EDSA People Power Revolution

[OPINYON] Buhay ang diwa ng EDSA sa 2022

John Molo
[OPINYON] Buhay ang diwa ng EDSA sa 2022

JANINA MALINIS

Normal lang na mangamba na baka nga lipas na ang EDSA. Na sa gitna ng ating hinaharap, baka itong 2022 na ang 'huling EDSA.' Subalit ating tandaan na iba ang isang pangyayari sa diwang nagdulot dito. At hindi maaaring mabura ang diwang nagdulot ng isang 'EDSA.'

February 25 na naman. At as usual, ‘andyan ang mga nagsasabing bigo ang EDSA. May punto din naman sila. Dahil maraming mga taong umasa sa totoong pagbabago pero di naman nangyari. Mga ilang eksperto na rin ang nagsabing para lang binalasa ang mga nasa poder. Political dynasties ay namamayagpag pa rin. At ang oligarkiya ay mas lalong lumalim. Habang ang mahihirap? Nanatiling mahirap. Naibalik ng EDSA ang demokrasya. Pero marami ang naiwan.

Pero tama din bang sabihing patay na ang diwa ng EDSA? Hindi. Dahil ang diwa ng EDSA ay di tungkol sa apelyido, antas, o grupo. Ang diwa ng EDSA ay ang pagbibigkis ng mga magkakapit-bahay, magkaka-nayon at magkaka-probinsiya.

Nagsama-sama ang mga tao noong 1986 di dahil sa pagsunod sa isang pulitiko. Hindi sila hinakot na parang tubo o palay. Nagtungo sila roon dahil pare-pareho silang naniniwalang panahon na para tumindig at ipaglaban ang ating mga karapatan bilang mamamayan. Pare-pareho silang handang masagasaan ng tangke para sa kanilang kapwa Pilipino. Patay na nga ba ang diwang ito?  

Noong dumapo ang COVID sa ating bansa, ilang Pilipino rin ang tinamaan at nasawi. Binalot ng takot ang buong bayan. Tila tayo nasakop muli, hindi ng banyaga, kundi ng isang virus. Pero, nagtago ba ang mga doktor, nars, at ibang healthcare workers? Hindi ba’t patuloy silang nagsilbi sa harap ng laban kahit na ang kapalit ay ang kanilang kaligtasan? Bawa’t pasok sa ospital ay sinusugal nila ang kanilang buhay para sa mga taong hindi nila kilala. Gaano ito kaiba sa mga taong pumunta noong 1986? 

Nabubuhay ang diwa ng EDSA sa mga nagsilbi para panatilihing ligtas at kalmado ang bayan. Siya ang diwang tumulak sa mga driver at delivery staff na sumuong sa pandemya para lang hindi na kailangang lumabas ang karamihan. Naroon din siya sa mga kawani ng gobyerno na tuloy sa pagpasok kahit ilang beses nang nagka-COVID.

Buhay ang diwa ng EDSA sa mga mata ng mga batang nagsusumikap mag-aral sa gitna ng matinding pandemya. Buhay siya sa mga gurong nagsasakripisyo para makapag-adjust ng paraan ng pagturo gamit ang internet – kahit na sila mismo’y dumaraan sa matinding pagsubok.   

Buhay ang diwa ng EDSA sa mga community pantry, kung saan nagbigkis ang mga magkaka-barangay sa gitna ng matinding kahirapan. Ilang beses din silang pinuna at tinakot. Ngunit nanatili silang bukas dahil alam nilang kailangan sila ng kanilang kapwa.  

At ngayong 2022, buhay ang diwa ng EDSA sa panahon ng kampanya.

Masdan ninyo ang enerhiya at ispiritu ng bolunterismo ng mga taong tumutulong sa isang kandidato. Habang ang ilang kandidato ay gumagamit ng salapi para makahakot, sila ay dumadayo at sumusugod kahit sa kabilang bayan nang kusang-loob. Gumagawa sila ng sarili nilang tarpaulin, signs, at parol. Nagpapakain at nagtutulungan. Ang mga artista, nagpe-perform nang libre (hindi para sa P120-million na talent fee). Mga pari at madre, nangunguna sa pagdasal. Masdan ‘nyo ang mga video noong 1986. Di ba’t parang nauulit ang pakiramdam ng kasaysayan?

Nakikita ang diwa ng EDSA sa bawat pagtindig laban sa pang-aabuso. Tulad ng pagtindig ng mga volunteer nang baklasin ang kanilang mga mural at tarpaulin. Ganoon din sa Iloilo kung saan ang mga kabataan mismo ang nagsimula ng pag-protesta sa di nararapat na pamamaraan ng pag-rally.

Sa Antique, nagtangkang pumasok ang anak ng diktador – kampante na naibura na ng troll machine ang sakit na idinulot sa mga taga-roon. Nagulat sila. Nagbigkis ang mga tao at pinaramdam sa mga dayo ang kanilang saloobin. Napilitang umatras ang grupo ni Junior. Parang mga tangkeng umatras din noong 1986. Hindi kayang burahin ng TikTok ang sakit ng pagpaslang kay Evelio Javier, lalo na sa kanyang mga kapwa.

Ito ang diwa ng EDSA. Diwa na maaaring humupa nang panandalian ngunit hindi tuluyang papanaw. Dahil ang diwang ito ay higit pa sa EDSA. Naroon na siya sa Mactan, sa Malolos, sa Bagumbayan at saan mang lugar na minsa’y tumindig ang Pilipino para sa kanyang kapwa. Magbabago and panahon, ang pulitika at ang lugar, pero ang diwang ito ay mananatiling maalab.

Normal lang na mangamba na baka nga lipas na ang EDSA. Na sa gitna ng ating hinaharap, baka itong 2022 na ang “huling EDSA.” Subalit ating tandaan na iba ang isang pangyayari sa diwang nagdulot dito. At hindi maaaring mabura ang diwang nagdulot ng isang “EDSA.” Dahil ang diwang ito ay likas sa bawat Pilipino.

Ito ang diwa ng EDSA. Ang diwa ng pakikipag-kapwa. Kaya huwag nang ma-stress sa mga nagsasabing “tapos na ang EDSA.” Dahil iba naman talaga ang 1986 sa 2022. Ang mahalaga ngayong 2022, gamitin natin ang diwa ng pakikipag-kapwa sa pagpanday ng bagong kinabukasan. Laban lang. – Rappler.com