Philippine agriculture

[New School] Trabaho sa agrikultura, patuloy nga ba ang pag-angat?

Aubrey Dadulo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Trabaho sa agrikultura, patuloy nga ba ang pag-angat?

Guia Abogado/Rappler

'Bakit pabawas nang pabawas ang mga nagtatrabaho sa sektor na ito?'

Ang pagtaas ng trabaho sa agrikultura sa Pilipinas noong 2020 (panahon ng pandemya) ay nangangahulugan ng positibong pag-unlad, dahil ito ay nagpapakita ng katatagan ng industriya ng agrikultura sa Pilipinas at ng kahalagahan ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa.” 

Ang linyang nabanggit ay mula sa “Trading Economics” (2023), isang artikulo na nagpapakita ng pagbabago ng dami ng nagtatrabaho sa agrikultura sa mga nakaraang taon. Subalit maganda itong pakinggan sa paningin ng ekonomiya ng Pilipinas; hindi pa rin maipagkakaila ang patuloy na pagbagsak ng dami ng mga nagtatrabaho sa sektor sa nakalipas na mga taon bago rito (tignan ang pigyur 1). Kapansin-pansin dito ang patuloy na pagbaba ng dami ng empleyado hanggang sa taong 2019 at muling pag-angat nito pagdating ng taong 2020. 

Pigyur 1. Dami ng nagtatrabaho sa Agrikultura (2010-2020) Mula sa Philippine Statistics Authority. 

Madaming nagsasabi na naglaan ang gobyerno ng malalaking pondo sa sektor ng agrikultura upang mapalakas ang kumpetisyon nito at itaguyod ang pangmatagalang paglago nito sa mga nakalipas na taon. Kasama sa mga pondo ang paglalaan sa pananaliksik at pagpapaunlad ng imprastraktura, at mga programa para sa pagsasanay ng mga magsasaka at manggagawang pang-agrikultura (Talavera, 2021). Nagpatupad rin ang gobyerno ng mga programa upang palakasin ang sektor ng agrikultura, tulad ng “Agri-Pinoy” program ng Kagawaran ng Agrikultura, na naglalayong mapabuti ang kumpetisyon ng industriya ng agrikultura ng Pilipinas (Eco-business, 2012). Gayunpaman, sa kabila ng mga pagsisikap na ito, tiyak na hindi mo maiiwasang mapatanong: “Kung ganito karami ang nagawang aksyon ng gobyerno, bakit pabawas nang pabawas ang mga nagtatrabaho sa sektor na ito?” 

Dito pa lamang ay kapansin-pansin na ang hindi pagtugma ng dami ng suportang ibinibigay ng mga nasa awtoridad at ang dami ng mga nagnanais pumasok para magtrabaho sa sektor. Ngunit bilang isang mamamayan ng Pilipinas, natural lamang na pumasok sa ating isipan ang posibilidad ng pagpasok ng korapsyon sa proseso. Dito uusbong ang panibagong mga tanong tulad ng: “Napupunta nga ba talaga ang badyet sa mga programang pang-agrikultura? Kung oo, nagtutugma ba ang perang idineklara sa kontrata at ang mga iginastos para sa mga plinanong mga aksyon para sa sektor?” 

Nawa’y kung iisipin, ang mga tanong na ito ay makukuha lamang sa haka-hakang pananaw ng isang mamamayan ng Pilipinas na hindi masyadong maalam sa sitwasyon ng pagtatrabaho sa agrikultura. Ang hindi nila alam, ay mayroong mas malalim pang rason kung bakit nagsisialisan ang mga empleyado sa sektor na ito. 

Ayon kay Asis (2020), dumarami ang kabataang Pilipino na hindi na interesado sa sektor ng agrikultura. Ang ilan sa mga rasong nakalap ay (1) sila ay mayroong pinanghihinalaang kaalaman na hindi sapat ang kabayaran ng mga magsasaka; (2) hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala ang mga empleyado ng sektor; at (3) pagkakaroon ng mas madaming oportunidad sa mga trabahong nasa labas ng sektor ng agrikultura tulad ng pagiging doktor o pulis. Kasama na rin dito ang negatibong pananaw sa pagsasaka, banta na dala ng pagbabago ng klima sa agrikultura, pag-usbong ng panibagong teknolohiya, at problemang pinansiyal (Asian Farmers’ Association for Sustainable Rural Development, 2022). 

Ang bigat ng mga rasong ito ay isa lamang sa madaming kadahilanan kung bakit hindi ito nalutas nang biglaan, lalo na nang dumating ang pandemya. Kaya hindi maipagkakaila ang panghihinala ng biglaang pagdami ng mga empleyado sa sektor na ito nitong nakaraang tatlong taon. Isa sa mga maaaring rason dito ay ang pagtaas ng demand ng mga pagkain na nagdulot ng panibagong oportunidad para sa mga magsasaka at iba pang manggagawang pang-agrikultura na makapagbenta ng kanilang mga produkto.

Subalit ngayon’g pabalik na sa normal ang operasyon ng mga mamamayan ng bansa, may posibilidad din bang bumaba muli ang dami ng empleyado sa agrikultura? Hindi lang ito, ngunit, kung hindi dumating ang pandemya, maaari bang patuloy na bumaba ang dami ng mga empleyado sa sektor ng agrikultura o, sa malalang sitwasyon, ay maubos ang populasyon ng mga manggagawa sa sektor na ito?

Sa lahat ng mga nabanggit, tunay na hindi tiyak ang kinabukasan ng trabaho sa sektor ng agrikultura. Kung patuloy na hindi bibigyan ng sapat na pansin ng pamahalaan sa pamamagitan ng paglikha ng mga programa na nagpapakita ng kahalagahan sa mga manggagawang nasa sektor na ito at pagtugon sa mga personal na problemang ikinakaharap ng mga magsasaka, hindi malayong mawala ang pag-angat ng mga empleyado na nakamit simula nang dumating ang pandemya. – Rappler.com

Si Aubrey Dadulo, 22, ay kasalukuyang nag-aaral ng Bachelor of Science in Industrial Engineering minor in Service Management sa Pamantasang De La Salle. Siya ay nasa huling taon na ng kanyang pag-aaral. Sa kasalukuyan ay nakatutok siya sa pag-aalam ng mga rason ng pagbaba ng dami ng nagtatrabaho sa agrikultura sa Pilipinas bago pa magsimula ang pandemya para sa kanyang proyekto sa kursong System Dynamics.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!