Rodrigo Duterte

[EDITORIAL] Sa sakit man o kalusugan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Sa sakit man o kalusugan
'Till death do us part?' No, thank you.

Nitong Sabado, Agosto 15, umugong sa social media ang balitang sumailalim sa “medevac” o medical evacuation si Pangulong Rodrigo Duterte papunta sa isang ospital sa Singapore.

Enter ang dakilang alalay na si Senador Bong Go. Nag-post siya sa Facebook ng video ng Pangulong nagpapaliwanag na “I’ve been in Davao all along.” Nag-post din siya noong Agosto 17 ng proof-of-life photo kung saan hawak ng maybahay ng Pangulo ang pahayagan ng isang broadsheet na may petsang Agosto 16.

Totoo man o hindi, malaman ang post ni Bong Go. Una, tila pag-amin itong matindi ang alingasaw ng balitang tagilid ang kalusugan ng Presidente at kailangang pabulaanan ito ni Boy Friday.

Pangalawa, hindi siguro batid ni Go na mas nakasasama kaysa nakatutulong ang isang larawan ng proof-of-life.

Bakit? Dahil ikinahon mismo ni Go ang Pangulo sa isang storyline na nagpapakitang mahina at bulnerable ang Commander in Chief. (Sumikat ang proof-of-life photos dahil sa mga pelikulang kidnap-for-ransom kung saan hawak ng kawawang hostage ang peryodiko.)

Bakit kinabog ang mag-amo? Hindi dahil nag-aalala silang lalong lalakas ang lampang oposisyon.

‘Proof’ ng desperasyon?

Kinabog sila dahil nag-aalala sila sa kanilang masusugid na suporter. At hindi ang DDS (Duterte Die Hard Supporters) – na pera lang ang katapat –ang tinutukoy namin. Ginawa ang proof-of-life para mapakalma ang middle class at maykaya – lalo na ang mga negosyanteng sumusuporta pa rin kay Digong.

Pero higit sa lahat, ginawa ang proof-of-life para maapula ang agam-agam ng pulis at militar – na mapagpasyang rekado sa isang rebolusyon, insureksyon, o kudeta.

Balikan natin ang mga halimbawa sa kasaysayan. Andiyan si Venezuela strongman Hugo Chavez na namatay sa kanser noong 2013. Itinago ng kanyang mga alipores ang aktwal na araw ng pagkamatay niya at inilusot ang mga batas na may lagda ng diktador. Andyan din si Zimbabwe President Robert Mugabe na kung ilang beses natsismis na namatay. Nang nag-MIA (missing in action) rin si Kim Jong Un bago ang Mayo Uno 2020, lumikha ito ng political tremors sa loob at labas ng North Korea.

At lalayo pa ba tayo – ‘di ba’t ang pumalyang kalusugan ni Ferdinand Marcos dahil sa lupus ang naging mitsa ng pagbaliktad ng mga heneral niya noong takipsilim ng Martial Law?

Tuwing pumupunta sa doktor ang mga world leaders – may sakit man o wala – gumigiling ang rumor mill at naghahatid ito ng takot, higit na korupsyon, at mga diskarteng pulpol.

Hindi rin nakatulong nang himay-himayin ng mga netizen ang proof-of-life ng Pangulo at ipinakita ang umano’y bakas ng digital manipulation. (Sana’y may magsabi kay Go na wala nang halaga ang proof-of-life photos sa Age of Photoshop.)

‘Perpetual isolation’

Sa makatuwid, kiss of political death ang magpunta sa doktor o ma-ospital – at lalo na pag sinabi ng spokesman mo na nasa “perpetual isolation” si boss. Susunod na susulpot sa isip ng nakikinig ay ang salitang ICU (intensive-care unit).

Wala na bang nakakalapit sa kanya ngayon maliban sa mga henchmen? Sino ba ang doktor ng Pangulo na haharap sa madla at magiging transparent sa lagay ng kanyang kalusugan? Si Health Secretary Francisco Duque ba na wala nang kredibilidad?

Kailan ba magkakaroon ng press conference ang Pangulo na kahit naka-Zoom ay dapat live at may palitan ng tanong at sagot sa pagitan niya at mga reporter? Sa makatuwid, hindi na kailangang mag-live pa si Bong Go na animo’y siya ang presidential cameraman. Kailangan lang ng Pangulong humarap sa taumbayan. Sabi nga ng opinion writer at abugadong si John Molo, To protect Duterte, disclose his state of health.”

Gaano man kamahal o kinatatakutan ang isang lider – lahat nang ‘yan ay maglalaho kung nakaratay o sumakabilang-buhay na siya.

Ito na ‘ata ang pinakamasamang timing para matsismis ang Pangulo na maysakit. Sa gitna ng pandemya kung saan lalo pang umikli ang pasensya ng taumbayan sa kainutilan ng gobyerno, iisa lang ang mensahe: Walang matinong may hawak ng manibela.

Sino ang tagapagmana?

Patok din sa mga balitaktakang pulitikal na ipinoposisyon ng kampong Duterte ang anak niyang si Sara na maging contender sa 2022. Ngayong laganap na ang pagsisisi sa mga bumoto kay Digong, tagilid sila sa 2022. Hindi malayong magmahika ang mga alipores ng Pangulo upang mapanatili ang kampo nila sa poder – sa kahit na papaanong paraan.

At muhkang dito pumapasok ang “revgov” na pamumunuan daw ni Duterte.

Oo mga kababayan, nais ng matatalinong alipores ni Digong na magtaguyod ng isang revolutionary government nang hindi nilalansag ang nakaupong Presidente. Sa pagkadesperado, kinalimutan nilang ginagamit ang revgov kapag nagpapalit ng liderato sa panahon ng pag-aaklas tulad ng February Revolution.

Sabi pa ni IBP national president Domingo Egon Cayosa, “There is no legal, factual, practical, or moral basis for a revolutionary government under the present circumstances.”

“Under the present circumstances,” ito’y garapal na tangkang manatili sa kapangyarihan. Gusto nitong ibasura ang Konstitusyon na naglilimita ng termino ng Presidente. Sa mga ganitong yugto sa buhay pulitika natin kitang-kita ang dunong ng Saligang Batas ng 1987. Ito ang safeguard ng Konstitusyon laban sa pag-usbong ng diktadura.

Batid ng Malacañang na delikadong kombinasyon ang miserableng mamamayan at tsismis ng nanghihinang kalusugan ng pinuno. Pero ang hamon sa kanila ay kausapin ang mamamayan at ang midya sa isang live na press conference. Kung hindi magagawa ito, malaki nga ang problema ng Malacañang.

Idagdag pa ang pulbura ng mga diskarteng revgov. Dahil kapag ipinagkait ang pangako ng pagbabagong hatid ng electoral exercise ng 2022, malamang ay may bibigay. May sasabog. Hindi malayong umulit ang kasaysayan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!