mental health

[OPINYON] Hanapin naman natin si Sisa

Noji Bajet

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Hanapin naman natin si Sisa
'Kung sinasagisag ni Sisa ang pighati ng bayan, siya’y tayo rin lamang!'

Trigger warning: karahasan, pagpapatiwakal

“Crispin! Basilio!”

Umaalingawngaw ang linyang ito ni Narcisa o “Sisa” sa gubat sa loob ng nobelang Noli Me Tangere at sa kamalayan na rin ng maraming Pilipino. Bukod sa kahusayan ng panulat ng nobelistang si Jose Rizal, malaki ang ambag ng pagsasakurikulum ng literatura at kasaysayan sa pagkapopular ng karakter na ito mula pa sa ika-19 na siglo. Malaki rin ang ambag ng sinema at telebisyon sa kanyang pag-iral na ngayon ay pinaiibayo ng seryeng Maria Clara at Ibarra. 

Kamakailan, naantig ang mga tagasubaybay sa episode 23 noong Nobyembre 2 na isinabuhay ang melodramatikong tagpo sa Noli. Sa salin ni Virgilio Almario, “Nagbalik ang sawimpalad sa kanyang bahay at nagsimulang pasigaw na tumawag: Basilio! Crispin! Panaka-nakang humihinto at matamang nakikinig. Inulit ng alingawngaw ang kanyang tinig. Ang matamis na aliw-iw ng tubig sa kalapit na ilog, ang tugtugin ng mga dahon ng kawayan ang mga tanging tinig ng pamamanglaw.” Buhat si Sisa sa kuwartel kung saan siya dinala ng mga guwardiya sibil dahil sa bintang sa kanyang mga anak na tumakas matapos mangulimbat ng salapi. Bukod sa mga papuri sa pag-arte ni Andrea Torres bilang Sisa, lumalim din ang paghimay ng mga tagasubaybay sa kanyang karakter. 

Simboliko si Sisa. Sa pagdalumat sa pagkatao ng inang ito na hinahanap ang mga anak, aalagwa tayo mula sa teksto ni Rizal papunta sa kasalukuyan kung kailan siya naman ang “nawawala.” Nasaan si Sisa? Matatagpuan siya sa iba’t ibang konteksto. 

Si Sisa at ang #MentalHealth 

Sa pagbabahagi ng seminaristang si Jerwin Regala ng artikulong “Psychopathology of Sisa” ni Dr. Luciano Perez-Rivera Santiago, na nailathala sa Acta Medica Philippina noong 1966, nabibigyang-diin hindi lamang ang kakatwang pagpatak ng episode 22 sa Todos los Santos gaya ng nakasaad sa nobela kung kailan nagsimulang magpakita ang mga “sintomas” ng karamdaman ni Sisa — isa na roon ang pagkatulala sa sulok ng kuwartel — kundi ang paliwanag sa kinahinatnan niya. Dinumog ang paskil ng mga netizen na nagagalak sa pagtuklas sa makabuluhang pagsipat sa kalagayan ng karakter. Nakatutuwang isipin na kahit mula pa ang saliksik noong 1966 at may himig-akademiko, natuturuan ang mga ordinaryong tao na maunawaan ang nangyari kay Sisa.

Nasa gitna tayo ng usapin tungkol sa mental health o lusog-isip lalo na’t sinisikap pa rin nating makabangon mula sa nakababalisang panahon ng pandemyang COVID-19. Ayon sa scientific brief na inilabas ng World Health Organization nitong Marso, sa unang taon ng pandemya, tumaas nang 25% ang bilang ng mga nakararanas ng anxiety at depression sa buong mundo. Sa Pilipinas, ipinahayag ng National Center for Mental Health na nang magka-lockdown, tumaas ang bilang ng mga tawag sa crisis hotline nito na idinudulog ang iba’t ibang suliraning lusog-isip, kabilang na ang pagkabalisa at tangkang pagpapatiwakal. Base naman sa datos na inilabas ng United Nations nitong Hunyo, lumobo na sa halos isang bilyon iyong mga nakararanas ng mga karamdaman sa isip. 

Gayunpaman, sa gitna ng krisis na ito, umiiral pa rin ang kakambal nitong suliranin. Hindi humuhupa ang diskriminasyon sa lipunan. Kinakasangkapan pa rin ang wika upang husgahan ang mga Persons With Disability (PWD) at patuloy na bigyan ng negatibong konotasyon ang mga salita. (Sa Kabanata 14 ng Noli, nabanggit ang bansag ng ilang mga taga-San Diego kay Pilosopo Tasio bilang “baliw” dahil sa mga “naiibang haka’t pag-iisip” nito. Noon pa man, may mga taong likas nang mapang-uyam at nag-aambag sa stigma.)

Sa isang panig ng internet, umusbong ang diskurso kung bakit may mga taong nakakakuha ng PWD ID ngunit “parang wala” namang iniindang karamdaman sa isip. Tunay na may katwiran ang puntong maaaring malinlang o maabuso ang mga nangangasiwa ng pagbibigay ng mga ID ngunit hindi dapat mawala ang nosyon ng pagiging “imbisible” ng karamdaman. Kapansin-pansin man ang kalagayan ni Sisa na nagpalaboy-laboy sa lansangan, dapat maunawaan na may ibang mga karamdaman na hindi sadyang “nakikita.” 

Sa ibang banda, mahalagang isaalang-alang ang patung-patong na mga dahilan sa pagkasawimpalad ni Sisa. Sa librong Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Librong Noli at Fili Bilang Nobela) ni Almario, nasiraan ng bait si Sisa “dahil sa labis na kahihiyan, abuso ng asawa, at matinding ligalig dahil sa mga anak.”

Pagtuunan natin ng pansin ang pagiging “matiisin” ni Sisa sa piling ng malupit at mabisyong bana. Ang pagmamalupit ay siya ring ipinapalagay ng mga duktor na trawmatikong aspektong nakakaapekto sa lusog-isip ng mga biktima nito.

Ayon sa United Nations Women, nitong kasagsagan din lang ng pandemya, lumala ang karahasan sa mga kababaihan, bagay na nagpabahala sa organisasyon kaya ito’y itinuring na“shadow pandemic.” Marami pa ring biktima ang patuloy na nagtitiis at takot sumangguni sa mga duktor at awtoridad dahil sa mga mapang-abusong tao.   

Must Read

[OPINION] ‘Kaginhawaan’ and the systemic barriers to mental health

[OPINION] ‘Kaginhawaan’ and the systemic barriers to mental health
Si Sisa at ang Philippine Mental Health Act

Mula sa mga problematikong nosyon ng ilan pagdating sa lusog-isip, hindi maaalis sa pagsipat kay Sisa ang usapin kung paano isinasaalang-alang ang karapatan ng mga kagaya niya pagdating sa akses sa mga serbisyong medikal. Noong 2018, naisabatas ang Republic Act 11036  o ang Philippine Mental Health Act na nagpasidhi sa puso ng mga nagtataguyod nito dahil magkakaroon na ng mas komprehensibong kalinga para sa lusog-isip bilang tugon sa limitadong akses sa mga serbisyo.

Dumagdag mang hamon ang pagsambulat ng pandemyang COVID-19 sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, hindi dapat mawala ang pagsasaalang-alang ng pagpapatupad ng batas na ito. Sa saliksik ni Dr. Rene M. Samaniego na nailathala sa Taiwanese Journal of Psychiatry, iminugkahi niyang dapat na matiyak ang mabisang mga policy design at implementasyon nito, pati na kung paano ito mapapalakas at masusuportahan. Nawa’y makamit ng batas na ito ang istandardisasyon ng pampamayanang programang lusog-isip na makatutulong sa ating mga kababayan, lalung-lalo na iyong nasa mga liblib na sulok ng Pilipinas. 

Must Read

[ANALYSIS] Protecting mental health in the era of a warming planet

[ANALYSIS] Protecting mental health in the era of a warming planet
Si Sisa at ang Inang Bayan

Ang muling pagpukaw sa atensyon ng mga tagasubaybay ng mga sawimpalad na karakter sa Noli katulad ni Sisa ay isang pagkakataon upang tingnan ang ating lipunan sa lenteng makabayan. 

Sa likod ng panyuwelo, ikinubli ni Sisa ang kanyang mukhang batbat ng pagdurusa dala ng istres sa paghahanap sa mga inosenteng anak na labis niyang minamahal at ng buong kahihiyang dulot ng maling bintang. Hindi siya nalalayo sa simbolismong bapor Tabo sa El Filibusterismo na kumakatawan sa segmentasyon ng uri at pati na sa “lambong” na nabanggit sa paghahandog ng Noli na ayon kay Rizal ay tumatabing sa “kanser panlipunan” na kalagayang gusto niyang ilarawan at ibunyag sa pamamagitan ng kanyang realistang panulat. Kabilang na rito ang buhay sa laylayan. 

Kung sinasagisag ni Sisa ang pighati ng bayan, siya’y tayo rin lamang! Siya ang marami sa atin na tigalgal at balisa sa mga patung-patong na suliraning matagal na nating iniinda. – Rappler.com

Si Noji Bajet ay residente sa Santa, Ilocos Sur at kasalukuyang nag-aaral sa Unibersad ng Santo Tomas sa ilalim ng kursong Master ng Sining sa Komunikasyon. Ang kanyang mga akda ay nalathala sa Liwayway, Philippine Panorama, Rappler, at Philippine Star. 

Para sa mga nangangailangan ng tulong pagdating sa mga suliraning lusog-isip, maaaring makipag-ugnayan sa #MentalHealthPH at Natasha Golbourn Foundation.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!