Martial Law

[OPINYON] Kumpisal ng isang Marcos apologist

Phillippe Angelo Hiñosa
[OPINYON] Kumpisal ng isang Marcos apologist

DR Castuciano

‘Walang ipinanganak na Marcos apologist. Ang isang Marcos apologist ay hinubog ng sala-salabid na suson ng misedukasyon.’
Salin niJohn Leihmar C. Toledo

Noong bata pa ako, naniwala akong walang kapantay si Marcos sa lahat ng mga pangulo ng Pilipinas; na ang Batas Militar, sa kabila ng mga kasamaang dulot nito, ay wastong tugon sa pagkakawatak-watak ng bayan. At para sa isang batang katulad ko, na nagpakita ng napakalaking potensiyal ng kagalingan, walang mas hihigit na karangalan kaysa tularan ang kahusayan ng diktador.

Minsan sa aking buhay, ako’y naging isang Marcos apologist.

Nagsimula ito noong 2008. Ipinapalabas sa telebisyon ang Batas Militar nina Jon Red at Jeanette Ifurung. Umupo ako sa sahig at hinintay na lumitaw si Marcos sa TV. Sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung tungkol saan ang pelikula. Ngunit sa pagkakaalala ko, lumitaw nang isang daang beses ang diktador sa iskrin – o baka nga’y isang libo yata?

Ang alam ko, tuwing tag-ulan, kapag nasa loob ng bahay ang mga tao, tinitipon kami ni tatay para makipag-usap. Ikukuwento niya sa amin ang Bagong Lipunan, o ang Batas Militar, na para bang sila’y mga paksa ng isang alamat. Aaminin niya ang ilang lihim tungkol sa kung paano umangat sa kapangyarihan si Marcos at kung bakit siya dapat bansagang pambansang bayani kahanay ni Rizal.

Noong hayskul, kung saan ang mga paksa tulad ng Batas Militar ay isinasantabi sa klasrum, sumasali ako sa iba’t ibang paligsahan, kabilang na ang taunang oratorical contest. Dahil isang mahusay na tagapagsalita sa publiko ang aking tatay, na naglingkod bilang presidente ng konseho ng mga mag-aaral noon, lagi akong humihingi sa kanya ng patnubay.

Subalit imbes na turuan ako ng teknik, pipilitin niya akong manood ng mga video ni Marcos sa YouTube. Magpapakita siya ng mga video ng yumaong pangulo na pumaparada sa bunton ng mga tao o nakikipag-usap sa sirkulo ng mga elitista. Noong panahong iyon, dalawang eksena ang hindi ko malimutan. Ipinakita si Marcos at ang unang ginang sa isang state visit sa Estados Unidos noong si Reagan ang pangulo, at ang isa’y noong deklarasyon ng Batas Militar.

Dahil hindi matatawaran ang aking pananalig sa aking ama, sinunod ko ang lahat ng kanyang payo. Inobserbahan ko ang mga kilos ni Marcos. Ginaya ang mga punto kung saan humihinto siya sa pagsasalita. Kinabisado ko ang mga ekspresyon sa kanyang mukha. Gusto kasi ng tatay ko na maging kaboses at kamukha ko si Marcos. At sa kabila ng pagkamuhi ng iba kay Marcos, hindi ako umalma. Sa katunayan, nagsimula na akong mapamahal sa kanya tulad ng pagmamahal na ipinapakita ng aking ama. Kaya kahit nabigo akong makakuha ng medalya, hindi gaanong masakit ang pagkatalo. Ninakaw ng katusuhan nitong diktador ang ginto sa aking puso. 

Must Read

Among other things, Bongbong Marcos gets his father’s election dates wrong

Among other things, Bongbong Marcos gets his father’s election dates wrong

Mula noon, ang tatay ko ay paulit-ulit na nagpapalabas ng mga video ni Marcos, at muli niyang pinapanood ang Batas Militar sa TV, pagkatapos ay sasamantalahin niya ang aking kamangmangan sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbaluktot ng mga eksena. Sa tuwing napupuno siya ng inspirasyon, sasabihin niya sa akin na basahin ang kanyang mga talâ tungkol sa Bagong Lipunan, ang tanging kopya na mayroon kami sa bahay na pinirmahan mismo ng diktador.

Sa ilang mga pagkakataon, ire-replay ko ang mga clip na naka-bookmark, at aarte ako na nakatayo sa isang katulad na podium habang nagtatalumpati sa harap ng isang pulutong ng aking mga panatiko. Hindi, hindi ko pinangarap na maging isang politiko. Masyado lang akong nadala sa aking pagsamba kay Marcos na nais ko na lang na maging kamangha-mangha tulad niya.

Gayumpaman, nang matapos ang hayskul, nagsimula kong maunawaan ang mga bagay-bagay.

Kung hindi dahil sa pagpapakita sa akin ng aking tatay ng kanyang pagkabighani sa diktador, hindi ko na siguro iisiping maging isang abogado sa hinaharap. Kung hindi niya pinangalanan ang aking pinsan na Edralin (kaawaan ng Diyos ang batang iyon), wala na akong dahilan para alalahanin pa ang yumaong pangulo. Higit sa lahat, kung hindi na siya nakialam sa tito ko na alamin ang natuklasan niyang nakalibing na “Yamashita gold” sa kanilang lumang sakahan, at hindi na nag-abala pang ibenta ito sa Maynila, hindi ko kukumbinsihin ang sarili na totoo ang mga sábi-sabi.

Sa kabutihang palad, noong 2016, lumuwas ako ng Maynila para mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng aking mga propesor, natutuhan ko ang mas mahusay na pagtatasa kay Marcos at sa Batas Militar, at ang tungkulin ko bilang iskolar ng bayan na bakahin ang mga kasinungalingan tungkol sa kanila. Noong taong ding iyon, nang ilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani, nakilahok ako sa aking unang kilos-protesta. Sa sandaling iyon, natagpuan ko ang aking sarili na nasa kabilang panig ng kasaysayan.

Samantala, ang tatay ko naman, na nagturo sa aking mahalin si Marcos at nagkaroon ng poot sa kinahinatnan ko, ay tuluyang nawasak ang kalooban at nalunod sa kanyang kahibangan. Umalis siya sa probinsiya pagkalipas ng dalawang taon at nagtrabaho sa Maynila. Hindi na namin pinag-usapan ang aming alitan simula noon.

Noong mga panahong wala na siya, napagtanto ko: walang ipinanganak na Marcos apologist. Ang isang Marcos apologist ay hinubog ng sala-salabid na suson ng misedukasyon. Noong bata pa ang aking tatay, ang kanyang ama ang nagtanim sa kanya ng kaalaman na tulad ng itinuro niya sa akin, dahil iyon ang natutuhan ng aking lolo na hindi nakatapos ng hayskul at nalaman ang mga aral sa buhay mula sa ibang tao. Ako dapat ang magmamana ng kaalamang ito kung hindi ko pinutol ang kadena. Simula noon, mayroon na akong tatlong aral na kailangang ulit-ulitin.

Must Read

Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang

Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang

Una, si Marcos ay hindi nakahihigit sa lahat. Kahit na siya ay matalino, hindi niya ginamit ang kanyang katalinuhan para sa taong-bayan. Pangalawa, hindi natin ginintuang panahon ang Batas Militar. Sa panahon ng paghahari ng terorismo, libu-libong Pilipino ang minanmanan, inaresto, tinortyur, at pinatay. Ang ilan ay nawala pa nga at naging desaparecido. Pangatlo, at tiyak na pinakakapansin-pansin – tayo, ang mga kabataan, ay hindi pasibong mga sisidlan ng kaalaman. Bilang mga mapanuring nilalang, maaari nating laging kontrahin ang misedukasyon sa anumang anyo nito, at itama ang mga misedukado na nagpapalaganap nito.

Sa loob man o labas ng paaralan, mahalaga ang kritikal na edukasyon. Sa isang lipunang dinaranas ang misedukasyon, ito ang tangi at mabisang panlunas upang pagalingin ang mga may sakit sa kamalayan. Kung wala ito, ang misedukasyon ay tulad ng kanser na lumulubha at nakapipinsala. Mas masahol pa, maaari nitong sakupin ang isang pamilya, ang isang barangay, o ang buong bansa kung hahayaan lang nang napakatagal.

Kapag dumating ang pagkakataong makaluwas muli ako sa Maynila para mag-aral naman ng abogasya, iikutin ko ang siyudad at hahanapin ang aking tatay. Sasabihin ko sa kanya ang mga kuwento tungkol kay Marcos – pero ngayon iba na ang salaysay. Anomang maging kapalit nito, aayusin naming dalawa ang mga natitirang di-pagkakaunawaan habang umiinom ng tinimplang kape, sa isang maulan at nakakamingaw na Setyembre. – Rappler.com

Isinalin ni John Leihmar C. Toledo mula sa original na Ingles ni Philippe Angelo Hiñosa, at bahagyang inedit ng Rappler ayon sa estilo ng publikasyon.

Si Toledo, 29, ay nagtuturo sa University of Santo Tomas, De La Salle University, at Polytechnic University of the Philippines. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.