[EDITORIAL] #AnimatED: Baka kayo na ang susunod

Rappler.com
[EDITORIAL] #AnimatED: Baka kayo na ang susunod
Sa bawat kaso, sa bawat panggigipit, higit na nagiging malinaw kung bakit ginagawa ang mga ito

Mula pa noong nag-umpisa ang harassment ng pamahalaang Duterte sa Rappler at kay Maria Ressa, lagi nilang itinatangging panggigipit ito sa karapatan ng malayang pamamahayag.

May mga batas lang daw talagang nilabag si Ressa at ang Rappler. Ganun pa rin ang sinasabi ngayon ni Ginoong Panelo at ng mga propagandista ng gobyerno.

Subalit sa bawat kasong isinasampa, sa bawat harassment, sa bawat insulto sa social media, lalong nagiging malinaw na hindi ito simpleng umano’y paglabag ng mga batas.

Nakapagtataka hindi ba, na habang ginagawa nila ito, may ibang napatunayang nagkasala na hindi man lang naaresto? Bakit sa mga malalaking iskandalo at kaso ng korupsiyon may mga malalaking pangalang nakalulusot?

Bakit may mga napatunayang tumanggap ng daang-milyon mula pork barrel sa kanilang bank account na napawalang-sala at tumatakbo pa ngayon? At inendorso pa.

Samantala, habang nangyayari ‘yan, sobra-sobra na sa normal na man hours ang ginugugol ng gobyernong ito sa pagtugis sa Rappler at kay Ressa.

Sa bawat kaso, sa bawat panggigipit, lalong nagiging malinaw kung bakit ginagawa ito.

Nagiging malinaw na hindi lamang ito tungkol sa Rappler o kay Ressa, na siyang gustong gawing ehemplo para sa lahat.

Ang mensaheng ipinararating ng gobyernong ito sa mga mamamahayag sa ating bansa ay ito: manahimik kayo. Baka kayo na ang susunod.

Dapat ba itong payagan?

Kagaya ng sinabi ni Ressa noong nagsimula ito: “We at Rappler decided that when we look back at this moment a decade from now, we will have done everything we could: we did not duck, we did not hide.
 We are Rappler, and we will hold the line.”

Hindi kami natatakot. Nakagagalit ang lantarang paggamit ng estado ng kanyang kapangyarihan upang masunod lamang ang kagustuhan ng pamunuan, kahit na ito’y labag sa alituntunin ng batas at hustisya.

‘Di ito dapat payagan at hayaang magpatuloy. Nakita na natin ang kinahinatnan ng bayan nang minsan nang hinayaan ang pang-aabuso ng kapangyarihan.

Ang karapatan sa malayang pamamahayag ay hindi lang karapatan ng mga mamamahayag.

Ito’y sandalan ng karapatan ng mga ordinaryong mamamayan upang makakuha ng mahahalaga at makatotohanang impormasyon tungkol sa mga isyung nakaaapekto sa lahat.

Ito’y sandalan ng lahat ng mga karapatang pantao.

Higit sa lahat, pundasyon ito ng demokrasyang deka-dekada nang umiiral sa bansa. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.