Philippine theater

[Episodes] Mga tala tungkol sa pagka-bongga ng buhay

Adelle Chua

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Episodes] Mga tala tungkol sa pagka-bongga ng buhay
'Ang kaya lang natin, mamuhay at maghanap ng maliliit na bagay na bibigyan tayo ng lakas na magpatuloy mula ngayon hanggang bukas, mula bukas hanggang sa susunod na araw'

Kung mayroon kang mahal sa buhay na nagtangkang magpakamatay, ano ang iisipin o mararamdaman mo? Kung isa kang kaibigan, magulang, asawa, kasintahan, anak ng isang taong ubod ng lungkot, paano mo ipapahiwatig ang pagmamahal mo at sasabihing narito ka lang, marami pang dahilan para gustuhing magpatuloy? 

Paano pa kung isa kang batang may inang ilang ulit na ang pagtatangka? Halimbawa, pitong taong gulang, na ang tanging karanasan sa kamatayan ay ang pagpanaw ng pinakamamahal mong aso?

Dito nagsisimula ang Bawat Bonggang Bagay na itinanghal ng The Sandbox Collective sa Maybank Performing Arts Theater. Ang orihinal na bersyon sa Ingles, Every Brilliant Thing, ay isinulat nina Duncan Macmillan at Jonny Donahoe. Noong Hunyo-Hulyo nga, isinaentablado na rin ng Sandbox ang Every Brilliant Thing, katalikuran ng isa pang dula ni Macmillan, ang Lungs. Si Guelan Leurca ang nagsalin ng ng EBT sa Filipino. Si Jenny Jamora ang direktor.

Pribilehiyo para sa akin ang pagkakataong mapanood ang dula sa Ingles noong Hunyo, at sa Pilipino kamakailan. 

Maraming pagkakaiba, syempre. Sa EBT, si Teresa Herrera ang gumanap sa papel ng bidang batang babae na ipinakitang nagkamalay at tumanda rin. Dahil ang dula ay nasa orihinal na wika nila Macmillan at Donahoe, may mga references na baka hindi masyadong magets ng mga manonood sa Pilipinas. Water fights, halimbawa. O iba pang bagay na kulturang popular na mas alam ng Western audiences. Nabasa ko online, sa ibang pagtatanghal, lalaking bata naman ang pangunahing tauhan. 

Dito sa BBB, wala akong ibang maiisip na iba pang makakaganap sa papel ng walang-ngalang bata kundi si Jon Santos. Bakla ang anak sa BBB, na nagkaroon na isang partner, si Sam, pero hindi malaking bagay ang pagkakaiba ng kasarian. Nagkaiba lang ang mga sirkumstansya ng pagpo-propose at pagpapakasal dahil kailangan pa nilang tumungo sa ibang bansa. Ang totoo, nakadagdag pa nga sa pangkalahatang kamulatan ang aspetong ito ng dula.

Tulad ng inasahan ko, may mga pagkakaiba rin sa mismong listahang inumpisahan ng bata sa pasilyo ng ospital noong unang nagtangkang magpakamatay ang kanyang ina. Sa kagustuhan nya kasing kumbinsihin itong maraming dahilan para mabuhay, nagbalak syang isa-isahin ang mga bagay na nakakapagpasaya sa kanya hanggang umabot ito ng isang libo. Nag-iiwan sya ng Post-It notes kahit saan para makita ito ng kanyang ina. Sa EBT, number one ang ice cream. Sa BBB, halo-halo. Sigurado rin ako na wala sa orihinal na MacMillan-Donahoe script ang Bituing Walang Ningning, ang namayapang aktres na si Cherie Gil, and konsepto ng pasalubong, at ang bihirang pangyayari na magkatotoo ang idiom katulad ng literal na pagbubuhat ng sariling bangko. Nakatulong ang paggamit ng mga bonggang bagay sa konteksto ng ating kultura para mas ilapit sa Pinoy ang tema ng dula. 

Pero kahit magkaiba sa ilang aspeto, mas marami ang pagkakatulad. Tunay na unibersal ang maraming bagay, ano mang wika, ano mang kasarian ng nagsasalita. 

[Episodes] Mga tala tungkol sa pagka-bongga ng buhay

Malaking tulong ang partisipasyon ng ilang manonood. Kahit hindi ikaw ang tinawag para magbasa ng kung pang-ilang bonggang bagay, diktahan ng linya o paminsanang mag-adlib, pakiramdam mo’y bahagi ka ng pagtatanghal. Mahusay din ang pagsasalitan ng lungkot at katatawanan. Mabigat ang tema, pero hindi ka nito hinihila pababa. Tulad ng ginawa ng anak, pilit kang iniaahon nito maya’t maya, na parang dinadala ka sa ibabaw ng tubig para makahinga at hindi tuluyang malunod. Kung medyo naluluha ka na, biglang pipihit ang usapan at pwede mong itago ito sa katabi mo; pwede kang magkunyaring medyo sumisinghot ka dahil sa lamig sa venue. Maaaliw ka sa mga hirit ni Santos lalo na tungkol sa kanyang pakikipagmabutihan kay Sam. Kahit na, kung tutuusin, natuloy rin ang trahedya sa buhay nya at malamang sa hindi ay dama mo ang pinagdadaanan nya. 

Tunay ring sa magulang o ibang nakatatanda kumukuha ng gabay ang mga bata kung paano gaygayin ang buhay. Pero kung ang magulang ay abala sa sarili nyang mga hamon, ang bata ay hahanap at hahanap ng paraan ng pagsabay. Sa kaso ng BBB, nariyan ang amang hindi masyadong masalita – pero nariyan, kahit paano, sa tahimik nitong paraan. Maiisip mo tuloy ang mga batang walang sinumang masandalan, madaldal man o hindi. Saan sila kumakapit? 

Natural mong tatanungin ang sarili mo kung may nagawa ka bang mali, kung may kulang sa ginawa mo, at kung saan ka pumalya kapag may mahal ka sa buhay na nagagapi ng lungkot. Pero dahil sa pagmamahal, lalampasan mo itong pagka-abala mo sa sarili. Sisikapin mong tingnan ang mga bagay sa kanilang pananaw. Sikap lang: hindi madali dahil tao ka lang at may sarili ka ring dinaranas. Pero hindi ba’t itinutulak tayo ng pag-ibig na lampasan kung ano ang komportable sa atin, na magbigay at umunawa pa? 

Sinumang nagsasabing bonggang-bongga ang buhay ay nag-iilusyon. Hindi sa lahat ng bagay. Hindi sa lahat ng oras. Kahit ang pinakamasasayang sandali ay gayun nga – sandali lang. Fleeting, wika nga sa Ingles. Kailangan mong pansinin at danasin bago lumipas. Ilista kung kaya mo. Kilalanin na lang natin na lilipas ang mga ito para walang biguan ng pag-asa. 

Sa huli, wala naman talaga tayong kakayahan o kapangyarihan na sagipin ang kahit sino. Nakahanap pa rin ng dahilan at paraan ang nanay na kunin ang sarili nyang buhay. Umalis pa rin si Sam. Tumanda na rin ang ama ng pangunahing tauhan. Ang kaya lang natin, mamuhay at maghanap ng maliliit na bagay na bibigyan tayo ng lakas na magpatuloy mula ngayon hanggang bukas, mula bukas hanggang sa susunod na araw. Nagtapos ang BBB na pasayaw-sayaw si Santos sa kantang “Into Each Life Some Rain Must Fall.” Ang sumubok, ang mangahas – iyan ang bongga. – Rappler.com

Adelle Chua teaches journalism at the University of the Philippines College of Mass Communication. She was opinion editor, editorial writer, and opinion columnist for Manila Standard for 15 years. 

1 comment

Sort by
  1. ET

    Nainspire ako sa pagbabasa ng mag-isa nitong artikulong isinulat ni Bb. Adele Chua. Mas lalo na siguro kung napanood ko ang dula sa totoong buhay. Salamat Bb. Adele Chua.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!