EDSA People Power Revolution

[EDITORIAL] Ito na ba ang huling EDSA?

Rappler.com
[EDITORIAL] Ito na ba ang huling EDSA?

Nico Villarete

Sa nakalipas na 36 na taon, namatay ang apoy. Wala na ang pasasalamat. Nakalimutang minsa’y hindi natin tinatamasa ang ganitong kalayaan.

Guilty po. Ilang dekada rin nating binalewala ang EDSA. Matapos lumipas ang euphoria, matapos magpuyos sa panalong nagpatalsik sa diktador, ipinaubaya sa iba, at nanlamig na tayo sa mga responsibilidad na kakambal ng tagumpay na ito.

Naniwala tayo sa sariling press release. Ang galing ng Pinoy – tiningala tayo sa buong mundo na nagsimula ng mapayapang people power! Hindi nagtagal, bumagsak di ang Berlin Wall sa Germany, umigting ang Romanian Revolution kung saan napatalsik si Nicolae Ceaușescu, at pumalaot ang Velvet Revolution ng Czechoslovakia.

Ngayong ika-36 na anibersaryo ng EDSA uprising, laking panghihinayang ng mga nakibaka noon sa nasayang na oportunidad matapos ang EDSA. Hindi naitaguyod ang katarungan at paggalang sa karapatang pantao sa pamamagitan ng ating mga institusyon. Hindi nagpatuloy ang pagkauhaw sa kalayaang magpahayag at maglathala. Hindi umusbong ang malaya at maprinsipyong diskurso. Hindi naitanim ang masidhing pagmamamahal sa kalayaan at pagtatakwil sa diktadura.

Para sa maraming lumahok sa EDSA, para lamang silang pumunta ng perya – masaya, piyesta, pero nang uwian na, kaunti lang ang gustong magbaklas ng entablado. Iilan lang ang gustong magwalis ng basura. Kakarampot lang ang gustong mag-rebuild ng mga institusyong sinalaula ng diktador. At bilang na bilang ang gustong magparusa sa mga may sala sa ngalan ng social justice, sa halip ay naki-chorus ang marami sa “reconciliation” ni Cory Aquino.

Tila isang laos na artista nating isinantabi ang EDSA. ‘Yan ay sa kabila ng ilang taon pagpaparada at pagko-costume sa Luneta gamit ang budget ng Malacañang.

Pero wala na ang apoy. Wala na ang pasasalamat. Nalimutang minsa’y hindi natin tinatamasa ang ganitong kalayaan.

At higit sa lahat, hindi natin ipinasa sa salin-lahi ang mga leksiyon ng EDSA. Papaano natin maipamamana ang tunay na diwa ng EDSA, gayong tayong mga nakibaka noon ay hindi tunay na lumahok sa rebuilding? (BASAHIN: Martial Law is not just about Aquino and Marcos)

Puro quick fix ang alam natin. Hindi nagustuhan ng ilang remnants ng diktadura ang palakad ni Cory kaya’t pinutakti siya ng kudeta ng militar.

Nang hindi natin nagustuhan ang palakad ni Joseph Estrada at ang kanyang midnight Cabinet, pinipol power din siya.

Pero nagkaroon ng ibang kahulugan ang EDSA Dos sa mahihirap: ito’y naging patunay na magpapalit lang ng nakaupo sa Malacañang pero hindi pa rin nila tutugunan ang batayang di-pagkakapantay-pantay. Ang mahirap ay mananatiling mahirap habang lalong yumayaman ang mayaman.

Nang naupo si Gloria Arroyo matapos mapatalsik si Erap na animo’y Santa ng EDSA Dos, muli na naman tayong kumurap at nilimot ang nation-building. ‘Yun pala, ang iniluklok na kamukha ni Nora Aunor ang magtatakwil sa una at ikalawang EDSA. Ngayon, siya’y isang kingmaker at pinakatusong politcal player – na kitang-kita sa pagbo-broker niya ng Marcos-Duterte alliance. 

Panandaliang na-revive ang diwa ng EDSA nang pumanaw ang simbolo ng kadilawan sa Pilipinas na si Ginang Aquino at nagpasikat sa kanyang anak. In hindsight, maihahanay si Noynoy Aquino kay Fidel V. Ramos na naging matinong presidente. Pero maraming kulang, at hindi dahil lang sa mga kahinaan ni PNoy. Inaanay na ang bahay. Mabagal na nga ang reporma kapag siniseryoso, pero kapag lip service lang? Pfft.

Kaya’t lalong nahinog ang sitwasyon para sa isang Rodrigo Duterte, probinsyano, prangka, at matalim ang dila. Masang-masa, relate na ralate ang taumbayan.

Tulad ng kantang tumataghoy sa pag-a-alsabalutan ng isang mahal, ilang artikulo rin ang isinulat ngayon tungkol sa EDSA revolution. Lahat tumataghoy. Nanunumbalik sa lahat ang alaala ng isang panahong tunay na naging proud kang maging Pilipino.

Ito na ba ang huling EDSA? Marahil, dahil ‘pag naupo si Ferdinand Marcos Jr, paano niya papayagan ang selebrasyon ng isang yugto sa kasaysayang nagpabagsak sa kanyang pamilya? (PANOORIN: Reclaiming Malacañang)

Maaari tayong manlumo. Maaari tayong umiyak. Pero hindi pa tapos ang laban, kahit ano pa man ang kahinatnan ng eleksiyon sa Mayo. 

Tulad ng sinabi ng yumaong Chairman ng Commission on Human Rights na si Chito Gascon: “Keep pounding the rock.” Bawa’t kabiguan o tagumpay ay isang bayo, tiktik, kabog, pukpok tungo sa panunumbalik ng kalayaan. #HindiItoAngHulingEDSA – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.