
MANILA, Pilipinas – Marami sa atin ang nakakarinig lang tungkol sa ahensiyang ito tuwing Agosto, dahil pinamumunuan nito ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa buong bansa.
Pero abala buong taon ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa tungkulin nitong paunlarin ng wikang Filipino. Nitong 2014, halimbawa, may mga palihan (workshop) ito sa mga probinsiya para sanayin ang mga kawani ng gobyerno na magsulat sa Filipino ng mga opisyal na komunikasyon.
Itinatag ang KWF noong Agosto 14, 1991, sa bisa ng Batas Republika Bilang 7104. Nasa ilalim ito ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Tungkulin ng KWF na gumawa ng mga plano, patakaran, at pananaliksik para maitaguyod, mapaunlad, at mapangalagaan ang wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas.
Para sa ika-23 anibersaryo ng ahensya ngayong taon, narito ang ilan pang mahahalagang impormasyon tungkol sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Nagsimula ang KWF bilang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) o National Language Institute (na naging Institute of National Language)
Itinatag noong 1936 sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 184, ang Surian ng Wikang Pambansa ay naatasang magsagawa ng pag-aaral ng mga diyalekto sa bansa para “magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.”
Noong 1937, napili ng SWP ang Tagalog bilang batayan ng Pambansang Wikang Filipino. Matapos nito, naglathala ang SWP ng Balarila ng Wikang Pambansa at mga diskyunaryo’t tesoro.
Ang SWP ay naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP o Institute of Philippine Languages) noong 1987 nang pirmahan ni Pangulong Corazon Aquino ang Atas Tagapagpaganap (Executive Order) Bilang 117. Matapos ang 4 na taon, pinalitan ng KWF ang LWP.
Ang Komisyon ay binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang wika at ethnolinguistic regions sa Pilipinas
Hindi bababa sa 4 na komisyoner ay dapat dalubhasa rin sa iba’t ibang disiplina o field of learning.
Ang tagapangulo at 2 full-time commissioners ay manunungkulan ng 7 taon. Apat sa part-time commissioners ay manunungkulan ng 5 taon, habang ang natitirang 4 na part-time commissioners ay may 3-taong termino.
Kabilang sa mga ginagawa ng KWF ay ang pagsasalin sa Filipino ng mga dokumento o teksto, at pananaliksik ukol sa wikang Filipino
Nagsasagawa rin ang KWF ng mga fora, palihan, at kumperensiya sa buong bansa.
Naglilimbag ang KWF ng mga diksyunaryo, manwal, gabay, at koleksyon ng mga panitikan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: Ortograpiyang Pambansa, Manwal sa Masinop na Pagsulat, Bisayan Grammar and Notes, Gabay ng mga Senior Citizen, Kaalamang-bayan ng Cordillera, at Panitikang Meranaw.

Ang kasalukuyang tagapangulo ng KWF ay si Virgilio Almario
Si Almario ay isang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas sa larangan ng literatura. Iginawad ito sa kanya noong 2003.
Siya rin ay isang batikang makatang Rio Alma, at dating dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas mula 2003 hanggang 2009.
Nanungkulan din siya bilang direktor ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts o NCCA).
Si Almario ang panlimang tagapangulo ng KWF simula noong 1991. Sinundan niya sina Ponciano BP Pineda (1991-99), Nita Buenaobra (1999-2006), Ricardo Maria Duran Nolasco (2006-08), at Jose Laderas Santos (2008-13).
Filipino ang ginagamit na wika sa lahat ng opisyal na komunikasyon ng KWF
Sinusunod ng KWF ang nakasaad sa Atas Tagapagpaganap Bilang 335 na lahat ng mga opisina ng pamahalaan ay magsagawa ng mga hakbang para magamit ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya. – Rappler.com
Mga sanggunian: Komisyon sa Wikang Filipino, ncca.gov.ph, wika.pbworks.com
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.