Kanta kay Inang Kalikasan

Vim Nadera
Bakit walang papel ang panitikan at musika sa Earth Day celebration ng Cultural Center of the Philippines sa Abril 13? Hindi ba't kapag pinaglangkap sila ay mas titiim at tatagos sa kamalayan ang mensahe?

Sa darating na Linggo,  may mahalaga pa kaysa buntalan nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa Las Vegas.

Ito ay ang pagdiriwang ng mga alagad ng sining at agham ng Earth Day – sa Abril 13 sa halip na sa Abril 22 – sa Cultural Center of the Philippines na may paksang “Clean Air.”

Sasayaw ang Ballet Philippines pagkaraan ng Fun Run. Susundan ito ng palabas na Wanlu, Wan Earth, Wans More ng ventriloquist na Wanlu. Bubuksan ang eksibit ni Junyee na binubuo ng 300 kawayang mistulang windmill. May pakulong chalk art ang Philippine Art Educators Association, at may palihan ang The Philippine Biochar sa paggamit ng biochar, bokashi balls, hering agents. Matapos magklase sa yoga ng Gentle Warriors, magtuturo rin sila ng sayaw, ng kendo, at ng arnis sa iba’t ibang oras. Ipapakilala ang lahat ng  punong nasa Liwasang Kalikasan ng Haribon Foundation na siya ring nagpalabas ng Biodiversity on Wheels. Grafting naman ang itatampok ng Bureau of Plant Industry. Magkukuwento ang Sipat Lawin Ensemble ng Philippine High School for the Arts maghapon. May magtuturo ng pagbuo ng “aircon.” Magpapagawa at  magpapalipad ng saranggola ang Kite Association of the Philippines.  Ipapasilip ang drone video at camcording  bago muling itanghal ang Mga Anak ni Inang Daigdig.

Isa ito sa pinakaimportanteng pagpupugay sa taong ito!

Kaya hindi natin maiwasang itanong kung bakit walang papel ang panitikan.

At ang musika, samantalang isang dakilang piyanista ang presidente ng CCP na si Dr. Raul Sunico.

Di ba’t kapag pinaglangkap ang titik at himig, ito ay mas titiim at tatagos sa kamalayan ng sino mang ibig bigyan ng leksiyon?

Daig pa ang kinagisnang paraan ng pagtuturo.

Napatunayan na ito ng Asin sa walang kamatayang “Masdan Mo Ang Kapaligiran” o ng Smokey Mountain sa di-malilimutang “Paraiso.”

Dahil dito, naghuhumiyaw sa ating ulo ang mga tanong.

Bakit kaya wala ngayong konsiyerto?

Kung walang ibubunsod na aklat pang-ekolohiya, bakit hindi kaya sila maglabas ng kalipunan ng kanta?

Sa ganang-atin, mas naipapaliwanag ng kanilang awitin sa karaniwang tao kung ano talaga ang ibig sabihin, kung baga, ng 16 na prinsipyo ng Earth Charter.

Kayang-kaya ng ating mga musikerong mulat na gisingin ang mga natutulog o nagtutulug-tulugang tao.

Una, puwedeng-puwede si Joey Ayala sa pagtalakay ng paggalang at pagkalinga sa pamayanan ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang “Magkaugnay”:

Iisang pinagmulan

Iisang hantungan ng ating lahi

Kamag-anak at katribo ang lahat ng narito

Sa lupa, sa laot at sa langit.

Ikalawa, posibleng si Grace Nono naman ang magpaantig sa ating budhi hinggil sa ekolohikal na integridad sa tulong ng kaniyang simple ngunit di simplistikong “Samba”:


lambak, ilog, kabundukan

kidlat, alon at hangin,

kapatagan

bigyang-daan ang simula’t

     wakas ng buhay

iwagayway,
awit at kulay

sayaw at salaysay



magpasalamat

sa handog ng buhay

bawat kalagayan ay

     bukal ng aral



kilalanin ang
   
     katangiang tunay
ang mananatili paglubog
   
     ng iyong araw

Ikatlo, maaaring  si Gary Granada ang magbigay-hustisya sa katarungang panlipunan at pang-ekonomiya gamit ang kaniyang gitara at galing ng pilosopiya ng kaniyang “Earthkeeper”:


For the sake of the futures

Of our daughters and sons

In the name of all creatures

Give survival a chance.

At, ikaapat, dapat din yatang imbitahin si Bayang Barrios upang ipaaalala uli ang usapan at usapin – kahit sa wikang katutubo – ang ukol  sa demokrasya, kawalang-karahasan, at kapayapaan sa pamamagitan sa kaniyang “Payapang Mundo”:

Halina kaibigan,
bangon na’t ating dalhin
Kapayapaan sa mundo
Kilos na kapatid
Bigyan na ng puwang
kapayapaan sa puso. 

Kung mamarapatin, kaladkarin na rin si Gloc 9 upang pagaanin para sa kabataan ang malalalim na paksaing may kinalaman sa kabukiran o kalungsuran sa kaniyang “Nag-iisang Mundo”:

Bundok ng basura

Ilog na nananalanta

Hangin na lason ang isip

Tanim na sa isip ko’t kamalayan

Puno, nangingibang-bayan

Ulan dala’y karamdaman

Tubig na malinis binibili

Baka pati ang hangin sumunod.

Iilan lamang ang mga Ibong Adarna sa listahan – mula kay Heber Bartolome hanggang kay Noel Cabangon – na napili ni Coke Bolipata na umawit ng komposisyon namin na may titulong “Pamana”:

Bago pa man tayong lahat isinilang
May umiiral nang buháy at di-buháy.
Langit, lupa’t tubig ang kapaligirang
Saksi sa kanilang angking kalayaan.

Magpahanggang tayo ay dumating dito
Sa daigdig nilang naging ating mundo.
Ngunit sa halip na magkakatalȏ
Dapat sila’t tayo ay magkakasalo.

TULAY:
Sino ang nagsabing sila ri’y salaring
Maaari nating sila ay ariin?
Bakit di na lamang sila arugain
Nang madatnan sila ng kasunod natin?

KORO:
Ang pamanang likas ang pamanang likha
Nangangailangan kap’wa ng kalinga.
Sila ang kaloob ng ating Bathala,
Sila ang kaloob natin kay Bathala!

Inabutan nating walang kasingwagas
Ang apat na hanging mahina’t malakas,
Piping bulkan, bundok, lambak, at talampas.
Maingay na talon, ilog, lawa’t dagat.

Di na kailangang guluhin ang daloy
Nitong kasaysayan na nagpapatuloy.
Buksan ang pandama pagkat naroon
Ang lihim na apoy ng sibilisasyon.

May panahon pang makipag-ugnayan ang CCP sa institusyon gaya ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization na nagsulat sa amin ng kanta kay Inang Kalikasan.

O sa Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit?

Upang lumikha sila ng mga compact disc na tulad ng Ili-ili sa Kalibutan: Mga Awit ng Bayan at Kalikasan at Rapu-Rapu at iba pa: Taghoy ng Kalikasan ng Center for Environmental Concerns.

Walang iniwan sa Tulaan sa Tren ng National Book Development Board na patutugtugin sa pampublikong transportasyon.

Bakit di gawing MTV na ipapalabas sa iba’t ibang lugar?

Sayang kung walang popularisasyon ang anumang selebrasyon.

O okasyong makapaglilinis hindi lamang ng hangin kundi ng ereng pinadumi ng musikang ingay ang polusyon! – Rappler.com

Vim Nadera is a performance art therapist who has served cancer survivors, persons with AIDS, drug patients, “comfort women,” street kids, sexually abused children, and men and women caught in the crossfire, human-made, and natural calamities.

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.