Philippine economy

[ANALYSIS] Hindi na agricultural country ang Pilipinas. Narito ang datos.

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Hindi na agricultural country ang Pilipinas. Narito ang datos.

DR CASTUCIANO

Sa totoo lang, walang dapat masaktan o maging defensive sa katagang 'hindi agricultural country ang Pilipinas.' Normal lang sa mga bansa ang pagliit ng kontribusyon ng agrikultura habang sila’y umuunlad.

Isa sa pinakatalamak na misconception o maling akala hinggil sa ekonomiya ng Pilipinas ay ang paniniwalang isang “agricultural country” pa rin tayo. Mali iyon.

Unang una, kung titingnan ang datos ng kabuuang produksiyon ng ekonomiya – na sinusukat ng gross domestic product o GDP – pinakamalaki ang hati ng mga serbisyo o services (Figure 1). Noong 2021, sa bawat P100 na halaga ng output, P60.58 ang nanggaling sa services. Samantala, halos P30 lang ang hati ng industriya, at P9.59 ang kontribusyon ng agrikultura (pinakamaliit).

Figure 1

Pinakamaliit din ang kontribusyon ng agrikultura sa paglago o growth ng ekonomiya. Noong 2020 at 2021 nga, tanging services at industriya lang ang nagpalaki sa GDP (Figure 2).

Figure 2

Sabi ng iba, agricultural country tayo dahil karamihan ng mga Pilipino ay nasa sektor ng agrikultura. Totoo iyon maraming dekada na ang lumipas. Noong 1970, halimbawa, lagpas kalahati, o 53.7% ng mga may trabaho, ang nasa agrikultura.

Pero hindi na ngayon. Ayon sa pinakabagong Labor Force Survey ng gobyerno, halos 60 sa 100 na employed ang nasa services, samantalang 22 lang sa kanila ang nasa agrikultura (Figure 3).

Figure 3

May mga nagsasabi ring agricultural ang Pilipinas dahil ayon daw sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, 40% ng Filipino workers ang nasa agrikultura na responsable sa 20% ng GDP. Ngunit kung titingnan ang write-up, 2003 pa ang pag-aaral na pinagbasehan noon; marami nang nangyari mula noong 2003 hanggang sa kasalukuyan.

Bakit kontrobersiyal?

Ang katotohanang hindi na agricultural country ang Pilipinas ay matagal nang alam ng mga ekonomista. Kaya nagulat ako sa reaksiyon ng maraming tao noong ibinahagi ko ang simpleng pahayag na iyon sa Twitter noong nakaraang linggo. ’Di ko akalaing magiging defensive ’yung iba; ang ilan, naging emosyonal pa!

Maging ang dating agriculture secretary na si Manny Piñol – na kumain noon ng kaning may bukbok (weevils) para ipakita umanong safe kainin iyon – umalma sa post ko. Aniya, isa raw ako sa “swivel-chair economic experts” na dapat daw “lumabas…sa lungga…at sumama sa [kanya] sa pagiikot sa boung (sic) bansa.”

Ayon sa kanya, nililimitahan daw ng “economic experts” ang agriculture sa raw materials: “Kapag bagong ahon o huli ang isda, Agriculture pero kapag nilagay sa lata, processing or manufacturing industry na. Buhay na baboy ibenenta ng magsasaka, Agriculture pero kapag ginawang hamon, chorizo o spam, industry na. Kapag binilad na copra nabenta Agriculture pero kapag ginawang mantika, industry na.”

Ngunit isa sa basic principles ng pag-compute ng GDP ay dapat “final goods” lang ang kasali. Kung isasama natin ang halaga ng bagong huling isda at yung nasa de lata na, double counting na iyon. Double counting din kung ibibilang ang chorizo o spam pati ’yung buhay na baboy na ginamit roon, o ‘yung coconut oil at pinanggalingang kopra.

Kumbaga sa bill sa restaurant, hindi mo na kailangang bayaran nang hiwalay ’yung presyo ng mga sangkap o ingredients na ginamit sa paggawa ng pagkain mo. ‘Yung mismong meal na lang ang babayaran mo.

Ang konsepto ng double counting na iniiwasan ng GDP ay matatagpuan sa bawat Econ 101 textbook. Sa ibang lugar tulad ng US, may tinatawag na “gross output” kung saan binibilang ang intermediate goods tulad ng karne o isda. Ngunit may double counting pa rin iyon, at hindi pa ito ginagamit sa Pilipinas.

Ayon din kay Piñol, dapat daw ikonsidera sa agrikultura ang mga traktora, cargo trucks, haulers, sprayers, vitamins, kulungan ng manok, atbp.

Hirit pa niya, “Looking backward, why do industrial companies manufacture tractors and farm implements? Alangan namang gamitin ang traktora sa pamamasyal… They were made for agriculture, idiots!”

Ngunit muli, ang prinsipyo sa GDP ay ’di na binibilang ang intermediate goods o mga ginamit sa paglikha ng final agricultural output. Kung bilangin din iyon, double counting ulit.

Oo, may mga agricultural products na pumapasok sa industriya at mga serbisyo. Ngunit maliit din ang kontribusyong iyon. Base sa 2018 Input-Output Accounts ng Philippine Statistics Authority, sa bawat unit ng output ng manufacturing, 12.21% lang ang galing sa agrikultura, forestry, at fishing (AFF). Bukod sa AFF mismo, wala nang ibang sektor sa ekonomiya na gumagamit ng higit 1% ng inputs mula sa AFF.

Kalma lang

Sa totoo lang, magandang napag-uusapan ngayon ang istruktura ng ekonomiya ng Pilipinas. Panahon na upang maintindihan natin ito nang maigi.

Sa isang bagong discussion paper na isinulat ni Professor Emeritus Emmanuel de Dios ng UP School of Economics, tinalakay niya ang malaking pagbabago ng ating ekonomiya mula noong Batas Militar hanggang ngayon.

Sa paglipas ng panahon, talagang naging service-driven economy na ang Pilipinas, at services na talaga ang driver ng ating ekonomiya ngayon. Aniya, “At a minimum, the mental picture of the Philippines as a predominantly agricultural country, or one whose future lies in agriculture, is badly in need of revision.”

Sa totoo lang, walang dapat masaktan o maging defensive sa katagang “hindi agricultural country ang Pilipinas.” Normal lang sa mga bansa ang pagliit ng kontribusyon ng agrikultura habang sila’y umuunlad (Figure 4). Ang tawag dito sa economics ay “structural transformation” – nagta-transform talaga ang istruktura ng mga ekonomiya sa paglipas ng panahon.

Figure 4

At kapag sinabing hindi agricultural country ang Pilipinas, ’di ito katumbas ng pagsasabing hindi na importante ang agrikultura. Maling lohika iyon.

In fact, lubhang napakahalaga pa rin ng agrikultura, lalo na’t kinakaharap natin ang food insecurity at malawakang pagkagutom. Bukod dito, kailangan pang pagtuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura upang maging mas produktibo ito sa hinaharap – kahit na pakonti nang pakonti ang interesadong magsaka at mangisda sa mga kabataan ngayon.

Panghuli, wish ko lang, sana habang tinatalakay natin ito ay respetuhin natin ang sinasabi ng datos at ’wag namang gumamit ng mga pang-iinsulto, mura, “ad hominem” remarks, at “appeals to emotion” – na pawang mga uri ng maling lohika.

Halimbawa, ani Piñol, “Subukan nating huminto sa pagtatanim, huwag na mag-alaga ng manok o baboy, hwag (sic) na manghuli ng isda at hwag magbenta ng saging at prutas…. Kung walang Agrikultura babagsak ang ekonomiya at magkakagulo ang boung (sic) bansa.”

Walang nagsasabing ’wag na tayong magtanim, o mag-alaga ng mga manok at baboy, o manghuli ng isda, o magbenta ng saging at prutas. Exagg na statement iyon, at malaking distortion ng original post ko na naglatag lang ng facts at datos.

Maganda ’yung sinabi ni Sally Yates, dating attorney general ng US: “We can debate policies and issues, as we should. But those debates must be based on common facts rather than raw appeals to emotion and fear through polarizing rhetoric and fabrications.”

Sa madaling sabi, may mga paraan upang pag-usapan ang mga isyu hinggil sa ating ekonomiya sa mahinahon at hindi mapanira o mapanlinlang na pamamaraan. Kalma lang. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.