rice tariffication law

[OPINYON] Bilang isang babaeng magsasaka, ano ba para sa akin ang Rice Tariffication Law?

Trinidad Domingo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Bilang isang babaeng magsasaka, ano ba para sa akin ang Rice Tariffication Law?

Illustration by Guia Abogado

'Hindi raw masama para sa ekonomiya ang mababang presyo ng palay. Paano kaming mga magsasaka? Hindi ba kami kasama sa ekonomiya?'

Para sa marami, ang ika-labing apat ng Pebrero ay Araw ng mga Puso, araw ng mga magsing-irog, ng mga nagmamahalan. Pero para sa akin, ito ang araw ng pagtalikod ng pamahalaan sa aming mga magsasaka na nagpapakain sa bawat pamilyang Pilipino. Sa araw ring ito, lahat ay nagmamahal; ang palay lang ang hindi. 

Nangako ang mga nagtulak ng Rice Tariffication Law (RTL) ng pagtaas ng ani, pagbaba ng mga gastos sa produksyon, at pagbaba din ng presyo ng bigas para sa mga konsyumer. Pero walang nasunod sa mga pangakong ito, at mapapako pa kung walang gagawing hakbang ang pamahalaan. 

Sa isang opinyon na sinulat kamakailan lang ni Ginoong Fermin Adriano, sinabi nya na hindi masama para sa ekonomiya ang mababang presyo ng palay. Pero paano kaming mga magsasaka? Hindi ba kami kasama sa ekonomiyang sinasabi niya? Paano ang ekonomiya naming mga magsasaka na wala halos kinikita sa pagtatanim ng palay? Ang pagsasaka ng palay ay ang aming pangunahing ikinabubuhay. Dahil lugi kami lagi, nagsasakripisyo ang aming mga pamilya. Saan namin kukunin ang pang-tustos sa pag-aaral ng aming mga anak? Paano ang aming gagawin kung sakaling may magkasakit sa amin?

Maaaring di ako nakapagtapos ng degree sa kolehiyo. Pero ang aking deka-dekadang karanasan sa bukid at bilang isang lider ng mga kababaihan at ng mga magsasaka ang nagbibigay kaalaman at kaunawaan sa akin sa mga isyu at problema naming mga magsasaka.        

Ang mga patakaran sa agrikultura, gaya ng RTL, ay sinusulat at ipinapasa ng mga ekonomista at mga mambabatas sa loob na kanilang mga opisinang de aircon. Hindi nila naririnig ang boses naming magsasaka. 

Simula ng mapasa ang RTL, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang presyo ng palay ay naglalaro sa P18/kilo. Pero sa Nueva Ecija, kung san matatagpuan ang aking dalawang ektaryang palayan, walang nakakabenta ng mas mataas pa sa P14 pesos/kilo. Nagtanim ako noong Hulyo ng nakaraang taon at nag-ani ako ng Oktubre. Naibenta ko sa mga traders ang aking mga inaning palay sa halagang P14.00/kilo lamang at hindi P18, gaya ng sinasabi ng DA. 

Mula sa presyong ito, wala ako halos kinita dahil mahigit sa P12 pesos bawat kilo ang gastos ko sa pagtatanim hanggang makapag-ani. Ang sinasabing P18 pesos per kilo na sinasabi ng DA ay nangyayari lamang kapag nasa kamay na ng mga traders ang palay. Yan ay mga Nobyembre hanggang Disyembre na kung kelan nakabenta na ang mga kagaya naming magsasaka. Hindi namin pwedeng antayin na tumaas ang presyo ng palay dahil kailangan namin ng pera. Kung minsan nga, hindi pa namin naaani, naibenta na ito sa mga traders dahil kapos sa pera ang mga magsasaka; nautang na sa traders ang pagbebentahan pa lang ng palay. 

Nasaan ngayon ang pinangakong pagpapababa sa gastusin ng produksyon? Hindi naman sumasapat ang pinag-uusapang ayudang binhi at pataba, na nakapaloob sa RTL. Unang-una, ang binibigyan ng ayuda ay yung mga nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Kulang na kulang ang database na ito dahil ang kadalasang nakalista lamang ay mga kalalakihan o yung mga may-ari ng lupa. Paano ang mga nakikisaka lamang at hindi nakalista dito? Sila ang totoong nakakailangan ng ayuda.

Must Read

Bataan bishop scraps fees for funeral Masses

Bataan bishop scraps fees for funeral Masses

Problema rin ang pag-access sa database na ito dahil magastos papuntang Municipal Agriculture Office (MAO) o DA. Paano ang mga kababaihang magsasaka na kadalasang hindi makapagpalista dahil hindi maiwan ang mga gawaing bahay at pagaalaga ng pamilya? Sila ay totoong magsasaka rin. Ang iba ay wala ring maipresentang ID.

Ikalawa, ang mga ayuda ay para lang sa mga palayan na may isang ektarya pababa. Paano ang mga mahigit isang ektarya pero hirap pa rin sa kanilang pamumuhay?      

Para sa katulad kong may dalawang ektarya, nakakuha ako ng ayuda – dalawang sako ng binhi (40 kilos) at dalawang sako ng pataba (40 kilos). Ngunit hindi ito sumasapat sa aking palayan dahil kailangan ko ng limang kaban na binhi. At dahil kulang, mapipilitan akong bumili lalo na kung bumagyo dahil hindi nagagamit na binhi ang mga palay na nalunod sa baha. Lalong hindi rin ito pwedeng ipalit sa kapwa ko magsasaka dahil nakakahiya.

Kung dati ay P40,000 ang gastos sa produksyon kada ektarya, ngayon ay malinis na P60,000 kada ektarya ang kailangan kong ilabas para makapag-ani lang ng palay. Sa dalawang ektarya, P120,000 ang aking puhunan. Sa land preparation pa lamang ay umuubos na ako ng P28,000-30,000. Apat na buwan kong hihintayin bago umani at mabenta, bago makuha ang aking kita.   

Habang naghihintay, lalo na nung nagpapaaral pa ako ng mga kapatid, kailangan kong mag-alaga ng baboy para matustusan ang pangangailangan nila sa edukasyon. Buti na lang at nagtatanim din kami ng mga gulay sa palibot ng palayan at nag-aalaga ng mga bibi, pato, at mga manok. Ito ang pinagkukunan namin ng pagkain para di na kami bumili sa panahon na wala pang ani. Meron din kaming maliit na sari-sari store na pinag-kukunan ng konting pang-gastos. Nakatulong ang kaalaman ko sa pagba-budget dahil natitipid ko at napapaikot ang aming pera para sa aming mga pangangailangan sa bahay at sa bukid. Bawal sa amin ang gumasta ng wala sa budget at di pwedeng galawin ang pera pampaaral. Kung kinakailangang magtipid sa kakainin, tinitipid namin ang kakaunting pera.    

Sa matagal na panahon, alam ko na di sasapat ang pagsasaka lang para mabuhay kami. Ngayong may RTL, batay sa mga karanasan ko at nakikita ko rin sa mga kapwa ko magsasaka, napatunayan kong mas mahirap pa ang pagsasaka ng palay dahil nabawasan ng malaki ang aming mga kinikita ng halos palugi na. Mas malaki ang gastos namin sa produksyon kesa kita. Dati rati, nakakabenta ako sa aking palay ng P100,000. Ngayon, di pa ako maka-abot ng P60,000.

Hindi rin naman bumaba ang presyo ng bigas sa pamilihan gaya ng pinangako ng RTL. Kaming mga magsasaka, konsyumer din kami. Wala namang bababa pa sa P30/kilo na tindang bigas sa palengke. Umaabot pa nga ito sa P60/kilo. Buti na lang at may natitira akong bigas kahit paano para sa aming kakainin. Paano ang mga magsasakang nangutang para sa produksyon? Wala silang kakayahang magtabi para sa pamilya nila dahil di pa man sila umaani, nakaabang na ang pinagkaka-utangang trader sa kanilang palay. Ang nangyayari ay bibili din sila sa pamilihan ng mahal na bigas mula sa maliit na nga nilang kinita sa pagbebenta ng palay.

Sa pagsusuri ng isang magsasakang tulad ko, wala pa akong nararanasang kaginhawahan o pagbabago sa estado ng buhay naming mga magsasaka noon at lalo na ngayong may RTL, dagdag pa nga ang patong-patong na krisis at mga bagyong dumaan. Kung gusto talaga ng pamahalaan maayos ang buhay naming mga magsasaka, makinig sila sa aming mga hinaing at maglagay ng tunay na kinatawan ng magsasaka sa paggawa ng mga panibagong patakaran sa agrikultura. Ibigay nila ang ayuda ng naaayon sa kung ano ang kailangan namin sa pagsasaka, kahit wala ng pautang. Baguhin nila ang mga patakaran na nagpapahirap pang lalo sa aming mga magsasaka.

Bilang babaeng magsasaka, masasabi ko na ang RTL ay hindi para sa akin o sa kahit sino pa mang magsasaka. – Rappler.com

Si Trinidad “Ka Trining” Domingo, 68, ay walang asawa, at pang-anim sa labing-isang magkakapatid. Siya’y isang magsasaka at lider ng Pambansang Kongreso ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK).  

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!