Disinformation

[OPINYON] (New) Media information (il)literacy

[OPINYON] (New) Media information (il)literacy
Oo, nakakapagod at masarap sukuan minsan ang new media platform tulad ng Facebook. Pero kung doon nagkakalat ng kamangmangan, hahayaan na lang bang walang magsasabi na baka kasangkapan na rin sila ng pangmamangmang?

Nag-alala ako sa larawan na nai-share ng isang ka-batch ko sa college. Fake ang quotation na nakasulat sa tabi ng larawan ng isang personalidad na laging pinupuntirya ng industrial-grade troll duplicating machine ng kung sinong entreprising na politiko. 

Pansinin: “nai-share” ang ginamit kong pandiwa. Iba kasi ito sa intentionally shared multimedia file sa Facebook. Nai-share dahil may benefit of the doubt, baka hindi nga sinasadyang ma-share. Baka na-trigger lang talaga at naniwala sa nakakatawang nakakainis na quotation, na kesyo over-the-counter menthol inhaler lang daw ang gamot sa COVID-19, or something to that mentholated effect sa mga nakasagap ng fake “news.”

Halatang minanipula ang larawan para sa mga maniniwala’t handang mag-share. At, apparently, marami silang handang mag-share. Hindi lang basta troll account na walang laman o kalilikha lang ang account. Organic ito. Buhay. At buhat sa iba’t ibang saray ng lipunan. Minsan kamag-anak pa nga natin. 

Pinasinungalingan na ng personalidad ang mga kumalat na meme noon pa. Pero patuloy na kumakalat pa rin hangga’t may nagse-share sa nasabing pekeng quotation with matching mukha at logo ng pobreng pahayagan na kunwari ay naka-scoop ng balita. Hanggang mai-share na nga ng kaiskuwela ko noong kolehiyo. Na sana nga unconsciously. Kaya para makatiyak, nag-private message ako.

Nangahas akong mag-private message sa kaniya para sabihing fake “news” ang kaniyang nai-share. Naka-attach sa private message ang screen-grabbed photo kasama ang kaniyang caption na nangmaliit sa talino ng personalidad. Will all the politeness and objectivity I could muster, ipinaliwanag ko sa kaniya na fake ang quotation, na baka ma-construe ng mga ka-Facebook niya na hindi muna siya nag-iimbestiga sa veracity ng quotation dahil unconscious siya na peke ito. Saka, you know, teacher kami pareho, kaya baka mag-reflect sa kaniyang propesyonal na buhay ang maniwala at mag-share ng fake “news.”

Bago ako mag-private message, inisip ko na, sana, hindi niya alam na fake “news” iyon. Matatanggap ko. Madaling makakuha ng simpatiya at madali lalong paniwalaan ang mga seryosong larawan lalo’t may kunwaring logo ng network o pahayagan. Lalo’t naka-layout na parang propesyonal. Puwede talagang magkamali. Pero hindi.

Nagalit ba naman sa akin? Bakit daw hindi ko sitahin ang mga nagpapakalat ng fake news tungkol sa kaniyang iniidolong politiko? In a way, ganti raw niya ito. To get even sa maraming fake “news” tungkol sa isa sa pinakamapakapangyarihang tao sa bansa. Alam ng gurong ito na hindi totoo ang kaniyang shared meme. Conscious siya. Alam niya. At kasangkapan siya sa pagpapalaganap ng highly divisive, not to mention highly stupid, na social media material. Pero ang mas nagpapalala rito, guro siya. Wala akong pakialam kung ultra sensitive-skinned congressman o senador o egocentric na laos na artistang naging usec ang nagpapakalat ng fake news, pero guro? At kakilala ko pa?

Ganito rin ang naging himutok ko sa isang thread ng isang kaibigang lider ng samahan ng mga guro sa bansa. Sa kaniyang pahayag, sinabi ng kaibigan kong ito ang hindi niya pagpabor sa hindi pagbibigay ng prangkisa sa Dos; ang implikasyon nito sa malayang pamamahayag; ang malawakang epekto sa pag-uulat, halimbawa, ng kalamidad. 

Sinundan ko ang thread, at, naroon, nakahilera ang pagkondena ng ibang guro sa status, na matitiyaga namang sinasagot ng kaibigan ko. Pinaliliwanagan. Sinasabing “inirerespeto ko po kayo bilang guro, Sir (o Ma’am)” kasabay ng kaniyang paliwanag. Matiyaga, na dapat lang naman dahil guro ang kapalitan ng diskurso. Pero mayroon – as in, marami – ang dumagsa sa thread hindi para magpaliwanag kung hindi maitapal ang maraming meme bilang “diskurso.” Nag-comment ako sa thread, nang-uuyam: “Ang mas nakakatakot yata sa post na ito ay ang makakita sa thread ng mga titser na ang batayan ng argumento ay meme. <media information literacy left the group>”

Ganito rin halos ang naging talakayan sa isang thread ng Media Information Literacy teachers Facebook group na sinalihan ko. Hindi palitan ng matatalinong kuro-kuro; palitan ng meme ang nangyari hinggil sa usapin ng pagkakait/pagde-deny ng Kongreso (depende sa pananaw mo) sa prangkisa ng Dos. Masakit isiping ang mismong guro ay mistulang hindi makatutupad sa kahingian ng mismong subject na kanilang itinuturo: “The course introduces the learners to basic understanding of media and information as channels of communication and tools for the development of individuals and societies. It also aims to develop students to be creative and critical thinkers as well as responsible users and competent producers of media and information.” Big words. Critical thinkers. Responsible users. Competent producers of media and information. < Nemo dat quod non habet left the group>

Ang ganda sana ng kurso. Makatutugon sana na pang-counteract sa dagsa ng disinformation, lalo’t kasama sa learning competency ng estudyante sa senior high school (at sana ay guro din) ang “evaluates the reliability and validity of motion information and media and its/their sources.” Pero paano kung ang mismong guro ang hindi nag-e-evaluate ng sources? O ang mismong guro ang kinakasangkapan ng disinformation na ito? Alam ko, alam ko, anecdotal evidence pa lamang ito. Tatlong instances na natatandaan ko nito lamang huling isang buwan. Partida, hindi pa ako naghahanap niyan. Iyan lamang ang natalisod ko habang nagba-browse sa newsfeed ng Facebook.

Karaniwan na itong hatag sa Facebook na pugad ng disinformation at anxiety-triggering stupidity. Masyado kasing user-friendly. Kay daling mag-share, mag-copy-paste, mag-download at mag-upload ng retokadong multimedia files. Idagdag pa na kaydaling i-weaponize ang Community Standards. Isang malawakang pagre-report lang ng asembliya ng inorganic troll accounts, maaaring masuspinde o matanggal ang isang lehitimong account. Dahilan ito ng ilang kaibigan na inabandona ang Facebook para manatili na lamang sa Twitter universe. Kaya nang magkaroon ako ng account sa Twitter, ipinahayag ng isang kontrobersiyal na kaibigan na “Lumipat na rin sa Twitter si Joselito! Di na kinaya ang FB! Hahahahaha. Welcome to Twitter, less toxic mga tao dito.”

Bilang guro irerespeto ko ang tindig ng kabilang panig hinggil sa isang kritikal na isyu, basta mapagkakatiwalaan ang pinanggalingan ng paliwanag. Oo, kahit pa galing sa sektor ng kadiliman ang paliwanag, matatanggap ko. Basta pinaglimihan, pinagnilayang mabuti. Pero apektado ako lalo’t kakilala ko ang nagpapakalat ng pekeng balita o meme, o pekeng quotation na magpapaapoy lalo sa kaniyang pinaniniwalaan o kinamumuhian. Lalo’t naging fact-proof na ang kakilalang ito. 

Oo, nakakapagod at masarap sukuan minsan ang new media platform tulad ng Facebook. Pero kung doon nagkakalat ng kamangmangan, hahayaan na lang bang walang magsasabi na baka kasangkapan na rin sila ng pangmamangmang? Walang magsasabi kung paano dapat may kabuluhang magpaliwanag? Tandaan: “liwanag” ang operative term ng magandang salitang “paliwanag,” lalo pa’t ilang guro ang mismong nadidiliman. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.