#UnsentLetters: Puso ko ang isinugal ko

Rappler.com
#UnsentLetters: Puso ko ang isinugal ko
Would you gamble your heart again? This #UnsentLetter writer went through the high-stakes game of falling in love

Unsent  Letters is a newsletter curated by Shakira Sison featuring unspoken sentiments gathered from reader submissions. It features unsent letters to real and imagined lovers. Rappler publishes Unsent Letters every Saturday.

Tama nga ang nanay ko. Hindi mo dapat tinuturuan ang batang magsugal.
Una akong natuto maglaro noong magfi-first year high school pa lang ako, kasabay ng kaalaman ko sa paglalaro ng baraha ay ang pagkakamabutihan ng mga damdamin natin. Ang bawat latag ng baraha ay may kasabay ding bawat tagong ngiti o marahang pagdampi ng ating mga palad. Bawat panalong nakukuha ay may kasabay na akbay at pangakong ang mga tenga ko lang ang nakakarinig. Sa bawat larong nagaganap, sabay tayong tumataya. Tadhana ang kalaban natin at di pera ang taya. Sa bawat laro natin, bahagi ng puso ko ang isinusugal ko, umaasang matutubos mo.

Hindi ko masyadong ramdam yung unang talo natin. Makunat akong tumaya eh. Takot kasi akong malaki ang mawala sa akin. Pagtapos ng pagkatalong yon, bigla kang nawala at matagal tayong hindi nagkita.

Tinigil natin ang paglalaro, ang pagsusugal laban sa tadhana. Ilang taon ang nakalipas at naramdaman ko na ang kirot ng pagkawala ng isang parte na isinugal ko—natin—noon. Hindi naman kita masisisi sa nangyari, parehas tayong natakot sa kabiguan.

Matagal na akong hindi nagsusugal, hanggang sa nagpakita ka ulit. Noong una, gusto kong sabihin sayo na tubusin mo na ang nawawala sakin. Kaso, ibang laro na gusto mo. Mas delikado. Pag-ibig.

Paglaon, nakita ko na naman ang sarili kong sumusugal laban sa tadhana para lang mahalin mo ako. Bawat taya, umaasang mananalo. Bawat laro, lumalaki ang taya. Ikaw ang jackpot. Isang panalo lang, okay na. Kung dati, sabay tayong naglalaro, ngayon ako na lang. Isinugal ko buong puso ko para sayo. Sabi mo kasi, okay lang matalo kasi kaya mo namang tubusin. Mas may alam ka na. Mas kaya mo nang manalo.

Sinungaling. Hindi mo sinubukan. Hindi mo tinubos. Iniwan mo na naman ako para tubusin ang malaking taya ko.

Nagsimula ako ulit. Tangina. Ang hirap makipaglaro lalo na’t wala ka nang maibigay na taya. Sa pagtubos ko ng puso ko, ibang parte ko ang nawala. Natubos ko na din lahat, pero may mga parteng kumupas na. May mga parteng hindi na maganda, hindi na pwede maayos. May mga parteng natatanga pa dahil umaasa pa rin na sana magpang-abot tayo muli.

At ngayon naman ay nagbalik ka, umaasang sana, pwede pa tayong maglaro ulit. Gusto ko sabihin sayong gago ka at ulol lang ang magpapauto sayo, pero di ako magsisinungaling. Mahal pa rin kita. Naiinis ako sa sarili ko kasi gusto ko pang sumugal ulit para satin. Para lang akong batang first time pa lang nakatikim ng experience ng pagsusugal at gusto kong umulit nang umulit hanggang sa manalo na ako. Oo, gusto kong umulit ng isa pang laro. Pero tangina, ano na naman ba ang isusugal ko para sayo? Buong kaluluwa ko? Aasa na naman ba akong maglalaro ka para tubusin ang mga taya ko? Dahil sayo gusto ko na namang kalabanin ang tadhana at sabihin sa kanyang mananalo na ako, kasi kasama na kita.

Pero hindi eh. Ano pa bang masusugal ko para lang sa larong ‘to? Siguro sapat nang maging talunan lagi. Talikuran mo na sana ako. Iwanan mo na lang ako ulit at wag ka na bumalik. Pakawalan mo na ang larong ‘to. Pakawalan mo na ako. Wag mong sabihing kaya nating talunin ang tadhana basta ba pagkatiwalaan lang kita at simulan ko nang tumaya. Wag mo na akong piliting maglaro ulit. Tama na. – Rappler.com

Do you have your own Unsent Letter? Send them to unsentletters@rappler.com. Selected letters will be anonymized and edited for clarity and brevity. By submitting to Unsent Letters, you represent that the work is your own and that you waive your rights to it for present and future publication.

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.