Fallen 44, isinabuhay na Mistah?

Guia Roa S. Soriano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Fallen 44, isinabuhay na Mistah?
'Higit dalawang dekada mula noon, ilang taon pa bang didiligin ng dugo ang lupa ng Mindanao?'

Sanay tayong isinasapelikula ang buhay ng isang tao. Pero sa nangyari sa 44 na miyembro ng Special Action Forces of the Philippine National Police (PNP-SAF), hindi ko maiwasang isipin na naisabuhay ang ilang eksena sa pelikulang Mistah. 1994 noong unang ipalabas ang pelikula na pinagbibidahan ni Robin Padilla at ng kanyang mga kapatid. Ipinakikita ng pelikula ang buhay at sakripisyo ng ating mga sundalo sa Mindanao.

Kung paanong pilit nilang inaaliw ang kanilang mga sarili sa kabila ng pangungulila sa pamilya at araw-araw na pangambang anumang oras ay maaaring magwakas ang kanilang buhay sa labanan. Sabi sa pelikula ay “dito wala kang pamilya. Tayu-tayo ang pamilya dito.”

Kuwento noon

Elementary pa lang kami noon noong una namin itong napanood kasama ng mga kapatid at pinsan ko. Isa iyon sa mga paborito naming pelikula na pinapaulit-ulit namin. Dati, ang reaksiyon ko ay normal sa isang bata na namamangha sa astig na fighting scenes. Pero noong pinanood namin ito ulit noong nakaraang linggo lamang ay panay na ang iyak ko habang nanonood. Madalas kong matanong sa sarili ko, “ganito ba ang kinasapitan ng Fallen44?”

Policemen close the highway leading to Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao on January 25, 2015.

Sa climax ng pelikula, may Cease Fire Order noon dahil kasalukuyang nagaganap ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at grupo ng mga rebeldeng Muslim kaya ang mga sundalo ay kampante sa kanilang kampo. Ngunit isang araw ay bigla na lamang sinugod ng mga rebeldeng Muslim ang kanilang kampo. Hindi ba’t ang tanong ng bayan ngayon ay bakit nangyari ang ganoon sa Fallen44 gayong kasalukuyang isinusulong ang Bangsamoro Law noong naganap ang enkwentro sa Mamasapano?

Sa kabila ng pagkabigla ng mga sundalo sa pelikula, buong tapang at alerto silang lumaban. Subalit kahit anong gawin nilang laban ay dehado sila sa dami ng kalabang Muslim na tila hindi nauubos. Kung may maitumba man silang isang grupo ay may paparating na namang isang pulutong ng mga Muslim na susugod. Naisip ko, “ganito rin ba naging kadehado ang ating Fallen 44 kaya kahit anong pilit nilang lumaban ay natapos rin ang kanilang buhay?”

Mga buhay na nawala

Sa pagtatapos ng labanan sa pelikula, limang sundalo na lamang ang natirang buhay at handa silang lumaban ng itak sa itak na lamang kahit daan-daang Muslim pang natitira ang kanilang haharapin.

Matapang na nilang haharapin ang kamatayan dahil sabi nga ng bidang si Cari, “mainam na yung namatay kang lumalaban.” Ngunit bago pa magpang-abot ang dalawang panig ay dumating na ang reinforcement ng mga sundalo kaya nasagip ang buhay ng limang natira.

Buti pa sa pelikulang Mistah may dumating na reinforcement. Nakakadurog ng puso na sa ating mga pulis, “help never arrived” ika nga ni Director Getulio Napeñas.

Sa pagtatapos ng pelikula ay ang monologue  ni Cari:

HOME. Police officers carry the remains of Sr Insp Ryan Pabalinas upon arrival at the General Santos City airport, January 31, 2014. Photo by Edwin Espejo

“Napakaraming buhay ang nawala dahil sa digmaang walang kabuluhan. Kristiyano, Muslim, Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Si Malik, si tinyente, ako, buhay. Pero para sa amin kami ang nangamatay dahil habang kami’y nabubuhay ang ala-ala ng malagim na labanan ay mananatili sa aming puso’t isipan. At silang mga nasawi, silang mga nangamatay, sila ang buhay dahil para sa kanila ang digmaang ito ay matagal ng tapos.”

Paano ngayon dadalhin ng lone survivor ng engkwentro sa Mamasapano, Maguindano at ala-ala ng malagim na labanan na humantong sa brutal na kasawian ng kaniyang 44 na kasamahan?

“Kung kayo ang tatanungin, sino nga ba ang biktima?Ang mga namatay o ang mga naiwan nilang hanggang sa ngayon, hanggang sa kasalukuyan, ay patuloy na pinagdurusahan ang kalupitan at kalagiman ng digmaan,” dagdag ng karakter ni Cari. 

Kuwento hanggang ngayon

Ang simpatya at pakikiramay ng sambayanan sa pamilya ng #‎Fallen44, kahit paano, ay nakatulong upang maibsan ang bigat ng kalooban na kanilang dinadala.

Ngunit ang tunay na pagharap nila sa pangungulila ay pagkatapos ng lahat ng seremonyas. Wala ang pisikal na presensiya ng mga taong nais makiramay dahil umuwi na din sa kani-kanilang bahay.

Ang mga naulila ng #Fallen44 ay umuwi din sa kanilang mga bahay ng sila na lang. Wala na ang asawa, ama, kapatid o anak na dati ay hinihintay na bumalik galing sa trabaho o misyon. Nakakadurog ng puso isipin na kahit gaano katagal sila maghintay hindi na babalik ang mahal nila sa buhay. Nasa panghabang buhay na misyon na sa kabilang buhay.

Ang pelikulang Mistah ay “alay sa mga kawal na Kristiyano at mandirigmang Muslim na nagbuwis ng buhay sa Mindanao. Panalangin na mamayani ang pagpapahalaga sa buhay at magakaroon na ng kapayapaan sa lupang matagal ng pinagdaranakan ng dugo.”

Higit dalawang dekada mula noon, ilang taon pa bang didiligin ng dugo ang lupa ng Mindanao? – Rappler.com 

Guia Roa S. Soriano is a working professional on weekdays, and a mountain girl on weekends. She loves to think out loud using the keyboard, and lives by the mantra, “Masaya ang mabuhay, kaya mabuhay tayong masaya.”

iSpeak is Rappler’s platform for sharing ideas, sparking discussions, and taking action! Share your iSpeak articles with us: move.ph@rappler.com.

Tell us what you think about this iSpeak article in the comments section below.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!