta ng PIlipinas, nakasaad din sa nasabing kasunduan na ibinibigay ng Spain sa Amerika ang Cuba, Puerto Rico, mga isla sa West Indies, at Guam. 

Hindi nakasaad sa nasabing kasunduan na pinirmahan noong 1898 na mayroong 100,000 metrikong toneladang ginto ang sambayanang Pilipino, maging ang pagiging benepisyaryo ng Pilipinas sa lahat ng yaman sa mundo. – Ailla dela Cruz/Rappler.com


Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.