[OPINYON] Para sa mga walang-hiya

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Para sa mga walang-hiya
Walang saysay ang satire kung walang collective laughter aimed sa mga walang-hiya. Walang epekto ang satire kung hindi makaka-offend.

Nananahimik ako isang gabi. Nilalabanan ko ang antok dahil kailangan kong hanapin ang isang mailap na accessory ng motorsiklo ko sa online marketplace nang biglang mag-private message ang isang kaibigan, ang personalidad na si Jun Sabayton na bukod sa pagiging artista, komedyante, aktibista, ay isa ring art impresario.

Puwede raw ba akong tawagan sa kalagitnaan ng digmaan ko laban sa antok at paggalugad sa malalim na bangin ng online konsumerismo.

Sinabihan niya akong bigyan ko raw ng introduksiyon ang isang exhibit na siya ang curator, ang “Politikal Ang Komiks” na kinatatampukan ng mga pinakamainit na political cartoonist sa kasalukuyan na lumulunsad sa social media.

Bihira akong humindi kay Jun lalo pa’t napapanahon ang kaniyang proyektong bahagi ng Active Vista Human Rights Festival. Matatagpuan sa Gravity Art Space sa may Mother Ignacia Avenue, Quezon City ang exhibit na magbubukas sa September 22. Samantala, sa September 30 naman magaganap ang artists talk hinggil sa kani-kanilang obra. Ilan sa mga mag-e-exhibit ay sina Libreng Komiks, Apol Sta Maria, Malayo Pa ang Umaga, Tarantadong Kalbo, Kapitan Tambay, Cartoonist Zach, Rob Cham, Marx Fidel, Marian Hukom, Chico David, Miyunnaiise, Steph Bravo Semilla, Balat ng Saging, Pakyu/t/ Comics, Bastinuod, Gusgusin, Tidbits Choi, at Robert Comics.

Ito ang bahagi ng isinumite kong introduksiyon kay Curator Jun:

DAPAT NATING IPAHIYA ang mga walang-hiya. Kaya papasok ang kolektibang pagtawa ng sambayanan upang mapahiya ang nasa poder, lalong-lalo ang mga walang hiya. At paano natin ito magagawa? Pasok, mga komikero’t kartunista.

Sa realm ng satire, dapat mayroong nasa receiving end, dapat may pagtawanan. May sinisitang bisyo at kahinaan ng isang tao o, sa lagay ng mostly family affair sa mga kasapi ng Congress, isang collective. Sinabi ng Oxford, oo, the same academic institution na nambagsak kay you-know-who, taglay ang elemento ng politika sa depinisyon ng satire bilang “(the use) of humor, irony, exaggeration, or ridicule to expose and criticize people’s stupidity or vices, particularly in the context of contemporary politics and other topical issues.”

Ginagamit natin ang satire upang pumuna, at ano ba ang ridicule kung hindi hiyain ang ang may hindi kaaya-ayang gawain sa lipunan? At karaniwan, itong mga nangwawalang-hiyang ito ay siyang may lakas ng loob na gawin nang paulit-ulit ang pangwawalang-hiya dahil sa taglay nilang kapangyarihan at kayamanan at troll farms. O sa kaso ni JPE, his pet pterodactyls. Kaugnay nito, nais kong ipanukala na ang pamamahiya bilang ganti sa walang-hiya ay magiging epektibo lamang, may bisa lamang, kung may collective na pagtawa buhat sa mga winawalang-hiya, tayo ’yung mga winawalang-hiya, obvious naman. Tayong kinaltasan ng buwis para lang waldasin – at walanghiyain! – ng mga walang-hiya. Dapat tayong pumuna sa pamamagitan ng pagtawa. At paano tayo patatawanin? Pasok, mga komikero’t kartunista.

Gayong ginagamit nating armas ang satire para puntiryahin ang mga walang-hiya sa gobyerno, ang bisa ng satire ay nasa collective effort nating pagtawanan ang ipinahihiyang nabundat, nagkandakuba, nadestino na sa wheelchair dahil sa katakawan sa kapangyarihan at kayamanan.

Ganito dapat ang intensiyon. Hindi lang dapat ito isang obra maestrang babasahin ng maraming matatalino at paham at mga propesor na nagpre-present ng academic paper sa kumperensiya para ma-promote. Hindi lang keynote talk sa assembly o monthly meeting ng isang civic org. Hindi lang isang obrang nasa gallery na mahirap mapasok. Dapat accessible. Kuhang-kuha. Swak na swak.

Ang efficacy ng satire sa simula ay dapat lumikha ng collective laughter upang makapamahiya. May salik ang bilang kung tayo ay mamamahiya o, sa ilang pagkakataong marahil ay dinanas ninyo, ipinahiya. At itong bilang na ito ng tatawa o tatango o mapapangisi o maaapektuhan ng ating satire bilang opensiba – at ito lang yata ang madali nating magagawa dahil nasa poder ang mga walang-hiyang ito – ang magpaparamdam na may tama ang ginagawa natin. Na tama ang ginagawa natin!

Walang saysay ang satire kung walang collective laughter aimed sa mga walang-hiya. Walang epekto ang satire kung hindi makaka-offend. At masasabing offensive ang pamamahiya, sabi nga ni Fr. Jaime Bulatao sa kaniyang sanaysay tungkol sa hiya na aptly titled “Hiya,” kung may “painful emotion arising from a relationship with an authority figure or with society, inhibiting self-assertion in a situation perceived as dangerous to one’s ego.”

Hangga’t walang ganitong epekto sa nais nating ipahiya, mananatiling walang saysay ang satire. Kaya naman, pasok, mga komikero’t kartunista. Palaganapin natin ang kanilang obra.

Sa ganitong sistema ng pamamahiya sa walang-hiya, pansinin, lalo na iyong katawa-tawang pamumuna o satire – mapa-video man o meme, GIF, o sa pagkakataong ito ay comics at cartoons na lumulunsad sa malawak na internet at sa real-time engagement ng social media – mas marami ang tumatawa sa satirical na pamamahiya, mas maganda. Mas nagva-viral, mas nakararating sa pinatutungkulan. Mas nagiging kotrobersiyal. Hindi ba’t ang pamamahiya natin o pamamahiya sa atin ay nasusukat sa dami ng umaayon? Sa dami ng nakikitawa? Kaya naman, salamat, mga komikero’t kartunistang meme lord ng social media.

Tandaan. Para maging epektibo ang pamamahiya, hindi lamang dapat tayo-tayo ang nagkakaintindihan. Elemento ng pamamahiya ang kolektibong pagtawa sa ipinahihiya. Ang satire kung gayon ay singbisa lang ng publikong nakauunawa rito. Kaya naman saludo ako sa mga kartunista’t komikerong pasok na pasok sa karaniwang tao na binilog at binola ng unity at pangako ng P20 kada kilong bigas. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.