Palusot ni Binay

Sylvia Estrada Claudio
'Madramang sinabi noon ni Vice President Binay na kung idadaan lang siya sa tamang proseso, mapapatunayan niyang inosente siya. Heto na ang tamang proseso ng Anti-Money Laundering Council at Court of Appeals.'

Sawang-sawa na ako sa mga palusot ng mga pulitikong naaakusahan ng katiwalian. Lalo tuloy akong napapaisip na guilty sila. 

Lantad na naman ito sa kaso ng mga Binay nang lumabas ang freeze order sa ilang bank account ng pamilya at tauhan nila. Inutos ito ng Court of Appeals (CA), batay sa report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na 242 na mga bank account ang tila ginamit ng mga Binay upang itago ang perang ninakaw sa kaban ng bayan.

Naalala ko pa nang ipinahayag ni VP Jejomar Binay na hindi siya haharap sa imbestigasyon ng Senado. Hindi raw ito ang tamang paraan ng pag-iimbestiga sa mga ibinibintang sa kanya. Aniya, kasuhan na lang daw siya sa korte at doon siya haharap sa publiko. Madrama pa niyang sinabi na kung idadaan lang siya sa tamang proseso, mapapatunayan niyang inosente siya. 

Heto na ang tamang proseso ng AMLC at CA. Inaabangan ko ang maginoong VP na matapang na humarap sa publiko at isiwalat ang katotohanan. Hinihintay ko ang malinaw na ebidensya ng kanyang nakakasilaw na integridad.

Tago nang tago

Nguni’t kabaligtaran ang ginawa ni VP Binay. Sa halip na ilabas ang katotohanan, nagbanta pa siya laban sa mga pahayagang maglalathala ng ulat ng AMLC. 

Inulit niya ang walang-kamatayang palusot na ang lahat ng ito’y pamumulitika lamang. Ito ang sinabi ni Binay nang tumanggi siyang humarap sa Senado; ito pa rin ang kanyang depensa ngayong nasa korte na ang kaso. Hanggang sa ngayon wala pa akong nakikitang malinaw na paliwanag o katunayan na hindi siya nagnakaw.

Madali namang buksan ang mga bank account nila sa publiko. Puwede nilang utusan ang mga bangko na bigyang-daan ang simumang gustong sumilip ng mga ito. Aaaminin ko na kung ako ang tatanungin, hindi ko papayagan ito, kahit wala naman akong ikakatakot. (Kaming mga small-time sa gobyerno, wala kaming lusot. Kaming mga teacher pa nga ang naglalabas sa bulsa namin para sa ilang gastusin na, ayon sa COA, ay hindi pwedeng tustusan ng pamahalaan). Nguni’t iniisip ko na kung hinahangad kong manilbihan bilang presidente, at kung ang akusasyon ay “plunder,” malamang ay papayag na ako. 

Nguni’t nang tinanong si Senator Nancy Binay kung handa nilang buksan ang kanilang mga account, tinanggihan niya ito. Hindi naman daw ito ang paraan na mapapatunayan ang kanilang pagkainosente. Say what? At bakit naman hindi, Senator Binay? Lalo na’t, ayon sa ulat ng AMLC, palipat-lipat ang malalaking halaga mula sa mga bank account ng inyong mga tauhan (na lalong walang pagkukuhanan ng ganyang kalaking pera) hanggang mailipat ito sa mga bangko sa labas ng Pilipinas. Lalo na’t ang malalaking halaga ay inilabas sa mga account sa panahon ng imbestigasyon sa Senado. Inihalintulad pa nga ni Senator Binay ang kaso nila sa kaso ni dating Chief Justice Renato Corona. Di ba’t pumayag si Ginoong Corona na buksan ang kanyang mga account?

Ani Senator Binay: “In all our 25 years of working, this is what came to us – P643 million.” Saan po ako maaaring mag-apply? Please lang po, gusto ko at ng milyong-milyong pamilyang Pilipino na kumita ng humigit kumulang na P27 million bawat taon. Idagdag ko pa na ang kuwenta nina VP at Senator Binay tungkol sa dami ng bank account nila ( 5 lang daw) at ang mga nilalaman nito, ay pinasusubalian ng isang ulat ng Rappler

Siyempre pa, inulit ni Senator Binay na pakana lamang ng Liberal Party at ni Secretary Mar Roxas ang lahat ng ito. Binatikos niya ang paggamit ng mga ahensya ng pamahalaan laban sa kanila.

Kuwentong aso

Suriin natin ang paikot-ikot na pagdadahilan. Sabihin natin, halimbawa, na inakusahan ko ang mga Binay dahil kinagat ako ng aso nila. Lahat na ng palusot ang narinig natin. Wala silang aso. Dapat sa barangay ako nagsampa ng reklamo. Nang dinala ko na sa barangay ang reklamo, nagalit sila dahil sinisiraan ko lamang sila. Nang ipinatawag sila ng baranggay, kinagalitan nila ang komiteng tagapamayapa at inakusahang nagpapagamit lamang sa akin. 

Kung anu-ano pang paninira ang inabot ng lahat. Kung may aso man sila, kinaiinggitan ko lang ‘yon. Kung nasaktan man ako ng asong hindi nila pag-aari, kalmot lang ‘yon. Pinalalaki ko lang ang isyu dahil kaaway ako. Huwag makinig ang barangay sa ulat ng kapitbahay na nilipat na ang ilang aso sa bahay ng mga tauhan ng mga Binay. Kakutsaba ko ang kapitbahay. Huwag makikinig sa barangay dahil magkatalo ang kasalukuyang kapitan at ang mga Binay sa pulitika. 

Inosente sila – at ako, ang barangay, at ang kapitbahay ay may masamang motibo. Higit sa lahat, hindi papapasukin ang kawani ng barangay sa bahay nila upang maghanap ng aso. Wala naman daw ‘yung mapapatunayan.

Isumbong mo sa dog catcher

Sa larangan ng pagdadahilan, kasali ang ilang tagapagtanggol nina Binay sa ganda ng kanilang bukambibig . Halimbawa sina Neri Colmenares at Teddy Casiño. Anila, malakas ang ebidensya na may aso sina Binay, kaya’t dapat silang imbestigahan at magpaliwanag. Nguni’t higit daw na marami ang aso ni Pangulong Aquino, at higit na maraming kinagat ang mga ito. Dapat lamang na kasuhan din si PNoy at ang kanyang mga tauhan.  

Ito ang klasikong pakanang tinatawag na “sampal, haplos” – sampal dahil humihingi ng imbestigasyon; haplos, dahil sinasang-ayunan nila ang akusasyon ng mga Binay na pinag-iinitan sila ng administrasyon at ginagamit ang mga ahensya ng pamahalaan upang sila’y siraan. Mawalang galang na po mga ginoo, habulin ko muna ‘yung asong kumagat sa akin at mukhang nailipat na sa kabilang bahay.

Sa totoo lang, ito ang pinakakinaiinisan kong palusot. Ito kasi ang press release ng lahat ng sinakdal, nilitis, at napreso dahil sa katiwalian: “Bakit ako? May higit na masahol pa sa akin!” Ang panukala nila’y hayaang magkalat muna sa barangay ang lahat ng asong ulol hanggang makagawa ng paraan na mahuli ito nang sabay-sabay. O di kaya, habulin muna ‘yung iba at huwag pansinin ‘yung asong nasa bakuran ko na.

Hay, naku. Tell it all to the dog catcher. – Rappler.com