Lahat ba ng bus kailangang dumaan sa PITX?

Aika Rey
Pinag-utos ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagbabago sa ilang ruta ng mga bus

TERMINAL. Nag-test run ang DNS Transport sa Paranaque Integrated Terminal Exchange noong July 23. Retrato mula sa DNS Transport

MAYNILA, Pilipinas – Usap-usapan ang di umano’y “pag-uutos” ng Department of Transportation (DOTr) na pagdaan ng mga bus sa bagong Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Maraming mga mananakay ang umalma dito, pagka’t ito raw ay dagdag na oras sa kanilang byahe at hindi nila nakasanayan. 

Nilalayon ng gobyernong mabawasan ang trapiko sa EDSA sa pagbubukas ng makabagong terminal. Pinag-utos ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbabago sa ilang ruta ng mga bus.

Noong Nobyembre 10 unang binuksan ang PITX sa publiko. (TINGNAN: The Parañaque Integrated Terminal Exchange)

Bakit kailangang dumaan sa PITX?

TERMINAL. Ito ang iba't ibang paraan kung paano pumunta ng PITX.  Retrato mula sa PITX

Ayon sa bagong Department Order 2018-25, karamihan ng mga ruta mula sa probinsya ay kinakailangan nang magtapos sa PITX.

Ang PITX ay matatagpuan sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Parañaque, malapit sa Coastal Mall.

Iginiit ng DOTr sa isang abiso na ito ay kasama sa direktiba ng gobyerno upang mabawasan ang trapiko sa Metro Manila. (LISTAHAN: Available routes at Paranaque Integrated Terminal Exchange)

“Hangad ng kasalukuyang administrasyon na hindi na makipagsiksikan pa sa mga kalsada ng Metro Manila ang mga bus na biyaheng pa-probinsya upang mabawasan ang bigat ng trapiko,” sabi ng DOTr nitong Lunes, Nobyembre 12.

Ayon sa pag-aaral ng DOTr, umaabot sa 70,000 na pasahero kada araw ang binibyahe ng mga bus mula Bulacan, Cavite, at Laguna. Tuwing peak hours naman, ito’y papalo ng 5,000 kada oras.

Kung galing akong probinsya, kailangan ko bang lumipat ng bus?

Ang mga tinatawag na “provincial route” ay inaatasan na ngayong magtapos sa PITX. Ibig sabihin nito, kailangang lumipat ng panibagong bus papuntang Metro Manila. (BASAHIN: Here’s your Parañaque Integrated Terminal Exchange guide)

Sa bagong DOTr DO at LTFRB Memorandum Circular 2018-20, ang mga sumusunod na ruta mula sa Cavite at Batangas ay magtatapos na sa PITX:

  1. Naic
  2. Ternate
  3. Maragondon
  4. Tanza
  5. Amadeo
  6. Mendez
  7. Tagaytay
  8. Alfonso
  9. Magallanes
  10. Trece
  11. Indang
  12. GMA
  13. Balayan
  14. Calatagan
  15. Nasugbu

Paano naman ang mga parte ng Greater Metro Manila Area?

Nilinaw ng DOTr na may mga rutang “hindi praktikal” na magtapos sa PITX, ayon sa “commuter pattern” na parte ng pag-aaral na ginawa ng kagawaraan noong 2015.

Dahil dito, inamyendahan ng DOTr ang DO, upang isali na sa “city operations” ang mga sumusunod ruta ng bus mula sa probinsya, ngunit parte ng Greater Metro Manila Area:

  • Bulacan: Bocaue, Meycauayan, Marilao, Obando, at San Jose Del Monte City
  • Cavite: Imus, Bacoor, Dasmariñas, General Trias, Silang, Kawit, Noveleta, at Cavite City
  • Laguna: San Pedro, Biñan, at Sta. Rosa City

Ibig sabihin nito, tuloy-tuloy na ang byahe papuntang Maynila ng mga rutang ito, at hindi na kailangan pang magtapos sa PITX. Kaya lamang, inaasahan pa ring titigil ito sa PITX upang kumuha ng mga pasahero. – Rappler.com

Aika Rey

Aika Rey is a business reporter for Rappler. She covered the Senate of the Philippines before fully diving into numbers and companies. Got tips? Find her on Twitter at @reyaika or shoot her an email at aika.rey@rappler.com.