Commission on Audit

[ANALYSIS] Kaagapay ang COA, hindi kaaway

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Kaagapay ang COA, hindi kaaway
Pinakita ng COA reports na hindi totoong walang pera ang gobyerno. Hindi rin totoong naging masinop ang paggastos ng gobyerno sa gitna ng pandemya.

Kaliwa’t kanan ngayon ang mga balita hinggil sa mga kuwestiyonableng transaksiyon ng gobyerno sa gitna ng pandemya, partikular noong 2020. Ayon ito sa latest audit reports ng Commission on Audit (COA).

Mula sa diumano’y overpriced sanitary napkins, pagpapagawa ng infinity pool at jacuzzi, pagbili ng gadgets mula sa isang construction firm, pagpapasuweldo sa sandamukal na “social media specialists,” mga kaduda-dudang transfers ng pera papunta sa anti-communist task force ng gobyerno, hanggang sa ayudang napunta sa maling beneficiaries, tila walang katapusan ang listahan.

Pero higit sa lahat ng ahensiya, mukhang pinaka-wapak (warak?) ang Department of Health (DOH). Tumataginting na P67.3 bilyon (bilyon with a “b”) ng kanilang COVID-19 funds ang ‘di nagasta nang maayos o kulang-kulang ang mga papeles.

Kabilang dito ang P42.4 bilyong ‘di inilipat ng DOH nang wasto sa mga implementing partner agencies nito. Halos lahat ng ito (98%) ay ibinigay nila sa Procurement Service ng Department of Budget and Management para raw sa pagbili ng mga personal protective equipment (PPE) at ibang supplies. Ngunit lumalabas na tila overpriced ang bili sa ilan dito. (Ang dating pinuno ng Procurement Service ay dating alalay ng Pambansang Alalay.)

Samantala, P11.9 bilyon ang “unobligated” o ‘di nagastos na pondo ng DOH. Sa gitna ng health emergency, nasaan ang kanilang sense of urgency? Anyare?

Mayroon ding P5 bilyong mga kontrata na ‘di naging masinop ang procurement, kabilang ang P70 milyong halaga ng medical equipment at supplies na nabili na pero ‘di nagamit at nasayang lang. At may P3.4 bilyon ding para sa “foreign-assisted projects” na ‘di gumalaw.

Kung susuriin ang kabuuang budget ng DOH – hindi lang ‘yung COVID-19 funds nila – lumalabas na mas malaki pa ang kabuuang halaga ng mga transaksyong kulang-kulang ang dokumento (P45.8 bilyon) pati ang unobligated funds (P24.6 bilyon).

Ayon sa COA, ang kaduda-dudang paggastos ng DOH ay nagdulot ng “challenges” at “missed opportunities” sa gitna ng pandemya, at nagpabagal sa pag-responde ng gobyerno.

Misuse vs underspending

Taon-taon, ‘di naman mawawala ang mga anomalya. Pero iba pala ang tama ng COA findings sa gitna ng pandemya at pinakamalubhang krisis pang-ekonomiya ng ating bansa.

Mahirap ang pera sa mga panahong ito, at bawat pisong maaaring masayang ay malaking sampal sa milyon-milyong Pilipinong nawalan ng trabaho, nauubusan ng ipon, nagugutom, at naghihirap.

Kaya naman ‘di na kagulat-gulat na ganoon na lamang ang naging reaksyon ng mga tao, lalo ang netizens. Mas maraming naging aware sa konsepto ng accountability.

Pero bukod sa misuse of funds, dapat din nating pagtuunan ng pansin ang problema ng underspending.

Sakit ito ng maraming ahensiya. Kalimitang sanhi ng underspending ang kawalan ng “absorptive capacity” na dulot ng, halimbawa, kakulangan ng mga eksperto sa pagbuo o pag-evaluate ng mga proyekto, ‘di maayos na bidding practices, o kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya.

Lumang problema na rin ito. Abot-abot ang batikos kay dating pangulong Noynoy Aquino dahil sa underspending noong termino niya, lalo na patungkol sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ngunit pinapakita ng COA audit reports ngayon na talamak pa rin ang underspending. At nagaganap pa rin ito sa kabila ng pagpapaluwag sa procurement rules at iba pang tinatawag na “controls” upang pabilisin ang pandemic response ng gobyerno at mas dumaloy ang pera.

Sa Bayanihan 2 nga, na nag-expire nitong Hunyo 30 lang, bilyon-bilyong piso rin ang pera na, naging bato pa.

Defensive masyado

Kung gaano ka-problematic ang paggastos ng gobyerno, ganoon din ka-problematic ang naging reaksyon ng administrasyong Duterte sa COA reports.

Tulad ng inaasahan, kinastigo, ininsulto, at minura ni Pangulong Duterte ang COA. Imbis na “flagging” ay “flogging” (paghahagupit) daw ang ginagawa nito. Sinabihan pa niyang itigil na lang ang pag-publish ng COA findings para ‘di sumama ang imahe ng gobyerno.

Sa isang House hearing naman, emosyonal na sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na “winarak” na raw ang reputasyon ng DOH. A meme was born.

Well, una, trabaho lang ng COA na mag-audit taon-taon at i-publish ang kanilang findings batay sa mandato na ibinigay sa kanila ng Saligang Batas. Government 101 ito. Pero ano nga ba ang aasahan mo sa pangulong hinalintulad sa “toilet paper” ang Saligang Batas?

Pangalawa, hindi kasalanan ng COA kung marami itong nadidiskubreng mga kuwestiyonableng transaksyon. At ang COA findings ay ‘di nangangahulugang guilty agad ang mga ahensiya at transaksyong kanilang fina-flag.

Dapat tingnan ang COA reports bilang pagkakataon ng mga ahensiya na mag-submit ng mga kaukulang dokumento sa loob ng panahong itinakda ng komisyon. Kaagapay ang COA sa good governance, hindi kaaway.

Sa totoo lang, ang pang-aaway sa COA ay isa ring malaking red flag. ‘Ika nga ni Senador Leila de Lima sa Twitter, “Magnanakaw lang ang galit sa COA.”

Pangatlo, kung papanoorin si Secretary Duque, mistulang nagulat siya sa mga nilalaman ng COA reports at pinahayag pang walang “due process” na nangyari.

Imposible ito. Ayon kay dating COA commissioner Heidi Mendoza, bawat taon ay masinsinang konsultasyon ang nagaganap sa pagitan ng COA at mga ahensiyang sinusuri. Standard procedure din ang “exit conferences” kung saan nag-uusap ang COA at mga ahensiya upang i-validate ang findings at mapakinggan ang panig ng mga opisyal.

(Mismong ang salitang “audit” ay nag-uugat sa salitang Latin na audīre o “to hear.”)

Siguradong alam ni Secretary Duque ang resulta ng COA audits bago pa man lumabas sa media. Kaya ‘di mo masisisi ang marami na isiping PR stunt lang ang pagda-drama niya sa harap ng camera.

Sa Mayo, tandaan ang COA reports

Pinakita ng COA reports na hindi totoong walang pera ang gobyerno. Hindi rin totoong naging masinop ang paggastos ng gobyerno sa gitna ng pandemya, taliwas sa pahayag ng economic managers.

Kaya naman ngayong tinatalakay na ang 2022 budget, maraming mambabatas ang nagsasabing dapat siguro’y hinay-hinay tayo sa pagbuhos ng pera sa iba’t ibang ahensiya.

Sa isang banda, mukhang may sense iyon. Ayaw nating lalong masayang ang pera ng taumbayan, pati na rin ang mga bagong inutang ng ating bansa.

Pero magiging mahirap ito dahil eleksyon na naman sa Mayo: asahang muli ang mga kalsada, tulay, waiting shed, multipurpose building, at ambulansya na may pangalan ni mayor o cong. ‘Di malayong mapolitika rin pati ang mga bakuna at ayuda.

Pero sa kabilang banda, mukhang magtatagal pa ang pandemya at matagal pang makababangon ang ating ekonomiya. Sobrang halaga ng mabilis at malakihang paggastos ng gobyerno para ‘di tuluyang malugmok ang kabuhayan at kita ng mga Pilipino.

Bagama’t may mga kuwestiyonableng paggastos, ‘di nito tinatanggal ang pangangailangan ng taumbayan ng mas pinaigting na pandemic response (testing, tracing, treatment), mas marami pang bakuna, at sapat na ayuda.

Sa huli, ‘di naman kailangang tadtad ng anomalya ang mabilis at malakihang paggastos ng gobyerno. Pero kung ganoon talaga ang nangyayari at walang kadala-dala ang matataas na opisyal, kailangang panagutin natin sila gamit ang ating mga balota sa Mayo. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.